Sabado, Disyembre 21, 2013

ANG PANAGINIP NI SAN JOSE

Ika-4 na Linggo ng Adbiyento/Simbang Gabi o Misa de Gallo (Ika-7 Araw) 
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Roma 1, 1-7/Mateo 1, 18-24 



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay binasa na po natin noong Ika-3 Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo. Pero, dahil ngayon po ay Taon A, binabasa po natin muli ang Ebanghelyong ito tuwing Ika-4 na Linggo ng Adbiyento. Ito po ay tungkol sa pagpapakita ng isang anghel ng Panginoon sa panaginip ni San Jose. Dahil dito, tinanggap ni San Jose ang pananagutang maging kabiyak ng Mahal na Inang Maria at amahan ng Panginoong Hesus. 


May problema dito sa ating Ebanghelyo. Si Maria'y natagpuang buntis. Malaking problema iyon. Silang dalawa ay nagpaplano at nakatakdang magpakasal. Pero, nabuntis ang Mahal na Ina at hindi pa sila mag-asawa. Hindi pa sila ikinasal. Hindi karaniwang tao ang nagbuntis kay Maria. Si Maria'y nabuntis sa pamamagitan ng Espiritu Santo at isang kakaibang sanggol ang nasa kanyang sinapupunan. Ang sanggol na iyon ay si Hesus, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Isang malaking problema ito. Malaking iskandalo na ang pagbuntis ni Maria, kahit na hindi pa siya kasal kay Jose. 

Dahil doon, nakataya na ang reputasyon ni Jose bilang tao. Isang napakahirap at napakasakit na desisyon ang kinailangan niyang gawin. Dinisisyon niyang makipaghiwalay siya kay Maria. Mapapansin natin na ayaw ni San Jose na masira ang kanyang reputasyon sa mata ng mga kababayan. Alam na natin na isang karpintero si San Jose. Kapag itinuloy ni Jose ang kasal niya kay Maria, malamang wala nang pupunta kay Jose upang magpagawa ng mga hapag-kainan, upuan, at marami pang iba. Nakataya na dito si San Jose at mahirap ang desisyong ginawa ni Jose.

Sa kabila ng desisyong ginawa ni Jose, mahal na mahal pa rin niya ang Mahal na Birhen. Ayaw niyang mapahiya si Maria. Ayaw niyang magkaroon ng masamang reputasyon si Maria. Mahal na mahal niya si Maria at patuloy niyang inalagaan si Maria. Pinoprotektahan niya si Maria. Hindi papayagan ni Jose na maging masama ang reputasyon ng babaeng minamahal niya. Hindi porke't magkahiwalay sila ni Maria ay mag-aalalala pa rin si Jose para sa kanya. Minamahal talaga ni Jose si Maria at pinatunayan niya ito sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanya. Ito'y dahil hindi niya papayagan na masira ang reputasyon nilang dalawa ni Maria. 

Isang gabi, noong natutulog si Jose, inutusan siya ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na tanggapin si Maria bilang asawa niya. Ang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa isang panaginip. Hindi nagprotesta si Jose. Hindi tumutol si Jose. Sinunod niya ang utos ng Diyos. Pinatunayan ng ating Ebanghelyo na kahit anuman ang sabihin ng batas, mananaig pa rin sa kahuli-hulian ang kalooban ng Diyos. Hindi naging hadlang ang kautusan ng mga Hudyo para matupad ang plano at kalooban ng Diyos. 

Dapat nating tularan ang pagiging masunurin ni San Jose. Kung mapapansin po natin, noong inutusan siya ng anghel ng Panginoon, hindi siya nagsalita o umimik. Si San Jose ay sumunod agad sa sinabi ng Panginoong Diyos. Tinanggap ni San Jose ang pananagutan niya na maging asawa ng Mahal na Birheng Maria at amahan ng Panginoong Hesukristo. Kahit na mukhang hindi tama at kakaiba ang plano ng Diyos sa mata ng tao, ang plano ng Diyos ang laging mananaig at mangyayari. Sumunod po tayo sa kalooban ng Diyos, katulad ni San Jose.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento