Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Jeremias 38, 4-6. 8-10/Salmo 39/Hebreo 12, 1-4/Lucas 12, 49-53
Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na mahirap ang buhay ng isang propeta. Makikita natin na maraming mga kaaway si Jeremias. Pinagpaparusahan ang propetang Jeremias ng mga pinuno dahil sa mga salitang lumabas sa kanyang bibig. Nagsasalita lamang siya sa ngalan ng Diyos. Kaya, marami siyag naging kaaway. Kahit siya'y pinaparusahan ng mga pinuno, hindi siya nagreklamo. Sa halip, nanatiling tahimik si Jeremias, kahit hindi tama ang ginagawa sa kanya. Pero, iniligtas siya sa tulong ni Ebed-melec. Dahil sa pagiging maawain ni Ebed-melec, ang propetang si Jeremias ay iniligtas. Ipinapakita ng Unang Pagbasa na kahit maraming matigas-ulo, mayroon pa ring mga nakikinig at nagiging maawain.
"Umiwas sa kasalanan." Ito naman ang mensaheng ipinapaabot ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa. Mahirap umiwas sa kasalanan. Paminsan-minsan, napapasuko tayo sa tukso upang gumawa ng kasalanan. Kaya, ang pag-iwas sa kasalanan ay isang hamon para sa atin. Pero, may huwaran tayong dapat tularan - ang Panginoong Hesukristo. Nakaiwas Siya sa paggawa ng kasalanan at sumunod Siya sa kalooban ng Diyos - ang mamatay sa Krus para sa ating lahat. Napakahirap ang Kanyang tiniis, pero tiniis Niya ang kamatayan sa Krus para sa ating lahat. Hinahamon tayo na tularan si Hesus sa pagtitiis sa paglaban sa kasalanan.
Nakakagulat po ang mga sinasabi ng Panginoong Hesus sa ating Ebanghelyo. Parang hindi natin maiintindihan kung ano ang sinasabi Niya. Marami po ang mga nasasaktan dahil sa mga sinabi Niya sa Mabuting Balita. Kakagulat po na si Kristo ay naparito upang magdala ng apoy. Hindi lamang iyan. Sinabi pa ni Kristo na Siya ang magiging dahilan ng paghahati-hati ng mga miyembro ng pamilya. Pero, ano nga ba ang ibig sabihin ng mga salita ng Panginoon sa Ebanghelyo?
Unahin muna natin ang sinabi ni Hesus tungkol sa apoy. Hindi literal na apoy ang ibig sabihin Niya. Ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng Panginoong Hesus noong sinabi Niya ang mga salitang iyon? Ang ibig sabihin ng Panginoon ay lilinisin Niya ang sanlibutan ayon sa plano ng Diyos. Ipinapakita ni Kristo na Siya'y isang masigasig na misyonerong isinugo ng Diyos Ama. At ano ang lilinisin ni Hesus dito sa sanlibutan? Lilinisin Niya ang kasalanan at kamatayan.
Ngayon, dumako tayo sa pangalawang bahagi ng Mabuting Balita. Ang mga salitang lumabas sa bibig ng Panginoong Hesukristo - hindi Siya naparito upang magdala ng kapayapaan kundi ng pagkakabaha-bahagi. Ngayon, marami ang nag-akala na kapayapaan ang dala ni Hesus noong Siya'y naparito sa lupa. Ang maling akala ay ang Mesiyas ay naparito upang maging madali. Ngunit, noong ang Mesiyas sa pagkatao ni Hesus ay dumating, tinama Niya ang mga akala nila. Hindi magiging madali ang lahat. Naparito Siya upang maging mga manggagawa para sa kaharian ng Diyos.
Mahirap ang pagsunod kay Kristo. May mga pagkakataong kung saan tayo'y tutuksuhing gumawa ng masama. Maaari tayong tuksuhin na tumalikod sa ating pananalig at pagsunod kay Kristo. Hindi kabilang dito ang panindigan natin tungkol sa pulitiko o kung ano man. Ang pagsunod kay Kristo ay maaaring magdulot ng sakit sa pamilya o sa mga kaibigan. Pero, ito'y magiging isang pagkakataong maging malaya upang sundan at manalig kay Kristo.
Balikan natin ang unang bahagi ng Ebanghelyo. Ano ang ilang kasalanan na nililinis ng Panginoon? Ilan sa mga kasalanan ay ang mga pitong pangunahing kasalanan. Hindi lamang iyan. Ang isang kasalanan ngayon na talagang masikat ay ang pagnanakaw. Madali ang magnakaw. Ang pagpatay ay isang uri ng pagnanakaw sapagkat ninanakaw nito ang karapatan ng taong mabuhay. Ang pagsisinungaling ay isang uri ng pagnanakaw. Ninanakaw mo ang katotohanan at nililihim mo pa ang katotohanan mula sa inyong kapwa. Napakaraming uri ng pagnanakaw. Ang pagnanakaw ay hindi materyal lamang.
Tayo rin po, mga Kapanalig, dapat maging masigasig sa ating pagsaksi, pananalig at pagsunod kay Hesukristo. Hindi man magiging madali para sa atin ang umiwas sa kasalanan, pero manalangin tayo sa Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon na tulungan tayong hindi gumawa ng masama. Hindi kalooban ng Diyos na tayo'y gumawa ng masama. Tayo ang gumagawa ng desisyon na gumawa ng mabuti man o masama. Nawa matulungan tayo ng Diyos sa paggawa ng tamang desisyon. At nawa'y magkaroon ng apoy sa pagsaksi kay Kristo, katulad ng apoy ni Kristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento