Linggo, Setyembre 8, 2013

PAANO MAGING ALAGAD NI HESUS?

Setyembre 8, 2013 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon/Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria (K)
(Karunungan 9, 13-18/Salmo 89/Filemon 1, 9b-10. 12-17/Lucas 14, 25-33) 

Ang araw na ito ay napakahalaga para sa ating mga Katoliko, lalung-lalo na para sa ating mga Pilipinong Katoliko. Ipinagdiriwang natin ngayon ang Araw ng Pagsilang ng ating Mahal na Inang si Maria. Tayong mga Pilipino ay may malalim na debosyon sa ating Mahal na Ina. Kaya nga kinikilala tayo bilang Pueblo Amante de Maria (Bayang Sumisinta kay Maria). Maligayang Kaarawan po, O Mahal na Birheng Maria, Ina ng Panginoong Hesukristo, Ina nating lahat!! Happy Birthday, Mama Mary!!

Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay napakahirap ipaliwanag. Nakakagulat at nakakasakit pa nga ang ilang mga salita na binigkas ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon. Sabi ng Panginoon sa unang bahagi ng Ebanghelyo: "Hindi maaaring maging alagad Ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay higit sa Akin." Napakatindi ng mga salitang binigkas ni Kristo.

Magtataka tayo kung ano nga ba ang ibig sabihin ng Panginoong Hesukristo sa Mabuting Balita. Pinag-iisipan pa nga natin kung talagang sinasabi ng Panginoong Hesus na talagang kalimutan ang ating pamilya? Napakasakit ang mga salitang ito. Hindi po ba sinabi ng Diyos na ibigin at igalang ang ating mga magulang? Bakit ngayon, ang hinihingi ng Panginoon ay talikuran at awayin ang pamilya natin? Napakahirap sumunod kay Hesus. Pero, iyon po ba ang ibig sabihin ng ating Panginoon?

Hindi ang pagkalimot o pagtalikod sa mga magulang ang tinutukoy ni Kristo. Ang ibig sabihin Niya na dapat unahin ang Diyos. Dapat ang sentro ng ating buhay ay ang ating Panginoong Diyos. Halimbawa, ang mga pari. Kung tatanungin ninyo kung bakit bihira ang pagdalaw ng mga pari sa kanilang mga pamilya, ito ay dahil sa kanilang mga gawain nila bilang pari. Hindi sa nakalimutan nila ang pamilya nila. Inuuna nila ang Diyos sa kanilang buhay. 

Ang ating number one priority sa buhay ay ang Diyos. God should be our first priority and the center of our lives. Dapat pa rin nating ibigin ang ating mga magulang, lalung-lalo na, bahagi na iyon ng Sampung Utos ng Diyos. Pero, ang ating pagmamahal sa ating pamilya ay hindi dapat hihigit sa pag-ibig natin sa Diyos. Tandaan, U-N-L-A-D. Ano po ang ibig sabihin ng "U-N-L-A-D?"

U - Unahin 
N - Natin 
L - Lagi 
A - Ang
D - Diyos 

Kapag inuna natin ang Diyos, magiging maganda ang ating buhay at mapapasan natin ang ating mga krus sa buhay. Ang problema nga lang, mahirap iyon para sa ating mga makasalanan. May mga karibal at hadlang ang Diyos sa pagiging numero uno sa ating buhay. Mahirap isuko ang ating mga bagay dito sa mundo. Iniisip pa nga natin na mas higit pa kaysa Diyos. Ang resulta, hindi maganda ang ating buhay. May mga ginagawa tayong masama dahil nakakalimutan natin ang Diyos. Ginagawa nating number one sa ating buhay ang ibang mga bagay, maliban ang Diyos.

Tingnan po ninyo, ang ating birthday celebrant, ang Mahal na Birheng Maria. Maaaring may mga plano na siya para sa kanyang buhay. Pero noong nagbalita ang Arkanghel Gabriel sa kanya tungkol sa Anak niya, ang Panginoong Hesus, isinuko niya ang kanyang mga plano sa Diyos. Sabi niya: "Mangyari nawa ang sinabi mo sa akin." Kahit may mga plano na siya para sa kanyang buhay, inuna niya ang plano ng Diyos para sa kanya. At siya'y tunay na pinagpala ng Diyos dahil sa kanyang pagiging masunurin sa Kanya. 

Ang ating Panginoong Hesukristo din po. Noong Siya'y nasa Halamanan ng Hetsemani, sa pagtatapos ng Kanyang panalangin sa Ama, sinabi Niya, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Kahit nagkaroon Siya ng pagkakataon na makatakas mula sa kamatayan, pinili Niyang sundan ang kalooban ng Ama na mamatay para sa ating lahat. Siya'y naging masunurin hanggang kamatayan, kaya't dinakila Siya ng Diyos. 

Paano maging alagad ni Hesus? Mahalin ang Diyos nang higit sa lahat ng bagay. Mahalin pa rin natin ang ating pamilya, mga kaibigan at ang ating mga sarili, pero ang pag-ibig sa kanila at sa ating sarili ay dapat iba sa pag-ibig sa Diyos. Dapat mas higit pa ang pag-ibig natin sa Diyos sa lahat ng bagay. Tayo'y magkakaroon ng lakas upang ibigin ang Diyos at ang kapwa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento