Linggo, Hunyo 2, 2013

TUMUGON SA GUTOM NG KALULUWA

Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon
(Genesis 14, 18-20/Salmo 109/1 Corinto 11, 23-26/Lucas 9, 11b-17)

Gutom. Ito ang pagnanais ng pagkain ng pisikal. Kinakailangan nating kumain upang hindi tayo magutom. Mahalaga para sa ating mga tao ang kumain. Kailangan nating kumain upang maging malusog. Kailangan natin ang pagkain upang maging malakas. Sa pamamagitan ng pagkain, magagawa natin ang mga gusto at mga kinakailangan nating gawin.

Napakaraming pagkain ngayon. Alam po ninyo, tayong mga Pilipino, mahilig kumain. Hindi sapat para sa atin na kumain ng tatlong beses sa isang araw, diba? May ilan nga sa atin, nagmemerienda. Dalawa pa ata ang merienda natin sa isang araw. Baka naman, meron sa atin, kumakain sa hatinggabi. Ang tawag dito ay midnight snack. Ilan sa atin, kumakain ng apat, lima, o kaya anim na beses. Para bang matatakaw tayo.

May ilan sa atin na mapagbigay. Ilan sa atin ay mahilig magbigay. Tumutugon tayo sa pangangailangan ng iba, lalung-lalo na kung ang nangangailangan ay ang mga kaibigan natin. Tumutugon rin po tayo sa mga mahihirap. Binibigyan natin ng pansin ang kanilang gutom. Binibigyan natin ng pansin ang kanilang mga pangangailangan. Mga mabubuting gawa ang mga iyon.

Subalit, hindi po ba natin pinapansin na mayroong ibang uri ng gutom? Hindi po ba natin napapansin ang pagkagutom ng ating kaluluwa? Mayroon pong ibang uri ng gutom, at ito po ay ang gutom ng ating mga kaluluwa. Ang pisikal na pagkain ay hindi makakapagbusog dito.

Tingnan po natin, sa ating Mabuting Balita, nasa isang ilang na lugar ang Panginoon kasama ang mga tao. Nakikinig sa Panginoon ang mga taong nakapaligid sa Kanya. Nakikinig ang mga tao sa mga aral ng Panginoon tungkol sa Salita ng Diyos. Hindi lamang iyan. Tumugon Siya sa mga pangangailangan ng iba't ibang taong nakapaligid sa Kanya. Bago pinakain ng Panginoon ang mga tao, nagtuturo Siya tungkol sa Salita ng Diyos at pinapagaling Niya ang mga maysakit.

Napakahusay tumugon ang Panginoon sa mga pangangailangan ng mga taong iyon. Walang pasubali Niyang tinugon ang pangangailangan ng mga taong nakapaligid sa Kanya. Napakabait ng Panginoon. Isinasabuhay Niya ang mga tinuturo Niya tungkol sa paggawa ng mabuti. Sapagkat sabi nga Niya, "Hindi naparito ang Anak ng Tao upang paglingkuran, kundi upang maglingkod." Pinaglilingkuran Niya ang mga taong nasa paligid Niya.

Nang magdidilim na, sinabi ng mga alagad na pauwiin ang mga tao. Tandaan, ang lugar na iyon ay isang ilang na lugar. Malayo ang mga lugar na kung saan makakakuha ang mga tao ng pagkain. Wala rin silang matutuluyan. Isang ilang na lugar nga ito. Walang pagkain ang mga tao. Gutom na gutom sila. Walang mahahanap ang mga taong ito sa lugar na iyon.

Inutos ni Kristo sa mga alagad na pakainin nila ang mga tao. Ang pagkain na naroon lamang ay limang tinapay at dalawang isda. Napakaimposible sa unang tingin. Hindi mabubusog ang limanglibong tao sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawa isda. Paano nga ba mapapakain ng mga alagad ang mga tao? 'Di ba, mukhang imposible?

Si Hesus ay gumawa ng paraan. Gumawa Siya ng himala sa pamamagitan ng mga tinapay at isda.  Nagpasalamat Siya sa Diyos Ama sa langit, at pinaghati-hati ang mga pagkain. Bigla na lamang dumami ang pagkain. Napakain ni Hesus sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda ang limanglibong tao. Nabusog ang lahat ng tao. Salamat kay Hesus. Gumawa Siya ng paraan upang mapakain at mabusog ang mga tao.

Ang problema natin ngayon ay marami sa atin ay mga KSP (Kulang sa Pansin). Mahilig natin kunin ang atensyon o pansin ng iba't ibang tao. Gusto natin pansinin tayo ng iba't ibang tao. Kaya, kung anu-ano na lamang ang sinasabi o ginagawa. Ang dahilan kung bakit napakarami sa atin ay mga KSP ay dahil sa inggit. Naiinggit tayo sa kapwa-tao. 'Di ba, isa sa mga Pitong Pangunahing Kasalanan ay inggit. Dapat, maging masaya para sa ating kapwa-tao.

Tumugon si Kristo sa pangangailangan ng Kanyang kapwa-tao. Dapat, ganyan rin po tayo. Dapat nating tumugon sa pangangailangan ng ating kapwa-tao. Huwag rin nating kalilimutan na tumugon rin tayo sa pangangailangan ng ating kaluluwa. Hindi lamang pampisikal ang gutom at uhaw. Meron ring pagkagutom at pagkauhaw ang ating mga kaluluwa.

Papaano natin mabubusog at mapawi ang uhaw ng ating kaluluwa? Makinig tayo kay Kristo Hesus. Tanggapin ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo sa Banal na Eukaristiya. Makinig, at isabuhay ang mga turo ni Hesukristo sa atin. Sa pamamagitan nito, tinutugon natin ang pangangailangan ng ating mga kaluluwa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento