Sabado, Agosto 3, 2013

ISINILANG NA HANGAL

Agosto 4, 2013
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
(Mangangaral 1, 2; 21-23/Salmo 89/Colosas 3, 1-5. 9-11/Lucas 12, 13-21)


Ang pagiging sakim ay isa sa mga pitong pangunahing kasalanan. Ito po ay ang pagmamahal sa kayamanan nang higit pa sa Diyos. Nilalabag nito ang Unang Utos sa Sampung Utos ng Diyos. Ang utos na ito ay, "Ako ang Panginoon mong Diyos, huwag kang magkakaroon ng ibang diyos kaysa sa Akin." Nag-iisa lamang ang Diyos. Pero, dahil sa gahaman, ginagawang diyos ang kayamanan at pag-aari ng laman. 

Ang kayamanan ay hindi naman masama. Wala namang masama sa kayamanan dito sa lupa. Bakit? Nagmula ito mula sa Diyos. Ang mga kayamanan dito sa daigdig ay biyaya mula sa Diyos. Paano nagiging masama ang kayamanan? Kapag ito'y hindi ginamit ng tama. At ang ibig sabihin noon, ang pagiging sakim o madamot. Hindi nagbibigay o nagbabahagi sa kapwa, at higit sa lahat, kinakalimutan na ang tunay na Diyos. 

Binababala tayo ng Panginoon sa Mabuting Balita na maging maingat pagdating sa kayamanan. Kasi, maaaring maging abusado tayo sa ating mga kayamanan. Dahil sa pagiging abusado sa kayamanan, nakakalimutan natin ang iba pang mahalagang bagay sa buhay. Ang pagmamahal sa Diyos, sa pamilya, at sa kapwa. Iyan ang nakakalimutan kapag binulag tayo ng kayamanan. Nag-iisip ng masama at saka pagiging abusado sa kayamanan. Si Kristo'y nag-aalala para sa atin. Ayaw ni Kristo na maging sakim tayo sapagkat mahal na mahal Niya tayo. 

Hindi magiging maganda ang sasapitin ng mga sakim. Sa talinghaga ni Hesus tungkol sa mayamang hangal, ipinapakita sa atin na pwede palang maging makasarili at hangal ang mga mayayaman. Ang iniisip nila ang kanilang sarili at binabalewala ang kanilang kapwa. Higit sa lahat, nakakalimutan nila ang Diyos na Siyang nagbibigay ng pagpapala at biyaya sa kanila. 

Kaya sabi nga ng Panginoon, "Hindi pwedeng paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan." (Mateo 6, 24) Kanino tayo maglilingkod? Sa Diyos, o kay mammon? Tandaan, bawal paglingkuran silang dalawa, mamili tayo. Kailangang iisa lamang ang paglilingkuran natin. Nawa, ang sagot natin sa katanungang ito ay pagsisilbihan natin ang Diyos. Ang Diyos lamang ang paglilingkuran natin. 

Huwag tayong maging hangal, katulad ng mayamang hangal sa Ebanghelyo. Maging matalino tayo. Paglingkuran natin ang Diyos. Hindi tayo isinilang na hangal, huwag tayong maging hangal. Magpasalamat tayo sa Diyos sa lahat ng mga biyaya't pagpapala Niya sa atin. Sa gayon, tunay ngang magiging mayaman tayo. Tayo'y magiging tunay na mayaman kung tayo ay nagbabahagi sa kapwa at nagpapasalamat sa Diyos para sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento