Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56
Dalawang katanungan po ang pumasok sa aking isipan ngayong araw na ito. Ang unang tanong ay "Saang nakasulat sa Bibliya ang pag-akyat sa Mahal na Ina sa Langit?" Ang sagot diyan ay wala pong nakasulat sa Banal na Bibliya tungkol dito. Pero, ayon sa Banal na Tradisyon, sa katapusan ng buhay ng Mahal na Ina dito sa lupa, siya'y iniakyat sa langit, katawan at kaluluwa. Ayon kay Papa Pio XII sa Munificentissimus Deus, si Maria'y iniakyat sa kaluwalhatian sa langit sa katapusan ng kanyang buhay dito sa lupa.
Ang ikalawang tanong ay "Ano ang pagkakaiba ng pag-akyat ng Panginoon sa pag-akyat ng Mahal na Ina?" Si Hesus ay Anak ng Diyos. Bilang Anak ng Diyos, Siya'y Diyos rin. Siya ang ikalawang persona ng Banal na Trinidad. Kahit iisa lang ang Diyos na ating sinasamba, may tatlong persona ang iisang Diyos na iyon. Dahil sa pagka-diyos ni Kristo, umakyat Siya sa langit gamit ang Kanyang kapangyarihan. Ito ay dahil si Kristo ang Anak ng Diyos at ang pangalawang persona sa Banal na Santatlo. Kaya, si Kristo ay umakyat sa langit sa Kanyang kapangyarihan.
Si Maria naman ay tao katulad natin. Hindi siya diyosa, tao rin siya. Pero, bakit napakahalaga si Maria? Dahil kinalugdan siya ng Diyos at pinili na maging ina ni Kristo. Bago ipinanganak ang Mahal na Ina kay Santa Ana at San Joaquin, iniligtas siya ng Diyos mula sa kasalanang mana (Immaculate Conception). Kaya, ipinanganak siya na walang dungis ng kasalanang mana.
Ngayon, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, siya'y iniakyat sa langit. Para hindi kayo malito, gagamit ako ng konting Ingles. Mary was assumed (lifted) into heaven. Paano siya nakaakyat sa langit? Dahil sa kapangyarihan ng Diyos, ang Birheng Maria'y iniakyat sa langit. Sabi nga sa pagpapahayag ng pananampalataya (Sumasampalataya Ako), sinabi doon, "Umakyat sa langit (si Hesus), naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat." Walang nakasabing iniakyat, kundi umakyat si Hesus sa langit. Si Maria naman ay iniakyat sa langit ng kapangyarihan ng Diyos.
Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na dinalaw ni Maria si Elisabet. Parehas silang buntis noong panahong iyon. Dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan si Hesus, samantala naman, dinadala ni Elisabet si San Juan Bautista sa kanyang sinapupunan. Kahit na buntis si Maria, ginawa pa niyang dalawin ang pinsan niyang si Elisabet, na nagdadalang-tao rin. Mapapansin ninyo na masaya pa nga siyang pumunta kay Elisabet dahil dinadala ni Maria ang Mesiyas.
"Pinagpala ka sa lahat ng mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan." Ito ang mga salitang binigkas ni Elisabet na puspos ng Espiritu Santo nang marinig niya ang pagbati ni Maria. Tunay ngang pinagpala si Maria. Ito ay dahil sa siya'y nakikinig at sumusunod sa Salita ng Diyos. Kaya kinalulugdan siya ng Diyos at pinili Niya ang Mahal na Birheng Maria na maging ina ng Panginoong Hesukristo. Siya'y nakikinig, sumusunod, at nananalig sa Diyos.
Tularan natin ang ating Mahal na Inang si Maria. Siya'y naging mapalad dahil sa kanyang "oo" sa Diyos. Tumalima siya sa kalooban ng Diyos. Nakinig siya sa Salita ng Diyos at iningatan ito sa kanyang puso. Dapat tularan natin ang ating Mahal na Ina sa kanyang pananalig, pakikinig, at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Harinawa, katulad ng Mahal na Birheng Maria, sa katapusan ng ating buhay dito sa mundong ito, makapiling natin ang Panginoong Hesus sa kalangitan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento