Setyembre 15, 2013
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Exodo 32, 7-11. 13-14/Salmo 50/1 Timoteo 1, 12-17/Lucas 15, 1-32 (o kaya: 15, 1-10)
Ilarawan natin lahat ang nangyayari sa mga magkapatid kapag pumanaw ang mga magulang nila. Bago mamatay ang kanilang mga magulang, sila'y masasaya at magkasama sila ng kanilang mga magulang. Pero, ang pagiging masaya nila ay pansamantala. Kapag sumakabilang-buhay na ang mga magulang nila, nag-aaway na sila. Bakit? Iisang dahilan lamang - mana. Ang mana na pinaghirapan ng mga magulang nila ang pinag-aawayan nila. Sa halip na magkaisa, nagkakawatak-watak na sila siguro. Hindi sila nagkaka-ayos, bagkus, nagkakasira na ang kanilang pamilya. Mana, iyon ang nag-iisang dahilan kung bakit nag-aaway ang magkakapatid pagkamatay ng kanilang mga magulang.
Sa Mabuting Balita, mapapakinggan natin ang isang talinghaga ni Hesus na siguro alam nating lahat. Binasa po ito sa Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma, at ngayong Linggong ito ay binasa po ito muli. Ito po ay ang Talinghaga tungkol sa Alibhugang Anak (The Parable of the Prodigal Son). Tatlo pa nga ang mga talinghaga ni Kristo sa ating Ebanghelyo, pero nais kong bigyang diin muli ang Talinghaga tungkol sa Alibhugang Anak.
Hiningi ng bunsong anak ang kanyang mana mula sa kanyang ama. Hindi ba, kapag naghihingalo na ang ating mga magulang, doon natin makukuha ang ating mana? Pero, kakaiba ang anak na ito. Iisa lang ang ibig sabihin ng hinihingi ng kanyang anak - mamatay ka na. Gusto na niyang makuha ang mana mula sa kanyang ama kahit buhay pa at hindi na siya makapaghintay pa nang matagal.
Siguro nasaktan at nalungkot ang kanyang ama, pero, dahil wala na siyang magawa, ibinigay na niya ang mana sa bunso. Tingin ko, araw-araw, paulit-ulit ang bunsong ito na nagtatanong kung kailan niyang makukuha. Kaya, para tumahimik at dahil nakakairita na siguro ang paulit-ulit na pagtatanong ng bunso, ibinigay na niya.
Ngayon, ano ang ginawa ng bunso? Inaksaya at nilustay ang kayamanan ng kanyang ama hanggang sa magkaroon ng taggutom. Doon, nagkaroon siya ng matinding krisis sa buhay. Hindi siya makakain. Kaya, humanap siya ng trabaho sa bukid bilang tagapag-alaga ng mga baboy.
Kawawa na ang pangalawang anak. Grabe ang naranasan niya. Kahit gusto niyang kumain ng kahit kaunting piraso ng kinakain ng mga baboy, hindi niya magawa. Wala siyang makain. Pinag-isip niya ang kanyang ginawa at kung bakit nagkaganyan ang kanyang buhay. Akala niyang magiging masaya siya, pero hindi pala. Dahil sa mga ginawa niya, wala siyang makain. Pinag-isipan din niya ang mga alipin ng kanyang ama. Buti pa sila, nakakain, pero siya nagugutom. Kaya, inisip niya na bumalik sa kanyang ama para lang makakain.
Pero, bago siya umuwi sa kanyang ama, kinailangan niyang humingi ng tawad dahil sa ginawa niyang paglulustay ng kanyang kayamanan. Pagkahingi ng tawad, doon mag-aaply siya bilang alipin ng kanyang ama. Sa gayon, makakain na siya. Bago umuwi, nag-rehearsal siya. Pinag-aralang mabuti ang kanyang mga linya.
Hindi inakala ng bunso na magmula noong umalis siya, hinihintay na siya ng kanyang ama. Matagal na naghintay ang kanyang ama para sa araw ng kanyang pagbabalik o pag-uwi niya. Nakita siya ng kanyang ama, niyakap na siya bilang pagtanggap muli sa kanyang anak. Humingi ng tawad ang anak na ito at nag-apply sa kanyang ama, pero hindi tinanggap ng ama ang kanyang application.
Masayang-masaya ang kanyang ama na tinawag niya ang kanyang mga alipin na isuot sa bunso ang singsing at magandang damit. Hindi lamang iyan, ipinagpatay pa niya ang pinatabang guya upang magkaroon ng pagsasalo. Magkakaroon ng selebrasyon. Ipagdiriwang nila ang pag-uwi ng Alibughang Anak. Ang Alibughang Anak ay tinanggap muli ng kanyang ama.
Ngayon, ang panganay, naiingit. Ang panganay, nagtrabaho para sa kanyang ama. Maganda naman iyon. Ipinapakita ng anak na ito na hindi siya tamad. Ang panganay ay masipag at matiyaga. Pinaghirapan niya ang lahat. Nainggit siya nang malaman niyang ipinaghanda ng pagdiriwang ng kanyang ama ang kanyang bunsong kapatid na naglustay ng kanyang mga kayamanan. Hindi niya masabi, "Ang aking kapatid." Sa halip, tinawagan niya ang bunsong anak, "Ang anak mong iyan." Dahil sa inggit, nakalimutan niya na nagtatrabaho siya sa kanyang ama. Hindi na ama ang tingin niya sa kanyang ama. Amo na ang tingin niya sa kanya.
Kahit tinanggihan ng panganay ang pag-anyaya ng kanyang ama, patuloy pa rin ang pakikiusap ng kanyang ama. Ang sagot ng kanyang ama sa kanya ay dapat magdiwang sila dahil bumalik ang bunsong anak na hindi nasaktan. Walang nagbago. Anak pa rin siya ng mayamang lalaki. Kahit sinuway ng bunsong anak ang kagustuhan ng kanyang ama, anak pa rin niya iyon at pinapatawad niya ang kanyang anak sa kanyang ginawang kasalanan.
Hindi natin alam kung paano nagwakas ang talinghaga. Mukhang may kulang, at tama, may kulang. Iyon ay ang pagwawakas. Hindi natin alam kung pumasok ang panganay at nakipagdiwang o kaya hindi siya pumasok. Bakit walang pagwawakas ang talinghagang ito? Maganda ang sinabi ng isang pari kong ka-Facebook. Ang sabi niya ay tayo ang dudugtong sa kuwento. Itutuloy natin ang kwento. Tutugon ba tayo sa pagtawag ng Diyos na mag-bagong buhay? Nasa atin ang desisyon kung paano tayong tutugon sa Diyos upang bigyan ng pagwawakas ang talinghagang ito.
Mga kapanalig, hindi pa huli ang lahat. Tinatawag tayo ng ating Panginoon. Ano ang ating tugon sa Kanyang pagtawag na magbagong-buhay? Nasa atin ang desisyon. Hindi tayo didiktahan ng Diyos. Hindi pa huli ang lahat. Habang may panahon pa, magbalik-loob tayo sa Diyos at magbagong-buhay tayong lahat. Pero, hindi na desisyon ng Diyos kung magbabalik-loob tayo sa Kanya, tayo ang gagawa ng desisyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento