Linggo, Enero 5, 2014

PARA SA LAHAT NG TAO

Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon (A)
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12 




Sa unang Linggo ng taon, ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Epifania o ang Pagpapakita ng Panginoon. Sa pamamagitan ng Epifania, ipinapakita at ipinakikilala ng Diyos ang Kanyang Anak sa mundo. Ang Kanyang Anak ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng bayang Israel. Muling ipapakilala ng Diyos ang Kanyang Anak sa Ebanghelyo natin sa susunod na Linggo – sa pagbibinyag ni Hesus, ipinapakilala at ipinagmamalaki ng Diyos na si Hesus nga ang Kanyang Bugtong na Anak. 

Kanino ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang Anak? Hindi lamang sa mga Hudyo ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang Anak, kundi pati na rin sa mga Hentil. Marahil, ang mga Pantas ay mga Hentil. Pero, sa kabila ng pagiging Hentil nila, pumunta sila sa Betlehem upang dalawin ang bagong Haring isinilang. Hindi lamang para sa mga Hudyo si Kristo, Siya’y para sa lahat ng tao, Hudyo man o hindi. Anuman ang lahi o estado natin sa buhay, naparito si Kristo para sa atin. Walang pinipiling lahi o tao ang Diyos. 

Ang mga Pantas ay naglakbay ng malayo mula sa Silangan patungo sa Betlehem. Mga dayo sila noong dumating sila sa Herusalem. Hindi nila alam ang ruta o direksyon sa Herusalem. Pero, sinundan nila ang tala na nakita nila mula sa Silangan. Ang talang iyon ang aakay sa kanila tungo sa lugar ng kapanganakan ng Hari ng mga Hudyo. Iyon talaga ang sadya nila kung bakit naparito sila sa Herusalem. Makita ang Panginoong Hesus. 

Balikan po muna natin ang Unang Pagbasa. Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa liwanag ng Panginoon. Ang sabi ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng propetang si Isaias ay liliwanagan muli ang Herusalem. Inalipin ang mga Israelita ng mga taga-Babilonia at itinapon silang lahat sa Babilonia. Dahil dito, ang mga Israelita ay namuhay sa kadiliman. Ngunit ipinangako ng Diyos sa mga Israelita na magliliwanag muli ang Herusalem. Liliwanagan muli ng Diyos ang Herusalem. 

Sa Ikalawang Pagbasa naman, mapapakinggan natin mula kay Apostol San Pablo na lahat ng tao ay pagpapalain ng Diyos. Hindi eksklusibo ang pagpapala ng Diyos. Hindi lamang para sa Hudyo ang pagpapala ng Diyos. Para sa lahat ang pagpapala ng Diyos. Ang lahat ng tao, maging Hudyo man o Hentil, ay makakatanggap ng pagpapala mula sa Diyos. Ito ay dahil sa kagandahang-loob ng Diyos. 

Bumalik naman tayo sa Mabuting Balita. Noong dumating sa Herusalem ang Tatlong Pantas, ang una nilang nakatagpo ay ang Haring Herodes. Nang sinabi ng mga Pantas kay Herodes ang sadya nila, natakot si Herodes. May hinahanap silang hari. Sa pagkakaalam ni Herodes, siya lang ang hari sa Herusalem. Gusto niya na siya lang ang tawagin at taguriang hari. Ayaw niyang magkaroon ng karibal sa trono niya. Gusto niya siya lang ang hari. Ayaw niyang magkaroon ng isang taong magtatapon sa kanya mula sa kanyang trono. Ayaw niyang bumitiw sa kanyang kapangyarihan. Hindi siya papayag na may aagaw sa kanyang kapangyarihan bilang hari. Maramot, gahaman, mahidhid si Herodes. 

Dahil dito, itinanong nila kung nasaan ipinanganak ang Mesiyas, ang Hari ng mga Hudyo. Ang mga saserdote at eskriba lamang ang nakakaalam kung saan isisilang ang Mesiyas. Ang sagot ng mga saserdote at eskriba ay Betlehem. Nang sagutin ng mga saserdote at eskriba ay kinausapan ni Herodes nang lihim ang mga eskriba at saserdote. Pagkatapos, ipinadala ni Herodes ang mga Pantas na ito na hanapin ang bata. Hindi lamang ang mga Pantas ang humahanap kay Hesus, pati pa si Herodes. 

Bakit nga ba naging interesado si Herodes na makita ang Panginoong Hesukristo? Hindi upang sambahin. May balak si Herodes na gawin sa Panginoong Hesus. Sa halip na sambahin ang Mesiyas, balak niyang patayin ang Mesiyas. Balak niyang wasakin ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Siya ang kontrabida sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. KJ, noh? 

Nang makita muli ng Tatlong Haring Mago ang tala na nakita nila sa kanilang paglalakbay patungo sa Herusalem, natuwa sila! Malapit na nilang makita ang hinahanap nila – ang Mesiyas – si Hesus. Pagkatapos ng mahabang paglalakbay mula sa Silangan, mahahanap na nila si Kristo. Ang tala ang umakay sa kanila tungo sa kinaroroonan ng Sanggol na Hesus kasama ang kanyang Inang si Maria. Ngayon, nasaan si San Jose? Malamang busy at maraming inaasikaso para sa kanyang pamilya. 

Pagkatapos ng kanilang pagdalaw sa bata, saan sila pumunta? Bumalik ba sila kay Haring Herodes? Hindi. Bagkus, sila’y umuwi. Sinabihan sila ng Diyos na huwag balikan si Herodes. Kabisado ng Diyos ang layunin at sadya ni Herodes. Nagmamalinis at nagkukunwari si Herodes. Hindi niya balak sambahin ang bata, bagkus, balak niyang patayin ang bata. Paliguy-ligoy lang si Herodes. Ang desisyon ng Tatlong Pantas na huwag nang bumalik kay Herodes ay talagang matalino. Ginamit nila ang kanilang isip. Hindi na nila binalikan si Herodes dahil sila’y inutusan ng Diyos. Ito’y siguro ang pinakamatalinong desisyong ginawa nila. Sinunod nila ang utos ng Diyos. 

Kung ang Tatlong Pantas ay mga dayo nga sa Herusalem, tayo pa kaya? Ipinapakilala sa atin ngayon ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak – si Hesukristo. Wala Siyang pinipiling lahi o grupo ng tao. Si Hesus ay ipinakikilala sa ating lahat ng Diyos, anuman ang ating lahi o estado sa buhay. Mahirap o mayaman, lalaki o babae, Hudyo man o hindi, may ipinapakilala sa atin ang Diyos – ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento