Agosto 6, 2013
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Pagbabagong-Anyo ng Panginoon (K)
(Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Lucas 9, 28b-36)
"Pakinggan ninyo Siya."
Ito ang mga sinabi ng Diyos Ama noong nagbagong-anyo si Hesus. Nagsalita ang Diyos Ama mula sa langit muli. Siya'y nagsalita noong bininyagan si Hesus, upang ipakilala na Siya ang Anak ng Diyos, at muli Siya nagsasalita. Ang sinabi Niya ay isang utos - makinig kay Hesus.
Ang Panginoong Hesus ay masunurin sa kalooban ng Ama. Kahit ang ibig sabihin na ang tadhana Niya'y mamatay sa Krus sa Kalbaryo, gagawin Niya ito kung kalooban ng Ama. Siya'y masunurin sa Ama, at kailanma'y hindi sumuway sa kalooban ng Ama. Lahat ng ginawa ni Kristo ay para sa higit na ikaluluwalhati ng Diyos (ad majorem Dei gloriam). At iyon nga ang kalooban ng Diyos - ang mamatay sa Krus para sa kaligtasan ng sangkatuhan.
Ngayon, hindi lang hamon sa atin ng Diyos ang makinig kay Kristong Anak Niya. Ito'y isang utos. Kaya ba nating pakinggan si Hesus? O kaya may iba't ibang plano tayo na wala tayong panahong pakinggan ang tinig ng Diyos? Baka ang tinig ng Diyos ang makakatulong sa atin na makapagbagong-buhay. Tinutulungan nito ang mga makasalanan na magbalik-loob sa Diyos at humingi ng kapatawaran. Pagkatapos, sila'y nagbabagong-buhay. Sila'y nakinig sa tinig ng Diyos na magbagong-buhay.
Ang Panginoon mismo ay isang halimbawa para sa pakikinig. Nakinig Siya sa kalooban ng Diyos Ama. Siya'y nagpakumbaba, bumaba sa lupa, ipinanganak sa isang babae sa pagkatao ng Mahal na Ina, at namuhay katulad natin, maliban sa kasalanan. Noong dumating ang oras, hindi tumakas ang Panginoon mula sa mga dumating sa halamanan ng Getsemani upang dakipin Siya. Bagkus, hinarap Niya ito nang may katapangan.
Bago dinakip ang Panginoong Hesus, nagdasal Siya sa Diyos Ama. Nakipag-usap Siya sa Ama tungkol sa Kanyang takot sa kamatayan. Natatakot Siya noong Siya'y nanalangin sa Ama. Kung nagkaroon man lang Siya ng pagkakataong makatakas, maaaring ginawa Niya iyon. Pero, ang sinambit ni Hesus, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Pagkatapos, hinarap ni Hesukristo ang Kanyang tadhana - ang mamatay sa Krus para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Ngunit, hindi doon nagtapos ang lahat. Siya'y muling nabuhay sa ikatlong araw.
Dahil sa pagsunod ng Panginoong Hesukristo sa kalooban ng Diyos Ama, hinahamon at iniuutos tayo ng Ama na makinig kay Hesus. Ipinakita ni Kristo ang pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos, kaya ngayon, tayo naman ay makinig kay Hesus. Kaya ba natin makinig kay Hesus? Kaya natin kung ninanais at gusto nating makinig kay Hesus. Pwede nating pakinggan si Hesus, pwedeng hindi. Hindi diktador ang Diyos - tayo ang gumagawa ng desisyon.
"Makinig kayo sa Kanya." Pakikinggan mo ba si Hesus o hindi? Makinig o hindi? Nasa atin ang desisyon kung makikinig tayo kay Hesus bilang pagsunod sa utos ng Diyos Ama.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento