(Genesis 18, 20-32/Salmo 137/Colosas 2, 12-14/Lucas 11, 1-13)
Napakaganda po ng ating Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa pagtuturo ng Panginoong Hesukristo sa mga alagad kung paanong manalangin sa Diyos. Itinuro ni Kristo sa Kanyang mga alagad na isa sa mga kilalang panalangin ngayon. Ang panalanging itinuro ng Panginoon ay ang "Pater Noster" (Ama Namin). Napakaganda ng panalanging ito sapagkat ang panalanging ito ay itinuro ni Hesus mismo.
Bago natin pagnilayan ang ating Ebanghelyo, balikan natin ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na nananalangin si Abraham sa Diyos. Kinakausap ni Abraham ang Diyos, na parang isang kaibigan na rin. Ipinapanalangin ng Abraham ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra. Nananalig si Abraham na ang Diyos ay makatarungan at ililigtas ang mga matutuwid.
Ang Ikalawang Pagbasa ay hindi tungkol sa panalangin. Sa halip, ito'y tungkol sa kaligtasang dulot ng pagkamatay ng Panginoong Hesus sa krus. Pinapakita nito ang pagiging bukas-palad, mapagmahal at mapagpatawad ng Diyos. Tayong lahat ay mga makasalanan at sa kabila nito, ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak upang iligtas tayo ng Diyos. Ito ay dahil minamahal tayo ng Diyos at pinapatawad tayo sa marami nating mga kasalanan.
Dalawang bahagi po ang nilalaman ng ating Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng Mabuting Balita, mapapakinggan natin na itinuro ni Hesus ang Kanyang mga alagad na manalangin. Maraming okasyon sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas na ang Panginoong Hesukristo ay nananalangin. Ipinapakita ni Lucas na si Hesus ay hindi nagsasawang manalangin at makausap ang Diyos Amang sa langit.
Ngayon, napansin ito ng mga alagad. Si Hesus ay walang sawang nanalangin sa Ama, lalung-lalo na kapag napakahalaga ang mga magiging desisyon Niya sa Kanyang buhay. Gusto ring matututong manalangin ang mga alagad. Doon silang nakuha ng pagnanais na matuto kung paanong manalangin sa Diyos. Si Hesus lamang ang maaaring magturo sa kanila kung paanong manalangin.
Ano ba ang panalangin para sa atin? Paano ba tayo manalangin sa Diyos? Nagdarasal ba tayo araw-araw? O kaya nagdarasal lang tayo kapag panahon ng pangangailangan? Iyon po ang problema para sa atin. Kapag tayo ay masaya, nakakalimutan natin ang Diyos. Nakakalimutan nating pasalamatan ang Diyos. Kapag dumating ang pagsubok sa buhay natin, doon natin naalala ang Diyos. Dapat, araw-araw, magpasalamat at manalangin tayo sa Diyos, sa hirap man o ginahawa.
Iyan ang unang bahagi ng ating Ebanghelyo. Tinuturuan tayo ni Hesus na manalangin nang walang humpay. Mahalaga para sa atin ang manalangin at makausap ang Diyos. Dapat may panahon tayo para makausap ang Diyos, kahit sandali lang. Kapag masaya man tayo o malungkot, nandiyan ang Diyos. Kausapin natin Siya sa pamamagitan ng pananalangin.
Dumako po tayo sa ikalawang bahagi ng ating Ebanghelyo. Patuloy ipinapaliwanag ni Hesus sa mga alagad na ang Diyos ay mapagbigay. Dalawang halimbawa ang ginamit ng Panginoon upang mailarawan ang pagiging mabait at bukas-palad ng Diyos. Ang Diyos ay katulad ng isang ama. Siya pa nga ang ating Ama. Ibibigay Niya sa atin ang ating mga hinihingi. Pero, dapat lang tama ang hinihingi natin. Sapagkat ang Diyos, hindi magbibigay ng bagay na hindi ikabubuti sa atin; sa halip, binibigay ang mga bagay na para sa ating kabutihan.
May dahilan kung bakit matagal tumugon ang Diyos. Inihahanda Niyang ibigay sa atin ang ating hinihiling, o kaya may mas magandang ipagkakaloob sa atin ng Diyos. Hindi bingi ang Diyos. Dinidinig Niya ang ating mga panalangin at paghingi sa Kanya. Gusto Niya ang ikabubuti sa atin. Kung ang ating hinihingi natin sa Diyos ay hindi mahalaga, bakit pa Niya ibibigay? Ibibigay Niya ang mga bagay na ikabubuti para sa ating lahat. Ganyan tayo kamahal ng Diyos.
Huwag rin nating kalimutan na dapat pasalamatan rin natin ang Diyos. Magpasalamat rin tayo sa Diyos. Kasi, kadalasan, ang ipinapanalangin natin, puro tayo hingi. Magpasalamat para sa mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Sapagkat ang Diyos ay dapat ngang pasalamat. Marapat lamang na pasalamatan natin Siya sa lahat ng mga biyaya. Dahil sa Diyos nagmumula ang lahat ng mga kabutihan na ipinagkaloob sa atin. Ang Diyos ay dapat pasalamatan ay papurihan.
Itinuturo tayo ni Hesus kung paano nga ba tayong manalangin. Dapat walang sawa tayong manalangin sa Panginoong Diyos. Pasalamatan natin ang Diyos at sambahin ang Kanyang pangalan. Huwag tayong maging hesitante sa pananalangin sa Diyos. Huwag tayong matakot o mag-dalawang isip. Manalangin tayo sa Diyos. Dahil ang Diyos ay ang ating Ama. Siya'y nagbibigay ng kabutihan para sa atin. Ang tunay na mananampalataya kay Kristo, nanalangin at nananalig sa Diyos. Manalangin tayo sa Diyos nang may pananalig sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento