Lunes, Disyembre 16, 2013

MAPALAD ANG MGA NANANALIG, MAPAGPAKUMBABA, AT NAGLILINGKOD

Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45



Ang ating Ebanghelyo para sa Ika-6 na Araw ng ating Simbang Gabi o Misa de Gallo ay tungkol sa Ikalawang Misteryo ng Tuwa sa ating Santo Rosaryo, ang pagdalaw ng Mahal na Ina sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Ang dalawang magkamag-anak ay nagdadalantao sa panahong ito. Biyaya mula sa Diyos para sa dalawang babaeng ito ang mga sanggol na dinadala nila sa kanilang sinapupunan. Dinadala ni Elisabet si San Juan Bautista sa kanyang sinapupunan. Si San Juan Bautista po ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Ang dinadala naman ni Maria sa kanyang sinapupunan ay si Hesus, ang Mesiyas, ang ating Panginoon. 

Siguro masyadong mahaba ang paglalakbay ng Mahal na Ina mula sa sa Nazaret patungo sa Ein Karem kung saan nakatira sina Zacarias at Elisabet. Parehas silang nagdadalantao. Pero, pinili pa rin ni Maria na maglakbay nang malayo upang paglingkuran ang kanyang pinsang si Elisabet na nagdadalantao rin. Hindi naging harang ang pagiging buntis ni Maria upang paglingkuran ang kanyang kamag-anak na si Elisabet na nagdadalantao rin. 

Isang sorpresa at karangalan para kay Elisabet ang pagdalaw ni Maria sa kanya. Masaya siya sapagkat dinalaw siya ni Maria. Hindi lamang iyan ang nangyari. Napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo at gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan dahil sa galak. Bakit? Si Maria ang hinirang ng Diyos na maging ina ni Kristo, ang ipinangakong Manunubos. 

Nagpakumbaba si Elisabet nang lapitan siya ni Maria. Kinilala pa ni Elisabet si Maria bilang Ina ng Mesiyas, ang ipinangakong Manunubos. Hindi siya nainggit sa kanyang kamag-anak dahil sa dinadala niya ang Manunubos na hinihintay ng bayang Israel. Hindi siya nagduda sa Mahal na Ina. Hindi niya itinakwil ang Mahal na Ina. Bagkus, nagpakumbaba siya at kinilala niya si Maria bilang Ina ni Kristo. Inamin rin niya na para bang hindi siya karapat-dapat at ang pagtatagpo nila ay isang karangalan para kay Elisabet. 

Paano naman naging mapalad si Maria? Paano siya naging pinagpala sa lahat ng mga kababaihan sa mundo? Ito'y dahil sa kanyang pag-OO sa kalooban ng Diyos. Bagamat hindi niya naintindihan ang mga sinabi sa kanya ng Arkanghel Gabriel noong ipahayag sa kanya ang magandang balita tungkol sa Mesiyas, buong pananalig niyang tinanggap ang pananagutang ito, kahit gaano mang kalaki at kabigat ang pananagutang ito. Tinanggap niya ang papel niya sa kaligtasan ng tao. Kung hindi dahil sa kanyang pag-OO sa Diyos, hindi tayo maliligtas ng Panginoon. 

Hindi ipinagyabang ni Maria na siya'y pinili ng Panginoong Diyos na maging ina ni Hesukristo, ang Mesiyas, ang Manunubos ng lahat. Bagkus, siya'y nagpakumbaba, nanalig, at naglingkod sa Diyos at kapwa. Kahit na siya ang dapat pinaglingkuran ni Elisabet dahil sa pananalig ni Maria sa kalooban ng Diyos, pinili pa rin ni Maria ang maglingkod sa kanyang kamag-anak na nagdadalantao rin. Hindi porket ang Mesiyas na ang dinadala ng Mahal na Ina sa kanyang sinapupunan, siya ang dapat paglingkuran at sundan. Pinili pa rin ang maglingkod sa Diyos at kapwa-tao. 

Tunay ngang mapalad sina Maria! Tularan po natin ang pananalig, pagiging mapagpakumbaba at mapaglingkod ni Maria. Katulad ni Maria, nawa'y tayong lahat ay pagpapalain ng ating Panginoon. Isinuko niya ang lahat ng mga plano niya para sa kanyang sarili at hinayaan gamitin siya ng Diyos bilang instrumento ng Diyos sa plano Niyang iligtas ang sangkatauhan. Harinawa'y tayong lahat ay maging mapagpakumbaba, mapaglingkod, at puno ng pananalig katulad ni Maria. Sa gayon, tayong lahat ay pagpapalain ng Panginoon, at pupurihin rin ng ating mga puso't kaluluwa ang ating Panginoong Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento