Lunes, Disyembre 23, 2013

BENEDICTUS - PURIHIN ANG DIYOS!

Ika-9 at Huling Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79



Magandang umaga po sa inyong lahat, mga kapanalig! Sino po ang nasa kanilang ika-9 na araw sa kanilang Simbang Gabi o Misa de Gallo? Congratulations! Nakumpleto po ninyo ang siyam na araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo. Kahit mahirap ang gumising ng maaga upang magsimba, tiniis po ninyo ang lahat ng iyon. Ang lahat ng ito'y tiniis ninyo alang-alang sa inyong debosyon sa Mahal na Birheng Maria at sa Ninyo Hesus na malapit nang isisilang sa sabsaban. Pero, para sa mga hindi nakakumpleto ng Simbang Gabi/Misa de Gallo, huwag po kayong mag-alala. May bukas pa. May pag-asa kayo. Hindi porke't hindi ninyo nakumpleto ang Simbang Gabi/Misa de Gallo, hindi ninyo makukuha ang inyong ninanais ngayong Pasko. Kumpleto man ang Simbang Gabi o hindi, ang lahat ng mga panalangin ay papakinggan at diringgin ng Diyos. 

May isang awit sa ating Ebanghelyo ngayon. Kung ang kanta ni Maria ay ang "Magnificat," ang tawag naman sa awit sa Mabuting Balita ngayon ay ang "Benedictus." Hulaan po ninyo kung sino ang bumuo ng kantang ito. Bibigyan ko kayo ng hint kung hindi ninyo napakinggan nang mabuti ang Ebanghelyo. Ang pangalan ng bumuo ng kantang ito ay nagsisimula sa letrang "Z." Kulang pa ba? Isa pa, siya ang tatay ng pinsan ni Hesukristo. 

Hindi niyo pa alam? Sige, ibibigay ko na ang sagot. Siya po ay walang iba kundi si Zacarias. Kahapon, nakapagsalita si Zacarias dahil sa natupad na ang mga sinabi sa kanya ng Arkanghel Gabriel nang sila'y magkatagpo sa templo. Natupad ang mga sinabi ng Arkanghel Gabriel tungkol sa kapanganakan ng tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas, ang ipinangakong Tagapagligtas ng sangkatauhan. 

Ano ang ibig sabihin ng "Benedictus?" Ang ibig sabihin nito sa wikang Ingles ay, "Blessed be the Lord God of Israel." Sa Tagalog naman, "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel." Nagbibigay ng papuri at pasasalamat si Zacarias sa Diyos sa araw ng kapanganakan ni San Juan Bautista. Ano naman ang pinasasalamatan niya? Ang pagiging magiliw ng Diyos. Dahil sa pagiging magiliw ng Diyos, ang mga panalangin na mukhang imposibleng mangyari ay nangyari sa pamamagitan ng Diyos. 

Ang unang bahagi ng awiting ito ay pasasalamat sa Diyos para sa pagpapadala ng Mesiyas, ang matagal nang hinihintay na Manunubos ng bayang Israel. Sa pagkatao ni Hesus ay natupad ang pangako ng Diyos na Siya'y magpapadala ng Mesiyas, ang Tagapagligtas na matagal nang hinihintay ng bayang Israel. Nagpapasalamat at nagpupuri si Zacarias sa Diyos dahil sa Kanyang pangako. Bakit? Dahil malapit nang matupad ang mga pangako ng Diyos. Ang matagal nang hinihintay ng bayang Israel ay malapit nang dumating. Malapit nang maganap at matupad ang plano ng Diyos. Malapit nang dumating ang Mesiyas. Malapit nang dumating si Kristo.

Sa ikalawang bahagi ng awiting ito, kinakausap ni Zacarias ang kanyang anak. Ano ang sinasabi ni Zacarias sa bagong isinilang na anak? Ang kanyang misyon. May isang espesipiskong misyon si San Juan Bautista sa buhay. Malinaw na malinaw na para kay Zacarias ang magiging misyon ng kanyang anak. Isa siya sa mga supporting characters sa plano ng pagliligtas ng Diyos sa Kanyang bayan.  Ano naman ang papel ni San Juan Bautista? Ipaghanda ang lahat ng tao upang salubungin ang Mesiyas, si Hesukristo. 

Ngayong Pasko, huwag po kakalimutang purihin ang Diyos. Ang dahilan ng pagparito ng Panginoong Hesukristo ay simple lang - upang tayo'y maligtas. Kung wala tayong regalo o aguinaldo ngayong Pasko, sapat na ang pagliligtas na dala ni Hesus. Naparito Siya para sa atin upang iligtas tayo at magbigay ng kagalakan sa atin. Magpasalamat tayo sa Diyos para sa lahat ng mga biyayang ating natanggap. Pero, huwag rin po nating kalimutan na magpasalamat sa Diyos sa pagsugo Niya kay Hesus. Sapagkat, kung hindi dahil kay Hesus, hindi tayo maliligtas. Atin pong purihin at pasalamatan ang Diyos araw-araw!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento