Linggo, Oktubre 27, 2013

MAPALAD ANG MAPAGPAKUMBABA

Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon 
Sirak 35, 15b-17. 20-22a/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 16-18/Lucas 18, 9-14


Sa ating Ebanghelyo ngayon, mapapakinggan natin ang isang talinghaga ni Hesus tungkol sa pagpapakumbaba. Ang tinuturo Niya sa atin ay kung paanong ang pagpapakumbaba ay mas nakalulugod sa Diyos. Kahit gaanong kataas ang ating mga posisyon sa buhay, tayong lahat ay magkakapatid at magkakapantay sa paningin ng Diyos. 

Hindi lang tayo nagdarasal kapag nagsisimba sa araw ng Linggo. Marami po sa atin ay nagdarasal araw-araw, na mabuti naman. Tayo po ay nagdarasal sa Diyos upang papurihan, pasalamatan at humingi, lalung-lalo na ang kapatawaran sa ating mga kasalanan sa Diyos. 
Pero, paano ba ang ugali natin sa ating mga panalangin? Tayo po ba ay katulad ng Pariseo na nagmamataas? O katulad ba tayo ng publikano na nagpakumbaba sapagkat isa siyang makasalanan?

Ang unang nagdasal sa ating Ebanghelyo ay ang Pariseo. Pinagmamalaki niya sa Diyos na isa siyang mabuting tao. Ipinagmamalaki niya na isa siyang mabuting tao at sumusunod siya sa utos ng Diyos. Hindi lamang iyan, ipinagmamalaki niya na nag-aayuno siya ng dalawang beses sa isang linggo, at nagbibigay ng kanyang mga kinikita. Mukhang may hindi tama sa tono ng kanyang pagdarasal. Oo, marami man siyang nagawang mabuti, pero, hindi niya pinansin ang kanyang mga pagkukulang. Iniisip niya na siya ay mas magaling kaysa sa publikano. Para bang sinasabi ng Pariseo, "Panginoon, naging mabuting tao po ako, kaya dapat may gantimpala ako." 

Ang ikalawang nagdasal ay ang publikano. Heto, napakasamang tao. Nagagalit sa kanya ang buong Israel. Bakit? Humihingi siya ng buwis para sa imperyo Romano. Ang tingin ng mga Israelita sa mga publikanong katulad niya ay mga makasalanan. Nagtatrabaho ang mga publikanong ito para sa mga Romanong umaapi sa kanila. Ipinagkanulo ng mga publikanong ito ang kanyang bayan. Kaya hindi kabilang ang mga publikano sa mga pinagpala ng Panginoon. Maraming Hudyo ang nagagalit sa kanila. 

Ngayon, ang publikanong ito ay nagdasal rin sa templo. Paano siya nagdasal? Hindi siya nakatingin sa langit. Dinagukan ang kanyang dibdib, tanda ng pagsisisi. Pinagsisihan niya ang kanyang mga kasalanan laban sa Diyos. Siya'y nagpakababa sa harapan ng Diyos. Buong puso at pagpapakumbaba siyang humingi ng kapatawaran sa mga ginawa niyang kasalanan laban sa Diyos at kapwa. Inaamin niya ang kanyang mga pagkakamali at pagkukulang. 

Sino ngayon ang pinagpala nang umuwi? Ang publikanong makasalanan. Bakit? Dahil sa kanyang pagpapakumbaba, natamo niya ang awa ng Diyos. Siya'y nagkaroon ng lakas upang aminin ang kanyang mga pagkakamali. Alam niyang marami siyang ginawang kasalanan, kaya sumamo siya sa Diyos na patawarin siya. Gayon nga ang nangyari. Dahil sa kanyang pagpapakababa at pag-amin ng kanyang mga kasalanan, pinatawad siya ng Panginoon. 

Ang Pariseo ay hindi umuwi katulad ng publikano. Ginamit niya ang pagiging mabuti upang itago sa Diyos ang kanyang mga pagkukulang at pagkakamali. Kahit na may mga kasalanan siyang ginawa, hindi niya inamin ito sa Panginoong Diyos. Nagmamalinis siya sa harapan ng Diyos. Siya'y nagmumukhang malinis, pero may mga pagkakamali siya na hindi niya inaamin. Itinatago niya ang kanyang mga kasalanan sa Diyos. 

Kadalasan, ganyan rin po tayo. Sa sobrang takot natin sa Diyos, tinatago natin ang ating mga kasalanan sa Diyos. Naghahanap tayo ng mga palusot para sa ating mga kasalanan. Nakatutok tayo sa mga mabubuting gawa natin. Pero, ang masama doon ay ginagawa natin itong palusot upang magmukhang malinis sa harapan ng Diyos. Tayo ay nagiging peke, plastik, at niloloko natin ang ating mga sarili. Kahit itago pa natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, nakikita Niya at alam Niya ang nilalaman ng puso ng isang tao. Alam Niya na tayo ay nagkasala. Hindi natin Siya malilinlang. Hindi natin maitatago sa Diyos ang ating mga kasalanan. 

Tayo pong lahat ay magkakapantay - tayo'y tao. Bilang tao, marami tayong mga pagkakamali at pagkakasala na ginagawa natin. Pero, paano nga ba nagiging mabuti ang isang tao? Ang isang tao ay nagiging mabuti kapag natuto siya mula sa kanyang mga pagkakamali. Inaamin rin ng isang tao na siya'y nagkakamali at may lakas siyang humingi ng kapatawaran sa kanyang kasalanan. Ganyan po ang pagiging isang mabuting tao. 

Magpakatao tayo at magpakumbaba. Tularan natin ang publikano sa ating Ebanghelyo. Kahit na siya'y makasalanan, inamin niya ang kanyang pagkakamali at sumamo sa Diyos na siya'y patawarin. Kung tayo po ay nagpapakatotoo at nagpakababa sa harapan ng Diyos, tayo ay pagpapalain Niya, kahit sa ating pag-uwi. Umuwing pinalad ng Diyos ang publikano sa talinghaga. Harinawa, umuwi rin tayong pinagpala ng Diyos. Sapagkat tunay ngang mapalad ang mga mapagpakumbaba. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento