Lunes, Disyembre 2, 2013

PAGBABALIK-LOOB SA DIYOS: ESPIRITWAL NA PAGHAHANDA

Disyembre 8, 2013
Ikalawang Linggo ng Adbiyento (A) 
Isaias 11, 1-10/Salmo 71/Roma 15, 4-9/Mateo 3, 1-12 



Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tungkol sa pangangaral ni San Juan Bautista. Siya ang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas. Inihahanda niya ang mga tao para sa pagdating ng Mesiyas, ang kanyang pinsang si Hesus. Ang panawagan niya sa mga nakikinig sa kanya ay magsisi at magbalik-loob sa Diyos. 

Bahagi ng paghihintay ay ang paghahanda. Halimbawa, kapag uuwi dito sa Pilipinas ang isa o mga kamag-anak sa abroad, may mga paghahanda na dapat gawin, hindi po ba? Kinakailangang linisin ang bahay para hindi mukhang kakahiya. Kailangang paghandaan natin sila ng pagkain upang kung sakaling magutom sila, may makakain sila. Maraming paghahanda na kinakailangang gawin. 

Gayon din ang ginagawa ni San Juan Bautista sa ating Ebanghelyo. Inihahanda niya ang mga tao para sa pagdating ng Mesiyas - si Hesus, ang ating Panginoon. Ang tinuturo ni San Juan Bautista sa mga tao ay ang pagsisisi. Espiritwal ang ating paghahanda, kaya pansinin rin natin ito. Hindi lamang pisikal ang pinaghahandaan natin; kinakailangang ihanda natin ang ating buhay-espiritwal. 

Bakit tungkol sa pagsisisi ang itinuturo ni Juan Bautista? Ito ay dahil sa kabutihan at awa ng Diyos. Ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan ng sugo niyang si San Juan Bautista. Pinapaalala ni San Juan Bautista ang mga tao na dapat silang magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Ginigising tayo ni San Juan Bautista mula sa ating pagkatulog. Hindi literal na tulog kung saan kinakailangang magpahinga ang tinutukoy ko. Ang tinutukoy ko ay isa pang uri ng pagkatulog. Sumasaksi si Juan Bautista sa liwanag mula sa Diyos. 

Pagbigyan natin ng diin ang ating buhay-espiritwal. Maaaring natutulog na palagi ang ating kaluluwa. Hindi natin pinapansin ang ating espiritwal na buhay. Mas binibigyan natin ng pansin kasi yung pisikal na bahagi ng ating sarili. Katulad na lamang ng pagandahan, pangpormahan, at marami pang iba. Mabuti naman ang paggawa ng gayon, pero pansinin po natin ang ating espiritwal na buhay. Tayo ba'y namumuhay sa liwanag ng Diyos, o namumuhay ba tayo sa kadiliman ng kasalanan? 

Huwag mag-alala kung tayo'y namumuhay sa kasalanan. Si San Juan Bautista po ay sumasaksi kay Kristo. Si Kristo ay isang mapagmahal at maawaing Tagapagligtas. Tayo ay gumising mula sa ating pagkatulog, pagnilayan ang ating buhay, at humingi ng kapatawaran mula kay Kristong Panginoon mula sa ating mga nagawang kasalanan. Papatawarin tayo ng Panginoon kung ito'y ating hihingin. Walang hanggan, walang limitasyon, ang pag-ibig at pagpapatawad ni Kristo. 

Ang pagtawag ni San Juan Bautista na magsisi at magbalik-loob ay hindi dapat pagbalewalaan. Dapat bigyan natin ng pansin at diin ang panawagang ito. Tayong lahat ay mga makasalanan, kaya dapat magsisi tayo at magbalik loob sa Diyos. Ito'y isang uri ng paghahanda para kay Hesus. Ang ating Panginoong Hesukristo ay mas higit pa kay Juan Bautista, Papa Francisco, Kardinal Tagle, Daniel Padilla, at ang lahat ng mga tao dito sa mundo, masikat man o hindi. Kaya, dapat nating paghandaang mabuti ang Kanyang pagdating. Nararapat lamang paghandaang mabuti, pagluhuran, sambahin, at sundan ang ating Panginoong Hesus. Tunay na dakila ang ating Panginoon.

Dapat nating bigyang-diin ang panahon ng Adbiyento. Huwag nating kakalimutan ang panahong ito, lalung-lalo na ngayon. Kinakailangan natin ito para sa ating kabutihan. Ibinigay sa atin ng Simbahan ang Adbiyento bago ang Pasko upang maghanda para sa paggunita sa Pagsilang ni Hesus. Kaya, gamitin ng mabuti ang panahon ng Adbiyento at huwag nating balewalaan. Importante po ang panahon ng Adbiyento. Huwag tayong magmadali para sa Pasko. Hinay-hinay lang. Gamitin natin ng tama ang lahat ng mga araw sa panahon ng Adbiyento upang maghanda para sa kaarawan ng ating Panginoong Hesukristo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento