Ang Propesiya ni Simeon tungkol sa Sanggol na Hesus
(Lucas 2:34-35)
Napakasakit para kay Maria ang mga sinabi ni Simeon tungkol kay Hesus. Noong sinabi ni Simeon ang mga salitang "Ang iyong puso ay para na ring tinarakan ng isang balaraw," ang ibig sabihin noon ang misyon ni Kristo dito sa lupa ay magdadala ng sakit sa puso ng Mahal na Ina.
Hindi lamang sakit sa puso ni Maria ang dulot ng mga salita ni Simeon. Nag-alala siya para sa Panginoon. Sino bang ina ang hindi mag-aalala para sa kanyang anak? Ganun din si Maria. Nag-aalala para sa kapakanan ng kanyang anak. Kahit ang kanyang anak ang Tagapagligtas ng sanlibutan, bilang ina, siya'y nag-aalala para sa kanya.
Pero, dahil sa pagiging masunurin ni Maria, naghahanda siya at naghihintay para sa pagdating ng araw na iyon. Ang araw kung saan ang kanyang anak - ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, ay mag-aalay ng kanyang sarili sa krus para sa kaligtasan ng marami. Kung kalooban ng Diyos ay mamatay ang kanyang anak, hindi siya haharang, bagkus, makikiisa sa paghihirap ng kanyang anak.
ANG IKALAWANG HAPIS:
Ang Pagtakas patungo sa Ehipto
(Mateo 2:13)
Noong dumating ang Tatlong Pantas sa Betlehem, tinanong nila kay Herodes kung nasaan ang lugar ng kapanganakan ng Mesiyas. Si Herodes, natakot. Natatakot si Herodes na maagawan ng kapangyarihan mula sa bagong Haring ito. Gusto niyang manatili sa kanyang posisyon at ayaw niyang maagaw ito. Kaya, bago umalis ang Tatlong Haring Mago, inutusan sila ni Herodes na sabihin sa kanya kung saan ang lugar ng kapanganakan ng Mesiyas.
Pero, noong hindi bumalik ang Tatlong Pantas, nagalit si Herodes at pinag-utusan niyang patayin ang mga sanggol o batang lalaki na may gulang na dalawang taon o pabababa. Doon, makatitiyak siya na walang sanggol na lalaki ang aagaw sa kanyang pwesto bilang Hari. Pero, hindi niya pinatay ang Mesiyas, ang kanyang kinatatakutan.
Bilang ina ni Kristo, si Maria'y natakot na. Takot na takot si Maria nang malaman niyang ipapapatay ang Sanggol na Hesus ni Haring Herodes. Ibinalita ito sa kanyang esposo na si San Jose ng anghel ng Panginoon. Nang malaman na nila iyon, tumakas sila sa isang bayang hindi nila alam. Napakahirap para kina Jose, Maria at Sanggol na Hesus na pumunta sa Ehipto pansamantala.
Plano ba ng Diyos na ipapatay ang Mesiyas kahit sanggol pa lang? Hindi. Hindi hinayaan ng Diyos na mamatay si Hesus nang Siya'y sanggol pa lang. Kaya, iniligtas ng Diyos ang Banal na Pamilya - Hesus, Maria at Jose mula kay Herodes. Pumunta sila sa Ehipto na walang nakakaalam. Kahit mahirap para kina Maria at Jose, ginawa nila iyon alang-alang sa kaligtasan ng Sanggol na Hesus, ang pinangakong Mesiyas at Tagapagligtas.
ANG IKA-3 HAPIS:
Ang Paghahanap kay Hesus sa Templo sa Herusalem
(Lucas 2:43-45)
Tatlong araw nawala si Hesus sa piling nina Maria at Jose. Nagpaiwan si Hesus sa Herusalem na hindi nalalaman nina Jose at Maria. Noong nalaman ng mag-asawang sina Maria at Jose na hindi kasama si Kristo sa kanilang mga kakilala, kamag-anak, o kaibigan, panic mode sila. Sila'y nag-aalala para sa kapakanan ni Hesus. Doon nila nalaman na ang Panginoon ay nagpaiwan sa Herusalem.
Tatlong araw nag-alala si Maria. Natakot siya kasi baka may masamang mangyari sa anak niya. Tatlong araw silang naghahanap. Kahit matagal silang naghanap, hindi sumuko si Maria sa paghahanap kay Hesus, kahit ang ibig sabihin noon, tatlong araw nilang hahanapin si Hesus.
Saan nila natagpuan si Hesus? Sa templo. Namangha ang lahat ng naroroon sa loob ng templo sa mga salitang binigkas ng Panginoon. Namangha sila sa Kanyang karunungan. Wala silang nakitang bata na may ganoong kalalim na katalinuhan. Kakaiba ang karunungan ng Panginoon.
Siguro si Maria at Jose, namangha rin. Tinanong siya ng Mahal na Ina: "Bakit mo ginawa sa amin ito? Balisang-balisa kami ng Iyong Ama sa paghahanap sa iyo!" Ano ang sagot ng Panginoon, "Hindi mo ba nalalaman na dapat Ako'y nasa tahanan ng Aking Ama?"
Ipinapakita ng Hapis na ito na ang mga ina, kahit mawala ang kanyang anak, hahanapin niya. Siya'y mag-aalala kapag nawala ang kanyang anak. Nag-alala rin siya para sa kapakanan at kaligtasan ng kanyang anak. Hahanapin niya ang kanyang anak, at kapag nahanap ang kanyang anak, labis na ang kanyang kasiyahan at kaginhawahan. Ginagawa iyon ng mga ina para sa kabutihan ng kanyang anak. Kahit matigas ang ulo o rebelde ang kanyang anak, hahanapin niya at didisiplina para sa kanyang kabutihan.
ANG IKA-4 NA HAPIS:
Ang Pagkakita nina Hesus at Maria sa daang patungong Kalbaryo.
Hindi naging masaya ang pagkakita ng Panginoong Hesukristo sa Mahal na Birheng Maria. Nang magkita sina Hesus at Maria, si Hesus ay may pinapasang krus at nakasuot ng koronang tinik. Dugo'y dumadaloy mula sa mukha ng Panginoon. Napakalungkot ni Maria nang makita niya ang mukha ni Kristo na labis na nagdurugo dahil sa koronang tinik.
Sino bang ina ang hindi malulumbay kapag nagkita sila ng kanyang anak na sinasaktan at pinaparusahan, kahit wala naman siyang ginawang kasalanan? Walang ina ang nais makita ang kanyang anak na sinasaktan. Kapag sinasaktan ang kanyang anak, nasasaktan rin ang ina.
Noong napanood ang pelikulang "The Passion of the Christ," may isang scene sa pelikula na kung saan nagkita sina Hesus at Maria sa Via Dolorosa, may mga ilang flashbacks noong bata pa si Hesus. Nagmadali ang Mahal na Ina noong ang batang si Hesus ay nadapa. Gayon din ang Kanyang ginawa noong nadapa si Hesus na pinapasan ang Kanyang krus. Inulit ni Maria kay Hesus ang sinabi niya sa Kanya noong bata pa Siya at nang madapa, "I'm here." Sinagot siya ni Hesus, "Look, mother, I make things all new." Kaka-touch ang scene na iyon.
Kaya sana ni Maria na tulungan ang anak niya na makatakas. Wala namang ginawang kasalanan si Hesus. Kaya rin sana ni Maria na magalit, pagsigawan at awayin ang mga pumapatay kay Hesus. Pero, wala siyang magawa. Dumating ang oras na hinulaan ni Simeon. Ang mga nangyayari ay kalooban ng Diyos. Kaya, buong puso niyang tatanggapin ang kalooban ng Diyos at makiisa sa pagpapakasakit ng kanyang anak, kahit na masakit para sa kanya.
Kapanalig, tatanggapin mo ba ang kalooban ng Diyos, kahit na masakit para sa iyo?
ANG IKA-5 HAPIS:
Si Maria sa paanan ng krus ni Hesus
(Juan 19:25)
Ito ang pinakamasakit na pangyayari para sa mga ina. Nakikita ang anak na unti-unting namamatay sa kanyang paningin. Lubos siyang malulumbay habang minamasdan niya ang kanyang anak na unti-unting namamatay. Napakasakit para sa mga ina na makita ang anak na namamatay sa tabi nila.
Naranasan po ito ni Maria noong si Hesus ay ipinako sa krus sa Kalbaryo. Napakasakit para sa kanya. Ang puso ni Maria'y nagdurugo dahil sa pamamagitan ng pagsaksi sa kamatayan ni Kristo, siya'y tinusok ng isang espada.
Sa pagdaloy ng dugo ng Panginoon, dumadaloy din ang dugo mula sa puso ng Mahal na Ina. Labis na tumatangis ang Mahal na Ina sapagkat nakikita niyang namamatay sa kanyang tabi ang anak niyang minamahal. Pero, kalooban ng Diyos na maligtas ang tao sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo sa krus. Kaya, si Maria, tahimik na nagdurusa kasama si Hesus.
Kahit napakasakit para kay Maria ang makita na namamatay si Hesus, alam niyang kalooban ng Diyos ang nangyayari. Kaya, siya'y naging tahimik at masunurin sa kalooban ng Diyos. "Mangyari nawa ang iyong sinabi sa akin!"
ANG IKA-6 NA HAPIS:
Si Hesus ay binaba mula sa krus
(Mateo 27:57-59)
Tapos na. Sa wakas, natapos na ang paghihirap ni Hesus. Ibinaba na ang Kanyang katawan mula sa krus. Ngayon, ibinigay na ang Kanyang bangkay kay Maria, ang Inang nagdadalamhati.
Nais iduyan ng Mahal na Ina ang Panginoon. Nais niyang awitan ang Panginoon. Pero, ang katawan ng Panginoon ay wala nang buhay. Wala nang hininga ang Mesiyas. Naganap na ang misyon ni Kristo. Namatay na ang Panginoon.
Kakaiba ang anak ni Maria. Hindi lang anak ni Maria si Hesus, Siya rin ang bugtong na Anak ng Diyos. At Siya'y naging masunurin sa kalooban ng Kanyang Ama. Kahit kailan, hindi Niya sinuway o susuwayin ang Diyos Ama, kahit minsan lang. Hindi Siya magrerebelde sa kalooban ng Ama. Kung ang plano ng Ama ay mamatay Siya upang iligtas ang marami, susunod Siya sa plano ng Ama.
Alam rin ito ni Maria. Alam niya na kakaiba ang kanyang anak sa ibang mga anak. Ang kanyang anak ay ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Kaya, hindi siya haharang sa misyon ng kanyang anak - kahit na kung kinakailangang mamatay siya. Tahimik siyang nakiisa sa pagdurusa ng kanyang anak sa Kalbaryo, at ngayon tapos na ang lahat. Mag-isa na siya. Dinanas rin niya na makita ang pagkamatay ng kanyang anak.
ANG IKA-7 HAPIS:
Ang Paglilibing kay Hesus
(Juan 19:40-42)
Ililibing na ang Panginoon. Natapos na ang paghihirap ng Panginoon. Mag-isa na ang Mahal na Ina. Si San Juan Apostol ang mag-aalaga sa kanya dahil inihablin siya ng Panginoong Hesus sa Mahal na Inang Maria.
Kahit namatay si Hesus sa krus, hindi nawalan ng pananalig si Maria. Kahit napakahirap ang pinagdadaanan niya, hindi siya nawalan ng pag-asa at pananalig sa Diyos. Nananalig siya na may bukas pa. May pag-asa pa.
Hindi nawalan ng pag-asa si Maria. Naniniwala siya na hindi nagtatapos ang lahat sa kamatayan. Muling mabubuhay sa ikatlong araw ang kanyang anak na si Hesus. Kahit nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang anak, patuloy pa rin siya sa panananalig sa plano ng Diyos. Magpapahinga ang Panginoon. Pero, sa ikatlong araw, Siya'y babangon mula sa libingan. Magkaroon nawa tayong lahat ng pananalig sa Diyos, katulad ni Maria, na hindi nawalan ng pananalig sa Diyos, kahit mabigat ang pinagdadaanan niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento