Linggo, Setyembre 22, 2013

SINO ANG PAGLILINGKURAN MO?

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon/Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria ng Peñafrancia  (K) - Berde 
Amos 8, 4-7/Salmo 112/1 Timoteo 2, 1-8/Lucas 16, 1-13 (o kaya: 16, 10-13)


Dalawa ang mensahe ng Panginoon sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Ang una ay pinagkakatiwala tayong lahat ng Diyos. Lahat ng mga kakayahan natin, mga bagay na nakikita natin sa ating kapaligiran, ay galing sa Diyos. Nasa atin ang desisyon kung paanong pangasiwaan ang mga nilikha ng Diyos. Maaari tayong maging mabuti sa ating pangangasiwa o kaya maging magdaraya, katulad ng katiwala sa Ebanghelyo. 

Ang mga maliliit na bagay pa nga ay ipinagkakatiwala sa atin. Halimbawa, ang ating pamilya. Kapag hindi kayang pangasiwaan o mamuno ng isang tao ang kanyang sariling pamilya, paano na kaya kung ang pamumunuan niya ay ang kanyang bayan? 

Isa pang halimbawa, isang piso. Kapag iniisip natin na isang piso lang iyan, paano na kaya kung mayaman ang lumapit sa atin at ipinagkatiwala sa atin ang mga kayamanan niya? Siguro mahihirapan tayo doon. Kapag hindi natin kayang pangasiwaan ang mga maliliit na bagay, mas mahihirapan tayo sa pangangasiwa ng malalaking bagay. 

Ang pangalawang mensahe ay hindi maaaring paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan. Hindi ibig sabihin ni Hesus na huwag nang maghanap-buhay. Kailangan natin maghanap-buhay para mabili natin ang ating mga kailangan. Ang ibig sabihin ni Hesus ay huwag gawing karibal ng Diyos ang kayamanan. Nagmula sa Diyos ang lahat, kaya dapat Siya lamang ang sentro ng ating buhay. Huwag nating kalimutan, tayo'y mga katiwala lamang. Lahat ng nakikita sa ating paligid ay pag-aari ng Diyos, lalung-lalo na ang ating mga katawan. 

Wala namang masama sa kayamanan. Ang masama lamang ay kapag karibal na ito ng Diyos? Paano nagiging karibal ng Diyos ang kayamanan? Dahil sa paggamit ng kayamanan sa masama, nakakalimutan natin ang Diyos. Ginagawang diyos at sinasamba natin ang ating mga kayamanan. Isang mas madaling salita - pagiging sakim. Hindi na tayo nagbabahagi sa kapwa at hindi pinasasalamatan ang Diyos. Kaya nga sinasabi: "Ang pag-ibig sa kayamanan ang ugat ng lahat ng kasamaan." (1 Timoteo 6:10)

Mensahe ng Panginoong Hesus - mga katiwala lamang tayo. Hindi pag-aari ninuman ang ating mga kakayahan at kayamanan. Tanging sa Diyos lamang ang pag-aari nito at tayo'y mga tagapangasiwa lamang. Nawa'y gamitin sa mabuti ang kayamanan. Sa ating pagiging sagana, huwag nating kalimutan na paglingkuran ang Diyos. Nawa'y makatulong ang mga bagay natin, lalung-lalo na ang mga materyal na bagay, sa paglilingkod sa Diyos. 

Ang Panginoong Diyos ang dapat paglingkuran, wala nang iba. Tularan natin ang Panginoong Hesukristo at ang Mahal na Birheng Maria, ang Birhen ng Peñafrancia (Ina), sa paglilingkod sa Diyos, at wala nang iba pa, kahit ang mga kayamanan sa mundo. Iisa lamang ang pinaglingkuran nila - ang Diyos. Sana, ganun din po tayo. Ang Diyos lamang ang dapat paglingkuran natin, at wala nang iba. 

Sino ang paglilingkuran mo? Ang Diyos lamang ang dapat paglingkuran. Kailangan pa bang i-memorize iyan?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento