Martes, Disyembre 3, 2013

ANG PAGTAWAG SA PAGBABAGONG-BUHAY

Disyembre 15, 2013
Ikatlong Linggo ng Adbiyento (A)
Isaias 35, 1-6a. 10/Salmo 145/Santiago 5, 7-10/Mateo 11, 2-11

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin na si San Juan Bautista ay nagpadala ng mga sugo upang magtanong kay Hesus. Sa panahong iyon, siya'y pinakulong ni Haring Herodes Antipas sapagkat napakasakit ang mga salitang sinabi niya tungkol sa pagsasama nina Herodes at Herodias. Napakasakit ang mga sinabi ni Juan Bautista, kaya bilang pagganti, pinakulong nila si Juan Bautista.

Ang tanong ni Juan Bautista ay para bang tanong ng isang taong nawawalan na ng pag-asa. Tinatanong niya ang Panginoong Hesukristo kung Siya nga ba talaga ang hinihintay nila. Nasa isang krisis si San Juan Bautista. Nabalitaan ni Juan ang mga ginagawa ni Kristo na hindi niya inaasahan. May mga pagdududa at pagtatanong na si Juan Bautista. Hindi niya alam kung ang Tagapagligtas ay narito na o kung kailangan pang maghintay pa. Tinatanong ni Juan kung sino nga ba si Hesus. Tinatanong niya kung sino ang Mesiyas. Gustong makatiyak at malinawan si Juan kung si Hesus nga ang Mesiyas.

Ano ang inaasahan ng mga tao sa Mesiyas? Inaasahan nila na ang Mesiyas ang magbabagsak sa mga Romano. Sinasakop ang mga Israelita ng mga Romano sa panahong yaon. Ang inaasahan ng mga Israelita sa Mesiyas na sila'y ililigtas mula sa imperyo ng Roma, at ibabagsak ang pamamahala ng Roma sa Israel. Sa gayon, sila'y malaya na mula sa pagkabihag sa kanila ng Roma. Akala nila na isang pulitikong paghahari ang itatalaga ng Mesiyas dito sa mundo. 

Sa pagdating ni Hesus, ibang Mesiyas ang nasaksihan nila. Para bang marami ang nagduda kung Siya nga ba ang Kristo. Iba kasi ang mga ginagawa ni Kristo kaysa sa mga inaasahan nila sa Mesiyas. Magkaiba ang mga tinuro nilang dalawa. Nagturo si Juan Bautista tungkol sa paghuhukom ng Mesiyas. Ang mga tinuturo naman ng Panginoon ay tungkol sa awa at pagmamahal sa kapwa. Kaya, nagtaka na dito ang kanyang pinsang si Juan Bautista. Nagtaka siya kung nagkamali ba siya sa mga tinuro niya noong siya'y nasa Ilog-Jordan. 

Bilang sagot sa katanungang ito, inilarawan ni Hesus ang lahat ng mga ginagawa Niya. Hindi naging diretsyo ang sagot ni Hesus. Kabilang na doon ang mga kababalaghang ginawa Niya. Nakakalakad na ang mga lumpo, nakakakita na ang mga bulag, nakakapagsalita na ang mga pipi, at marami pang iba. Hindi lamang iyan. Maraming ginawa ang Panginoon. Ang lahat ng mga ginawa ni Hesus ay nagpapatunay na Siya nga ang Tagapagligtas na isinugo ng Diyos. 

Sa pamamagitan ng mga salitang ito, si Hesus ay nagbibigay ng pag-asa. Narito na ang Tagapagligtas. Ililigtas Niya, hindi lamang ang mga Hudyo, kundi ang lahat ng mga tao sa buong sanlibutan. Ang lahat ng mga tao sa sanlibutan ay ililigtas ni Kristo sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili sa Krus. Siya ang magliligtas sa lahat ng tao mula sa kasalanan at kamatayan (pisikal at espiritwal). Hindi lamang iyan. Inaalis Niya ang mga maling akala patungkol sa Kanya. Nililinaw Niya ang Kanyang misyon dito sa lupa. Si Hesus ay isang maawaing Mesiyas. Hindi Siya humahatol agad. Siya'y maaawa sa mga humihingi ng awa at patatawarin Niya ang mga nagsisisi sa mga nagawang kasalanan.

Ang sagot ni Hesus ay nakakatulong sa pagtanggal sa mga maling akala. Kung inaakala natin na ang Diyos ay mahigpit, palaging simangot at madaling humatol. Hindi, kahit may pagkahigpit ang Diyos, Siya'y mapagmahal at maawain. Sabi sa Salmo 103 na ang Diyos ay banayad kung magalit at ang Kanyang pag-ibig ay lubos. Handa Siyang magpatawad, kung hihilingin natin ang pagpapatawad ng Diyos. Aalisin Niya ang Kanyang galit, upang tanggapin tayo muli sa Kanyang mga kamay. 

Sinasabi rin ni Hesus sa Mateo 9:13 na naparito Siya dito sa lupa upang hanapin ang mga makasalanang tulad natin. Hinahanap tayo ni Hesus. Kung tayo man ay nagtatago o natutulog, magpahanap, gumising tayo. Tinatawag tayo ni Hesus. Tayo ang dahilan kung bakit Siya naparito sa lupa. Naparito si Hesus upang tayo ay ibalik Niya sa Ama. Ibalik tayo sa mga kamay ng Diyos upang mayakap natin Siya. Tayo ang gagawa ng desisyon kung magpapahanap tayo o hindi. 

May dahilan kung bakit tayo ay dapat magalak. Hinahanap tayo ng Panginoon. Bagamat mga makasalanan tayo, dahil sa Kanyang pag-ibig at habag, hinahanap tayo ng Panginoon. Tanggalin natin ang mga maling akala tungkol sa Diyos at kapwa. Tinatawag tayo ng Panginoong Hesus na magbagong-buhay. Pansinin natin ang Kanyang tawag na magbalik-loob sa Diyos at pagsisihan ang mga kasalanan. Ang Diyos ay maawain. Lumapit tayo sa Kanya, humingi ng awa sa Kanya, at nakakatiyak na tayo'y Kanyang patatawarin mula sa mga nagawang kasalanan. Huwag tayong matakot. Hinahanap tayo ng Panginoong Hesukristo. Magpahanap na tayo upang sa gayon, tayo'y aakayin ni Hesus pabalik sa bisig ng Amang nasa langit. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento