(2 Hari 5, 14-17/Salmo 97/2 Timoteo 2, 8-13/Lucas 17, 11-19)
Salamat. Ito ay isang salita at gawa na ginagawa ng mga tao. Nagpapasalamat tayo kapag binigyan sila ng regalo o anumang hinihingi nila. Tayo rin po ay nagpapasalamat pagkatapos tayong tulungan. Maraming pagkakataon kung saan nagpapasalamat tayo sa ating kapwa.
Hindi lamang sa kapwa-tao dapat tayo magpasalamat; ang Diyos rin ay dapat pasalamatan. Kapag tayo ay nagdarasal, puro tayo hingi mula sa Diyos. Kapag ibinigay ng Diyos ang ating hinihingi, marami po sa atin ay hindi nagpapasalamat. Nakakalimutan natin na magpasalamat sa Diyos para sa Kanyang kabutihan at Siyang nagkakaloob ng mga biyaya sa atin.
Ang Unang Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagpapagaling kay Naaman. Siya ay ang pinuno ng hukbo ng Siria, pero ang problema'y may ketong siya. Hindi na siya makakalaban sa digmaan dahil dito. Pinapunta naman siya ng hari ng Siria sa Israel upang magpagaling. Noong nagpakita siya sa hari ng Israel, akala niyang makikipagdigma ang Siria sa Israel. Pero, nabalitaan ito ng propetang si Eliseo at ipinasabi sa hari na papuntahin si Naaman sa kanya.
Noong pinapunta si Naaman ni Eliseo sa Ilog Jordan upang magbanlaw ng pitong beses, nagalit at umalis si Naaman. Hindi niya nagustuhan ang paraan na iyon. Kaya naman niyang gawin iyon sa mga tubig sa Siria. Pero, sinabi sa kanya ng katulong niya, "Sir, subukan po ninyo. Baka gumaling po kayo." Dahil doon, napaisip si Naaman at lumubog ng pitong ulit. Ano nangyari pagkatapos? Kuminis ang kanyang balat. Dahil doon, lubos siyang nagpasalamat kay Eliseo. Malaki ang utang na loob niya kay Eliseo at sa Diyos. Nagpasalamat siya at nais pa niyang bayaran si Eliseo, ngunit tinanggihan niya ito. Dahil doon, nagbago na siya. Siya'y sasamba sa Diyos na makapangyarihan, na nagpagaling sa kanya sa pamamagitan ni propeta Eliseo.
Naransan rin ito ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi lang isa ang mga may ketong ang pinagaling Niya, kundi sampu. Pinapunta Niya ang sampung ketongin sa saserdote, at habang papunta na ang sampung taong may ketong, gumaling sila. Kuminis mula ang kanilang mga balat. Dahil doon, labis silang nagsaya at pumunta sa bayan upang makasama nila muli ang kanilang pamilya. Matagal na siguro silang naghihintay upang makita nila muli ang kanilang pamilya. Napakasaya nila. Pagkatapos ng mahabang panahon, sila'y gumaling at makakasama na nila muli ang kani-kanilang pamilya.
Isa sa mga sampung ketonging pinagaling ng Panginoon ay hindi Israelita. Isa siyang Samaritano. Nang makita niya na magaling na siya, bumalik siya kay Kristo at nagpasalamat. Malaki ang kanyang utang na loob sa Panginoon. Nagpuri pa siya sa Diyos sa kanyang sariling wika.
Nasaan ang iba pang pinagaling ni Hesus? Tandaan, sampu ang pinagaling ng Panginoon, ngunit isa lang ang bumalik ang nagpasalamat. Nasaan na ang siyam? Sa sobrang saya nila, nakalimutan nilang magpasalamat kay Kristo. Umuwi sila sa kani-kanilang mga pamilya nang gumaling ang mga ketong sa kanilang mga balat. Nakalimutan at hindi nila napasalamatan si Hesus.
Ano ang magiging reaksyon ng pangkaraniwang tao kapag hindi siya pinasalamatan ng tinulong niya o ni-regaluhan, o kaya iniligtas mula sa panganib? Siguro masama ang loob at madidismaya sila. Gumawa ka ng mabuti para sa kapwa mo, pero hindi ka naman pinasalamatan. Para bang walang utang na loob ang tinulungan mo. Magtatampo ka rin kung kaibigan mo pa ang tinulungan mo at hindi ka pinasalamatan.
Hindi lamang sa kapwa-tao nakakalimutan natin nagpapasalamat, sa Diyos pa. Nakakalimutan natin kadalasan ang magpasalamat sa Diyos. Sa tuwing nagdarasal tayo, puro tayo hingi. Palagi na lamang tayo humihingi ng anumang bagay mula sa Diyos (hindi ko na ililista, masyadong marami), pero kapag sinagot ng Diyos ang ating mga panalangin, nakakalimutan natin Siyang pasalamatan. Kailan ba naaalala natin ang Diyos? Kapag may problema tayo, may hinihingi, may dinadaanang tayong pagsubok, may masamang nangyayari sa atin, atbp. Pero, kapag maganda at maunlad ang ating buhay, nakakalimutan ang Diyos. Nakakalimutan nating magpasalamat sa Diyos sapagkat kung hindi dahil sa Kanya, matagumpay at gumaganda ang ating buhay.
Sana huwag nating kalimutan ang Diyos sa hirap at ginhawa. Huwag rin nating kalimutan ang magpasalamat sa Kanya. Siya ang sumasagot sa ating mga panalangin, Siya ang tumutulong sa atin sa ating buhay. Hindi Niya tayo nakakalimutan. Huwag rin nating kalimutan ang Diyos. Huwag nating kalimutan ang magpasalamat sa Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Ang pagsisimba po sa Simbahan ay isang uri rin ng pananalangin sa Diyos. Ang Diyos ay karapat-dapat na pasalamatan sa Kanyang kabutihan sa atin. Tularan po natin ang Samaritanong may ketong sa Ebanghelyo. Noong gumaling siya, naalala niya kung saan nagsimula ang kanyang paggaling. Nagkaroon siya ng utang na loob kay Hesus, bumalik siya at nagpasalamat sa Kanya. Magpasalamat tayo sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento