Isaias 42, 1-4. 6-7/Salmo 28/Mga Gawa 10, 34-38/Mateo 3, 13-17
Iyan ang dahilan kung bakit naging hesitante si San Juan Bautista. Marami na siyang bininyagan upang ipaghanda ang mga tao tungkol sa pagdating ng Mesiyas – si Hesus mismo. Hindi niya inaasahan na si Hesus ay magpapabinyag sa Kanya. Isa pa, wala namang ginawang kasalanan si Kristo. Hindi ba, buong buhay ni Kristo, ni minsan hindi Siya nagkasala? Bakit Siya nagpapabinyag?
Sa Mabuting Balita ayon kay San Juan, mapapakinggan natin na ang misyon ni San Juan Bautista ay ang pagsaksi sa liwanag. Ang liwanag na iyon ay walang iba kundi si Hesus. Noong naglalakad si Hesus isang araw, ipinahayag niya sa mga tao na si Hesus ang Kordero ng Diyos. Ipinagmalaki ni Juan na si Kristo ay mas dakila kaysa Kanya. Buong pagpapakumbaba niyang tinatanggap na hindi siya ang Mesiyas. Hindi siya ang bida. Bagkus, siya ay isang supporting character. Siya ang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas. Si Kristo ang susunod sa Kanya. Si Kristo ang kasunod. Si Kristo ang bida.
Hindi na inaasahan ni Juan na ang sadya ng Panginoon ay magpapabinyag sa kanya. Alam ni Juan Bautista na hindi siya karapat-dapat na magbinyag kay Hesukristo. Dapat si Hesus ang magbinyag sa kanya. Pero, baliktad ang nangyari. Ang Panginoong Hesukristo ang lumapit kay San Juan Bautista upang magpabinyag. Walang kasalanang ginawa si Hesus, kaya walang dahilan sa unang tingin upang Siya’y magpabinyag sa Kanyang pinsan.
Ano ang dahilan ng paglapit ni Kristo kay Juan upang magpabinyag? Ang Diyos ay pumapayag na binyagan ang Kanyang Anak. Ipapakilala ng Diyos muli ang Kanyang Bugtong na Anak. Sinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang iligtas tayo mula sa lahat ng kasalanan. Ito’y upang ipakilala ng Diyos na narito na ang Tagapagligtas na isinugo Niya.
Si Hesus ay pumila pa nga sa mga makasalanang pumila kay Juan Bautista upang magpabinyag. Makikita natin ang pagpapakumbaba ni Hesus. Alam Niya na lahat sa kanila ay nagkasala laban sa Diyos. Si Hesus ay nagkatawang-tao at namuhay bilang taong katulad natin. Nais Niyang makiisa sa atin sa bawat pinagdaraanan natin sa ating buhay. Siya ang Emmanuel. Siya ay kasama natin sa bawat araw ng ating buhay. Ito ay dahil sa pag-ibig Niya sa atin. Ang Diyos ay palagi nating kasama sa araw-araw.
Noong bininyagan si Hesus ni Juan Bautista, nabuksan ang langit. Bumaba sa Kanya ang Espiritu Santo at nagsalita ang Diyos Ama mula sa langit. Ipinapakilala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na nakalulugod sa Kanya. Ang Mesiyas ay narito na. Balikan natin ang Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, sinabi ng Diyos na magpapadala Siya ng isang lingkod na ikinalulugdan Niya. Hindi lang isang lingkod ang ipinadala ng Ama. Ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak – ang ating Panginoong Hesukristo.
Sa pamamagitan ng pagbibinyag kay Hesus, sinimulan na ang Kanyang misyon. Ang Kanyang misyon ay ang magpakasakit at mamatay sa Krus alang-alang sa mga kasalanan ng sanlibutan. Mahirap man ito para kay Hesus, Siya’y susunod sa kalooban ng Ama. Nagpasakop Siya sa kalooban ng Ama. Sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa kalooban ng Ama, nagbigay Siya ng halimbawang dapat tularan. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito’y magiging kalugud-lugod sa Kanya at tayo rin, ay maaari ring maging kalugud-lugod sa harapan ng Diyos, katulad ng ating Panginoong Hesukristo.
Bilang mga Laykong Katoliko, ngayong Taon ng mga Layko, atin pong sariwain natin ang mga pangako natin sa binyag. Ang pagdiriwang ng binyag ay isang mahalagang pagdiriwang sa ating Simbahan. Ano ang nangyayari sa pagdiriwang ng Sakramento ng Binyag? Una, inaalis sa atin sa pamamagitan ng Banal na Tubig ang dungis ng kasalanang mana, at pangalawa, tayo ay nagiging mga anak ng Diyos. Tinatanggap tayong lahat ng Diyos bilang mga anak Niya, at bilang mga anak Niya, tayo ay kalugud-lugod sa harapan Niya.
Ipagmalaki natin na tayo’y mga anak ng Diyos. Huwag nating ikahiya. Sabi nga ni Mahal na Kardinal ng Arkidiyosesis ng Maynila sa Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno noong nakaraang Huwebes, huwag nating ikahiya na mahal tayo ni Hesus, at mahal natin si Hesus. Nakakalungkot lang po, ang dapat ikahiya ay hindi na ikinahihiya, katulad ng kurapsyon. Ito ang dapat ikahiya. Pero, ang huwag nating ikahiya ang pagmamahal natin kay Hesus at ang pag-ibig Niya sa atin. Ipakita natin ito sa pamamagitan ng salita at gawa. Paano natin ito mapapatunayan? Panalangin, pagsunod, pagsaksi, at paglingkod sa kapwa-tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento