Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38
Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang pagtalima ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Ang anghel Gabriel ay nagpakita kay Ginoong Santa Maria at ipinahayag sa kanya na pinili siya ng Diyos upang maging ina ng Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Kahit hindi niya lubos na maintindihan kung bakit siya pinili ng Diyos, naging matapang si Maria na magsabi ng "oo" sa kalooban ng Diyos.
Ano naman ang kinalaman ng Solemnidad na ito sa panahon ng Kuwaresma? Tuwing panahon ng Kuwaresma, tayo ay naghahanda ng apatnapung araw para sa Pagdiriwang ng Misteryo Paskwal - ang Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesukristo - na siyang hudyat ng ating pananampalataya. Kung hindi dahil sa "oo" ni Maria sa kalooban ng Diyos, hindi tayo maliligtas mula sa ating mga kasalanan. Ang "oo" ni Maria sa kalooban ng Panginoon ay isang malaking bahagi ng plano ng Diyos.
Kasabay ng Dakilang Kapistahan natin ngayon ay ipinagdiriwang din natin ang Araw ng mga Sanggol na hindi pa isinilang (Day of the Unborn). Ipinapanalangin natin sa araw na ito ang mga sanggol sa sinapupunan ng kanilang mga ina. Ang Simbahan ay pro-life. Naniniwala tayo na ang buhay ay nagsisimula sa sinapupunan ng isang ina. Isang biyaya mula sa Diyos ang magkaroon ng buhay ng isang tao. Ang buhay natin dito sa lupa ay hiram lamang sa Diyos. Dahil dito, sagrado ang buhay. Hindi natin pag-aaari ang buhay natin dito sa lupa. Galing ito sa Diyos. Kaya, mahalaga ang buhay at dapat nating igalang at gamitin sa mabuti.
Ang aborsyon o pagpapalaglag ay labag sa kalooban ng Diyos. Nilalabag nito ang batas ng Diyos. Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay "Huwag pumatay," at "Huwag magnakaw." Ang pagpapalaglag ay uri ng pagpatay. Ang pagpatay ay isang uri ng pagnanakaw. Kung inaakala natin na pisikal at materyal na bagay lamang ang ninanakaw, nagkakamali tayo. Pati buhay, maaaring nakawin ng sinuman sa pamamagitan ng pagpatay. Inaabuso nito ang biyaya ng Diyos.
Siyam na buwan na dinala ni Maria si Hesus sa kanyang sinapupunan. Nagreklamo ba siya kung bakit kinakailangan niyang magdala ng sanggol sa kanyang sinapupunan? Hindi! Sapagkat alam ng Birheng Maria na may mahalagang papel ang Panginoong Hesus sa mundo. Naparito ang Poong Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan. Ang Panginoong Hesus ang ipinangakong Mesiyas, ang magliligtas sa lahat ng tao. Hindi nagreklamo si Maria kung bakit isang birheng katulad niya ang kailangang maging buntis, bagkus tinanggap niya at ginampanan ang papel bilang ina ni Hesus.
Tatanungin siguro ng mga babae, "Paano kung ayaw kong magkaanak?" Huwag makipagtalik sa lalaki. Self-control. Kung ayaw magkaanak o hindi pa handa na magkaroon ng anak, self-control. Kailangan nating ikontrol ang ating mga sarili. Ang ating katawan at buhay ay galing sa Diyos. Hindi dapat abusuhin ang isang biyaya ng Diyos sa ating lahat. Self-control lang ang kailangan kung hindi pa handa. Huwag ipilit ang sarili.
Ang ating katawan ay isang Templo ng Espiritu Santo. Hindi dapat sabihin ng sinuman na "Katawan ko 'to! Pwede kong piliin kung anuman ang gusto kong gawin." Kapag gumawa tayo ng masama o abusuhin natin ang ating mga katawan, nilalapastangan natin ang biyaya ng Panginoon. Hindi tayo ang may-ari ng ating katawan at buhay. Ang ating katawan at buhay ay galing sa Diyos at ang Diyos ang tunay na may-ari sa ating mga katawan at buhay.
Idineklara ng CBCP ang taong ito bilang Taon ng mga Layko (Year of the Laity). Ang tema ng Taon ng mga Layko ay "Called to be Saints, sent forth as Heroes." Ang panawagan ang CBCP sa Taon ng mga Layko ay, "Choose to be Brave." Tinatawag tayo ng CBCP na maging matapang at panindigan kung ano ang tama. Halimbawa lamang dito ay ang isyu tungkol sa pagpapalaglag o aborsyon. Ang dapat gawin ay igalang ang buhay ng tao, lalung-lalo na sa sinapupunan ng isang babae. Hindi kung ano-ano ang nasa loob ng sinapupunan ng babae, bagkus, ito ay isang tao.
Ang Mahal na Birheng Maria ay naging matapang sa pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Ipinapakita niya na sa kabila ng lahat, ang plano ng Diyos ay palaging tama at dapat sundin. Nawa'y tularan natin ang katapangan ng Mahal na Ina na nanindigan para sa Diyos at sumunod sa kalooban ng Diyos. Kung sakaling naging buntis ang isang babae, hindi dapat ipalaglag ang sanggol sa kanyang tiyan. Bagkus, ito ay dapat mabuhay at igalang ang kanyang buhay.
Sabi ni Hesus sa Juan 10, 10: "Naparito ako upang ang mga tupa'y nagkaroon ng buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya." Naparito si Hesus upang tayo ay magkaroon ng buhay. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay alang-alang sa atin. Inihain ni Hesus ang Kanyang buhay sa Krus upang tayo ay mabuhay. Ang Kanyang kamatayan ay nagbibigay sa atin ng panibagong buhay. Ganon tayo kamahal ng Panginoon. Namatay Siya sa Krus upang tayo ay mabuhay.
Ang ating katawan at buhay ay sagrado at galing sa Diyos. Igalang natin ito dahil ito ay napakahalaga. Hindi tayo ang may-ari ng ating mga katawan at buhay, hiniram lamang ito mula sa Diyos. Kaya dapat igalang natin ang buhay sapagkat mahalaga ito sa mata ng Diyos. Huwag nating aabusuhin ang biyaya ng Diyos. Kung hindi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, hindi tayo mabubuhay ngayon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento