Linggo, Disyembre 15, 2013

ANG PAGIGING MAGILIW NG DIYOS

Disyembre 19, 2013 
Ika-4 na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25


"Magiliw ang Diyos." Ito ang ibig sabihin ng pangalang Juan. Ito ang pangalan ng magiging anak nina Zacarias at Elisabet. Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagpapahayag ng isang magandang balita. Dininggin ng Diyos ang matagal nang ipinapanalangin ng mag-asawang sina Zacarias at Elisabet. Pagkatapos ng mahabang panahon, silang dalawa ay magkakaroon ng anak. Sa kabila ng pagiging baog ni Elisabet, siya ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki at ang pangalan niya ay Juan. 

Si Zacarias ay hindi makapaniwala nang marinig niya ang balitang ito. Sa kabila ng pagiging matanda nila, magkakaanak pa sila. Matagal silang nagdasal ng kanyang asawang si Elisabet na sila'y bigyan ng Diyos ng anak. Pero, ang tingin niya ay mukhang malabo ang mga posibilidad na magkakaroon sila ng anak ni Elisabet, lalung-lalo na dahil sa sila'y matanda na. 

Kaya, tinanong ni Zacarias ang anghel. Sa tono ng kanyang pagtatanong, para bang may pagdududa siya sa mga sinasabi ng anghel. Hindi siya makakapaniwala sa mga narinig niya. Kinailangang magkaroon ng tanda upang makapaniwala na si Zacarias. Kung gagamitin natin ang ibang salita, para bang ganito ang sinabi niya, "Hindi ako naniniwala. Patunayan mo muna para maniwala ako." Hindi na tanong, kahilingan na para sa isang tanda.

Bilang tugon sa tanong ni Zacarias, nagbigay ng tanda ang Arkanghel na si Gabriel. Si Zacarias ay hindi makakapagsalita hanggang sa araw na isilang si San Juan Bautista. Mananatili siyang pipi nang siyam na buwan. Siyam na buwan siyang pipi. Hindi na siya makakapagsalita dahil sa siya'y nagduda. Hindi lang iyan tanda, sumpa pa iyon. Sinumpa si Zacarias dahil sa kanyang pagdududa sa pagiging magiliw ng Diyos. 

Ang Diyos ay tunay ngang magiliw. Walang imposible sa Diyos. Anuman ang imposible sa mata ng tao, iba ito sa mata ng Diyos. Posible ang lahat ng bagay sa Diyos. Kung gustuhin man ng Diyos, papayagan Niyang lumutang sa hangin ang isang puno. Pwede ring ilipat ng Diyos ang Bulkang Mayon mula sa Legazpi patungo sa saanmang lugar dito sa Pilipinas o sa ibang bansa. 

Walang imposible sa Diyos. Tiwala lang. Tiwala lang ang ating kailangan. Kung imposible man para sa atin ang isang bagay, posible ito sa mata ng Diyos. Tiwala lang tayo sa ating Diyos na magiliw at nagmamahal sa atin. Anuman ang ating ipanalangin sa Diyos, mangyayari ito kung ito'y kalooban ng Diyos. Pero, huwag tayong mawalan ng tiwala sa Diyos. Huwag tayong magduda sa pagiging magiliw at mapagpala ang Diyos. Ang lahat ng bagay ay posible at kayang mapangyayari sa Diyos. 

Masdan natin ang mga bagay sa ating kapaligiran. Sa tingin mo ba, sino ang pinagmulan ng mga bagay na ito? Ang Diyos. Ang Diyos na lumikha sa langit at lupa. Tayo po'y magkaroon ng sandali ng katahimikan. Pagnilayan mabuti ang mga pagpapala ng Diyos sa atin. Tayo po'y magnilay at magpasalamat sa Diyos sa mga bagay na nakikita natin ngayon. Ang Diyos ay magiliw. Walang imposible sa Diyos. Tiwala lang! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento