Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde
(Deuteronomio 30, 10-14/Salmo 68 o 18/Colosas 1, 15-20/Lucas 10, 25-40)
Ang ating pong mga Pagbasa ngayong Linggo ay tungkol sa pagiging masunurin sa kautusan ng Diyos na magmahal. Mahalin natin ang ating Diyos at higit sa lahat, ibigin rin natin ang ating kapwa. Lahat tayo ay dapat umibig sa ating kapwa, maging kakilala man o hindi. Kahit ang ating mortal na kaaway, kailangang mahalin natin.
Sinasabi ni Moises sa Unang Pagbasa na kailangang unawain ang Kautusan ng Diyos. Hindi lamang ito para sa mga Israelita, para rin po ito sa ating lahat. Marami pong palusot ang mga tao upang hindi sundan ang Batas ng Diyos. Katulad na lang ng hindi naiintindihan ang mga Utos ng Diyos. Sinisikap rin nila, sa pamamagitan ng palusot na ito, na hindi unawain ang mga Utos ng Diyos. Isa pang palusot, hindi bahagi ng Kautusan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Ano ngayon ang sabi ni Moises tungkol dito? Kailangan nilang makinig, sumunod at unawain ang Kautusan ng Diyos. Pwede na itong unawain at sundan. Bakit? Hindi na malayo ang Kautusan ng Diyos sa kanila. Madali na itong sundan. Naisulat na sa ating puso ang mga Kautusan ng Diyos. Alam na natin ang mga Utos ng Diyos. Kaya, walang mamalusot. Walang dahilan upang hindi sumunod sa mga Utos ng Diyos. Kailangang sundan ang mga Utos ng Diyos, maging sino man tayo.
Mapapakinggan natin sa Ikalawang Pagbasa na nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Nilikha rin ang lahat ng bagay para kay Kristo. Sinasabi rin ni San Pablo na sa pamamagitan ni Hesus, magiging malapit ang tao sa isa't isa. Iyan kasi ang plano ng Diyos Ama. Pagkaisahan tayong lahat sa pamamagitan ng Kanyang Anak at ating Panginoong Hesukristo. Wala nang magiging malayo sa isa't isa. Wala nang hahadlang sa pagiging malapit ng tao sa isa't isa.
Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa isang parabula ni Hesus. Ito ay isang talinghaga na isa sa mga masikat na talinghaga ngayon. Iyan po ay walang iba kundi sa talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano. Lumapit ang isang eskriba kay Hesus at nagtanong kung paano magkamit ng buhay na walang hanggan. Ibinalik ni Hesus ang tanong na iyon kasi alam ni Hesus na ang nagtatanong ay isang experto sa Kautusan. Dapat alam niya iyan. Kasi, hindi malayo sa tao ang Utos ng Diyos. Napakaganda ng sagot ng Pariseo. Pinaikli niya ang kanilang sagot. Ibigin ang Diyos nang buong puso, nang buong isip, nang buong lakas, at buong pag-iisip. Ibigin rin ang kapwa katulad ng iyong sarili. Sumang-ayon si Hesus dahil tama ang sagot ng eskriba. Sa pamamagitan nito, makakamit niya ang buhay na walang hanggan sa kaharian ng Diyos sa langit.
Ngunit, ang eskribang ito, ayaw mapahiya. Tinanong niya sa Panginoon kung sino ang kanyang kapwa. Noong kapanahunang iyon, merong mga limitasyon ang mga Hudyo tungkol sa kapwa. Unang-una, ang kapwa ay ang sariling pamilya. Kapag mahal mo ang pamilya mo, mahal mo na ang iyong kapwa. Ang mga hindi kabilang sa pamilya, hindi mo na kailangang mahalin. Pangalawa, ang iyong mga kababayan o ang mga ka-lahi mo ay kapwa mo na. Kapag hindi kabilang sa lahi ang isang tao, hindi mo na kailangang mahalin ang taong iyon.
Sa halip na liwanagin ang eskriba, ang Panginoon ay nagkwento. Nagkwento siya tungkol sa kapwa. May isang lalaking binugbog, at iniwan na mistulang patay na ng mga magnanakaw. Hindi binigyang diin ng Panginoon kung ang lahi ng lalaking ito'y Hudyo o Samaritano o kung ano ang edad niya. Isa lamang siyang lalaking binugbog at iniwan na mistulang patay na. Tatlong lalaki ang dumaan sa lugar na iyon - una, isang saserdote, pangalawa, isang Levita, at pangatlo, isang Samaritano.
Ang saserdote at Levita ay umiwas sa lalaking iyon noong dumaan sila. Ayaw nilang maapektuhan sila ng dugo ng lalaking iyon. Natatakot sila na sila'y maituturing marumi dahil hinawakan nila ang dugo ng tao. Upang panatilihin ang kanilang kalinisan, hindi nila tinulungan sapagkat may ginagawa sila sa templo. Meron bang maaawa sa kanya?
Ang pangatlo ay ang Samaritano. Alam po ninyo, sa panahon ni Kristo, hindi nagkakaayos ang mga Samaritano at mga Hudyo. Kaya, ang Samaritano ay isang hindi inaasahang karakter sa isang kwento tungkol sa kapwa. Ang Samaritanong ito'y naaawa sa kanya. Tumigil siya sa kanyang paglalakbay upang gamutin at alagaan ang lalaking nabugbog. Isinakay niya ang lalaki sa kanyang sinasasakyang hayop, at idinala sa isang bahay-panuluyan. Hindi lamang iyan, binayaran pa niya ang may-ari ng bahay-panuluyan na ito. Para sa Samaritanong ito, naging malapit sa kanya ang lalaking nabugbog. Nakita niya ang isang kapwa-tao na nangangailangan. Kaya, tumugon siya sa pangangailangan ng lalaking iyon.
Tinanong naman uli ni Hesus ang eskriba. Sino ang naging kapwa sa lalaking nabugbog? Hindi mabigkas ng eskriba ang Samaritano, kaya ang naging sagot niya ay ang lalaking nahabag sa kanya. Tama muli ang sagot ng eskriba. Kaya, sinabi ni Hesus sa eskriba na humayo at tularan ang Samaritano sa parabula. Hindi lamang para sa eskriba ang sinabi niya kundi para sa ating lahat. Hindi sapat ang makilala ang isang kapwa o kaya huwag pansinin ang isang hindi kabilang. Kailangang tayo ay maging kapwa sa pamamagitan ng pagkahabag at pagmamahal.
Mga kapanalig, tularan natin ang mabuting Samaritano. Sa pamamagitan nito, malalaman natin ang tunay na pakikipag-ugnay at pakikipag-kapwa sa ating kapwa-tao. Ang ating kapwa ay hindi lamang ang ating pamilya o mga kakilala o kalahi. Ang mga taong hindi natin kilala ay atin ding kapwa. Lahat ng mga tao dito sa mundo ay ang ating kapwa. Huwag tayong mamili. Dapat maging mapagmahal sa kapwa. Isa ito sa utos ng Diyos. Magkakaugnay at magiging malapit sa iba sa pamamagitan ng pagkahabag at pagmamahal. Dahil sapagkikipag-ugnay sa kapwa, tayo ay sumusunod sa Kautusan ng Diyos. Ituring natin ang lahat ng tao bilang ating kapwa, maging sino man sila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento