Linggo, Hulyo 21, 2013

PAGTANGGAP KAY HESUS SA ATING BUHAY

Ikalabing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
(Genesis 18, 1-10a/Salmo 14/Colosas 1, 24-28/Lucas 10, 38-42)

Ang ating Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay tungkol sa pagtanggap sa mga bisita.  Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na tinanggap ni Abraham ang tatlong misteryosong lalaki.  Tumuloy ang tatlong ginoong ito sa bahay nina Abraham at Sara.  Naghanda pa sina Abraham at Sara upang maramdaman ng tatlong lalaking ito ang pagiging bukas ng mag-asawa sa kanila. Ang tatlong misteryosong lalaki na tinanggap nina Abraham at Sara ay ang Diyos.  Sa pamamagitan ng tatlong lalaking ito, ang Diyos ay nagpakita kina Abraham at Sara at tumuloy sila sa bahay ng mag-asawa.

Sa Mabuting Balita, mapapakinggan natin na tinanggap ang Panginoong Hesus sa bahay ng dalawang babae. Ang dalawang ito ay magkapatid pa nga. Sila ay sina Marta at Maria.  May pagkakaiba ang magkapatid na ito sa pagtanggap sa Panginoon sa bahay nila.  Si Marta ang nagtrabaho at si Maria ay naupo sa paanan ni Kristo at nakinig sa mga sinasabi ni Kristo.  

Makikita natin si Marta na masipag at maasikaso sa kanyang mga bisita.  Katulad ni Abraham, nagtatrabaho si Marta sa bahay upang hindi siya mapahiya at maramdaman ng Panginoon ang mainit na pagtanggap niya sa sarili niyang bahay.  Diba, ganyan din ang ilan sa atin?  Kapag may bisita, kinakailangang maging masipag at asikasuhin ang ating bisita upang hindi siya mapahiya at makakabisita uli sa bahay na iyon ang bisitang iyon.

Ngayon, napansin ni Marta ang kanyang kapatid na si Maria. Nakaupo lang sa paanan ni Kristo ang kanyang kapatid. Sa isip ni Marta ay pinabayaan siya ni Maria. Siya na lang ang gumagawa at nag-aasikaso ng mga gawain kasi si Maria ay nakaupo lamang at nakikinig sa Panginoon.  Iniisip niyang tamad at hindi matulungin si Maria sa mga gawaing ginagawa niya.  Dahil sa mga ginagawang paghahanda ni Marta, iniisip niya na walang ginagawa si Maria at hindi tinatanggap ni Maria si Hesus. 

Ngayon, sumagot si Hesus sa reklamo ni Marta.  Sa unang tingin, mukhang wala ngang ginagawa si Maria.  Pero, mayroon siyang ginagawa upang ipakita na tinatanggap ni Maria ang Panginoon.  Nakikinig siya sa mga sinasabi ng Panginoon, kahit gusto ni Maria ang sinasabi ng Panginoon o hindi.  Ipinapakita at ipinaparamdam ni Maria kay Kristo na siya’y tanggap sa kanyang buhay.  Hindi lang tinatanggap ni Maria si Kristo, tinatanggap rin niya ang Salita ng Diyos sa kanyang buhay. Dahil maraming ginawa si Marta bilang paghahanda, wala siyang panahon upang makinig kay Hesus.

Mali ba ang ginawa ni Marta?  Hindi!  Wala namang nagkamali sa kanilang dalawa.  Parehas silang tama.  Tama ang ginawa ni Marta na paghandaan ng pagkain at inumin ang Panginoon.  Si Maria ay tama rin sa ginawang pakikinig sa Panginoon.  Ipinapakita ng magkapatid na ito ang kanilang mga paraan ng pagtanggap sa Panginoon sa kanilang tahanan, at higit sa lahat, ang kanilang buhay.  Matatanggap natin ang ating mga bisita at makipag-usap rin sa kanila.  

Mga kapanalig, dapat meron tayong panahon para sa ating Panginoong Hesukristo. Huwag nating pilitin sabihin ni Hesus ang gusto nating pakinggan mula sa Kanya. Dapat makinig tayo sa Kanyang sasabihin, masakit man sa ating mga damdamin o hindi.  Iyan ang tunay na pakikinig.  Hindi pinipilit na sabihin ang gustong pakinggan.  Sa halip, pinapakinggan ang mga sinasabi, masakit man o hindi.  Unawain rin natin ang Kanyang mga salita.  Hindi lamang ang Panginoong Hesukristo ang tinatanggap, tinatanggap rin natin ang Salita ng Diyos.       



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento