Lunes, Disyembre 9, 2013

SA KABILA NG PAGIGING MAKASALANAN

Disyembre 17, 2013
Ikalawang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17



Binibigyang diin ng Ebanghelistang si San Mateo ang pagiging Emmanuel ni Hesus. Ang ibig sabihin ng Emmanuel ay ang Diyos ay sumasaatin. Sa unang kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo, tatawaging Emmanuel ang anak nina Maria at Jose. Sa huling kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo, si Hesus ay nagpakita sa Kanyang mga alagad at nangakong mananatili Siyang kasama nila hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Mula una hanggang huling kabanata, ang binibigyang diin ni San Mateo ang pagiging Emmanuel ng Panginoong Hesus. 

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang talaan ng mga ninuno ni Hesus. Napakarami Siyang mga ninuno. Pero, sa kabila ng pagiging masunurin nila sa Diyos, sila'y mga makasalanan. Hindi naging perpekto ang kanilang buhay. Kabilang na dito si Haring David. Siya'y hinirang ng Diyos na maging hari ng Israel. Pero, isang insidente ang nangyari sa kanyang pagkahari. Ninasaan ni Haring David si Bat-seba. Ipinagpatay pa niya ang asawa ni Bat-seba na si Urias. Paano? Noong digmaan na, umatras sila at si Urias ay iniwanang mag-isa. Sa pamamagitan nito, si Haring David ay nangalunya. 

Maitatanong natin, bakit pinili ng Diyos na maging ninuno ng Mesiyas ang mga taong nagkasala? Balikan natin ang tawag kay Kristo sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo. Ano ang kanyang binigyang diin? Ang pagiging kasama natin ng Diyos. Ninanais ng Diyos na makasama ang Kanyang mga nilikha. Tayong lahat ay nilikha ng Panginoong Diyos. Tayo'y napakahalaga sa paningin ng Diyos. Kaya, nais Niyang maging kapiling natin Siya. 

Noong tayo'y nalugmok sa kasalanan sa pamamagitan ng kasalanang ginawa ni Adan at Eba sa halamanan ng Eden, tayo'y nalugmok sa pagkakasala. Pero, patuloy pa rin ang Diyos sa paggawa ng mga tipan. Ang mga tipan ng Diyos at tao ay para bang palaging nasisira dahil sa pagkakasala ng mga tao, pero patuloy Siyang gumawa ng paraan upang makipagkasundo sa Kanya ang mga nilikha. Nagpasugo Siya ng mga propeta upang ipahayag sa mga tao ang plano ng Diyos. Isusugo ng Diyos ang Mesiyas, ang Kanyang Anak na si Hesus. 

Kakaiba gumawa ng paraan ang Diyos. Hindi natin inaasahan na ang mga ninuno ng Panginoon ay mga makasalanan. Ito'y tanda na minamahal tayo ng Diyos. Hindi susuko kahit kailan ang Diyos. Hindi bibitiw ang Diyos sa Kanyang pagmamahal sa atin. Nais Niyang manatiling kasama natin sa hirap man o ginhawa. Tayo man ay dumadaan sa matinding pagsubok sa buhay, ang Diyos ay Emmanuel. Kasama natin ang Diyos sa hirap at ginhawa. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. 

Si Kristo ang liwanag. Kung tayo ay naliligaw mula sa Diyos, sumunod tayo sa landas ng liwanag. Lumapit tayo sa liwanag ni Kristo. Bumalik tayo sa Diyos na nagmamahal sa atin. Kung tayo ay hindi matapat, ang Diyos ay palaging tapat. Minamahal Niya tayo. Sa kabila ng pagiging makasalanan natin, minamahal tayo ng Diyos. Hahanapin Niya tayo mula sa kadiliman. Tayong lahat ay napakahalaga sa paningin ng Diyos. Ibabalik tayo ng Diyos sa Kanyang mga kamay upang yakapin at tanggapin muli sa Kanyang kaharian. Ganun talaga ang pag-ibig ng Diyos sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento