Lunes, Setyembre 9, 2013

ANG TAGUMPAY AT PAG-IBIG SA KRUS NI HESUS

Setyembre 14, 2013
Kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na Krus
(Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17)

Sa kapanahunan ni Hesus, ang pagkamatay sa pamamagitan ng pagpapako sa krus ay ang capital punishment. Dito ipinapako at nakabitin sa krus ang kriminal dahil sa mabigat na kasalanan na ginawa niya laban sa bayan. Hindi po pangkaraniwang kamatayan at hindi po madali ang pagkamatay sa krus. Ang pagpapako sa krus, grabe, pagtatawanan ang nakabitin ng mga nanonood. Ito'y upang ipahamak at ibabala ang mga nanonood na huwag tularan ang nagkasala. Para po sa mga Hudyo, ang krus ay tanda ng kapahamakan, kasalanan at kamatayan. 

Para naman po sa atin, ang krus ay tanda ng tagumpay at kaligtasan. Paano naman naging tanda ng tagumpay ang isang krus? Bakit krus ang tanda ng tagumpay para sa ating mga Katoliko? Hindi ba ang krus ay tanda ng kapahamakan? Hindi ba tanda ito ng kahinaan at pagsuko?

Buong buhay ni Kristo, hindi Siya nagkasala, ni minsan. Noong tinukso Siya ng diyablo sa ilang, hindi sumuko ang Panginoon sa tukso. Walang kapintasan, kakaiba ang buhay ni Kristo. Bilangin pa natin ang mga kasalanan, at matatagpuan natin na wala, ni isa man sa kasalanan na alam natin na ginawa ng Panginoon. Perpekto ang buhay ng Panginoon. Siya'y naging masunurin sa Diyos. 

Ngayon, makikita natin sa crucifixo sa mga simbahan, ang katawan ni Kristo, nakabayubay. Magtataka na tayo, mahina ba si Kristo noong nabuhay Siya dito sa lupa? Kung Siya nga ang Anak ng Diyos, bakit Siya'y nakabayubay sa krus? Imposible maisip natin na ang Anak ng Diyos ay mamamatay sa krus, lalung-lalo na wala Siyang ginawang kasalanan buong buhay Niya. Malinis, busilak ang Kanyang buhay dito sa lupa. 

Bakit naman nakikita natin ang katawan ni Kristo sa krus? Tanda ito ng Kanyang pagmamahal sa atin, at sa pamamagitan nito, nagkaroon ng tagumpay sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus. Kaya, ang krus, mula sa pagiging tanda ng kapahamakan at kamatayan, naging tanda na ito ng pagmamahal at tagumpay. 

Dugo'y dumanak mula sa Kanyang krus. Lahat ng iyon, pinaghirapan ni Hesus. Tiniis ni Hesus ang bastusin, kutyain, saktan, at ipagpatay sa krus. Lahat ng iyon ay Kanyang tiniis alang-alang sa atin. Siya ang pumalit sa atin. Ang krus na iyon ay dapat para sa ating mga makasalanan. Ngunit dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin, inialay Niya ang Kanyang sarili. Alang-alang sa atin, tinanggap Niya ang kamatayan sa krus na para sa atin. 

Pinatunayan ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa atin. Sa laki ng pagmamahal Niya, binayad at pinatawad Niya tayong lahat. Nagkasala tayong lahat laban sa Diyos, at dapat pagbayaran natin ang ating mga kasalanan. Pero, binayad na iyon! Binayad na ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Hindi natin mabayaran ang Panginoong Hesus sa Kanyang pagkamatay sa krus. Laki ng utang na iyon. Sabi nga sa isang awitin: "Hindi sapat ito upang ibalik ang dugong itinigis ng Iyong Anak para sa atin." (Dakilang Pagmamahal) Ipinapakita ng krus ang pag-ibig at tagumpay ni Hesus para sa atin. Paano Siya nagtagumpay? Siya'y itinaas, ipinako at namatay sa krus, alang-alang sa atin. Pero, hindi nagtapos doon, Siya'y muling nabuhay. 

Sa tuwing makakita tayo ng crucifixo, alalahanin natin ang tagumpay at pag-ibig ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y namatay sa krus para sa ating kaligtasan. At nawa'y tayo pong mabuhay para kay Kristo Hesus. Iyan ang pinakamaliit na bagay na pwede nating gawin para kay Kristo. Si Kristo naman ay namatay para sa atin, iyon ay ang pinakamalaking ginawa Niya para sa atin. 

Tayo po'y magpasalamat kay Kristo araw-araw. Dahil sa pag-ibig ni Kristo sa atin, nakamtan Niya ang tagumpay sa krus. Hindi lang iyon tagumpay ni Kristo sapagkat tayo rin po ay nagtagumpay kasama Niya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento