Linggo, Mayo 26, 2013

TATLO NGUNIT IISA

Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo - (K) - Puti
(Kawikaan 8, 22-31/Salmo 8/Roma 5, 1-5/Juan 16, 21-25)


Hayaan ko pong simulan ang pagbabahagi ko sa inyo ngayong Linggo ito sa pamamagitan ng isang biro na binasa ko sa Manila Bulletin sa column ni Fr. Bel San Luis, SVD.

May isang kwento tungkol sa isang babaing na nagdala ng napakaraming novenario sa Simbahan. Nang matagpuan siya ng pari, tinanong siya ng pari kung sino nga ba ang paborito niyang santo. Ang sagot ng babae na ang Mahal na Ina ang paborito niya sa lahat ng mga santo at banal, ngunit, nagugustuhan rin niya ang kanyang kapatid.

Aba'y nagtaka na ang pari. Wala namang nakasulat sa Biblia kung may kapatid na babae ba si Maria at kung ano ba ang pangalan noon. Kaya, tinanong ang babae ng pari, "Anong pangalan ng kapatid ng Mahal na Birheng Maria?" Alam po ba ninyo ang sagot ng babae? Ito ang sagot ng babae: "Santa Trinidad."

Walang sinasabi sa Bibliya kung may kapatid man si Maria o hindi. Kung meron, linawin niyo lamang po ako. I-PM ninyo ako sa Facebook o kaya i-email niyo ako sa aking e-mail account sa gmail. Baka hindi ko lang napansin. Si Maria ay may isang pinsan. Ang pinsan niya ay si Santa Isabel o mas kilala sa Biblia bilang Elisabet. Ngunit, ang Santa Trinidad naman, ito ang tawag sa Kabanal-banalang Santatlo.

Ipinapakita ng biro o kwento na ito na napakaraming mga nalilito tungkol sa misteryong ito ng ating pananampalataya. Napakalalim at napakahiwaga ang misteryo ng Banal na Santatlo. Kaya po napakahirap para sa mga pari ang magbigay ng homiliya para sa Linggong ito. Ito'y dahil sa hiwaga ng Santissima Trinidad. Sa halip, medyo nakakalito para sa mga tao ang misteryo ng Banal na Santatlo. Kaya nga, may ilang pari, pagkatapos basahin ang Ebanghelyo, diretsyo agad sa Kredo (biro lang po). 

Marami pong ang mga nagsasabi na tatlong diyos ang sinasamba nating mga Katoliko. Ang tunay na sagot ng mga Katoliko ay hindi. Hindi tatlo ang diyos na sinasamba ng mga Katoliko. Sinasamba nating mga Katoliko ang tunay na Diyos. Wala kaming ibang diyos kundi ang iisa at natatanging Diyos lamang sa Langit. Ipinapaliwanag ko po, iisa lamang ang Diyos na sinasamba at binibigyan ng papuri't luwalhati.

Subalit, sa kabila nito, ang Diyos ay hindi nag-iisa. Sa iisang Diyos, tatlong persona ang bumubuo nito. Ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Silang tatlo ay tinatawag nating Banal na Trinidad. Tatlo man sila, ngunit iisa lamang ang katangian nila. At iyon ay ang pagka-diyos nila. Silang tatlo ay Diyos. Bagamat ang Diyos ay iisa lamang, tatlong persona ang bumubuo dito. At ang tatlong personang iyon ay tinatawag nating Banal na Trinidad.

Ang Diyos ay hindi nilikha. Sila'y sila na sa simula pa lamang. Ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo ay hindi nilikha. Wala silang simula at wala silang hangganan. Sila'y magpakailanman.

Ang Diyos Ama ang Unang Persona ng Banal na Trinidad. Siya ang makapangyarihan sa lahat, Siya ang maylikha ng lahat. Nilikha Niya ang langit at lupa. Nilikha Niya ang lahat ng uri ng hayop. Nilikha Niya ang kalikasan. At siyempre, nilikha tayong lahat ng Diyos Ama.

Ang Pangalang Persona ng Banal na Trinidad ay ang Diyos Anak. Siya ang ating Panginoong Hesukristo. Siya ang nag-iisang Bugtong na Anak ng Diyos. Siya ang Salita at ang Diyos na nagkatawang-tao lalang ng Espiritu Santo. Ipinanganak Siya ng Mahal na Birheng Maria. Siya'y nagpakasakit at namatay sa Krus alang-alang sa ating mga kasalanan. Noong sumapit ang ikatlong araw, Siya'y muling nabuhay. Umakyat Siya sa langit at nakaluklok na sa kanan ng Diyos Ama. Pagdating ng araw, huhukumin Niya ang lahat ng mga tao. Ito'y gaganapin sa Araw ng Paghuhukom.

Ang Pangatlong Persona ay ang Espiritu Santo. Siya ang Panginoon at ang nagbibigay-buhay. Siya ay ang ating Patnubay at Gabay. Ginagabayan tayo, pinapatnubayan tayo ng Espiritu Santo tungo kay Hesukristo at sa Diyos Ama. Hindi Siya gumagawa ng sariling katotohanan. Ituturo Niya ang katotohanan na itinuro na ng Panginoong Hesukristo na itinanggap Niya mula sa Diyos Ama. 

Kaya nga, kapag ginagawa natin ang Tanda ng Krus, binabanggit natin ang mga pangalan ng Banal na Santatlo. Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Ito'y binabanggit natin bago magsimula at magtapos ang pagdiriwang ng Banal na Misa. Ginagamit rin po ito sa iba't ibang mga sakramento. Ginagamit rin po natin ito bago at pagkatapos natin mag-Rosaryo, magdasal ng mga Dalangin ng Awa, at maraming iba pang mga panalangin.

Meron rin pong panalangin sa Banal na Trinidad. Ito'y dinarasal natin sa ilang mga panalangin, katulad ng Orasyon, Rosaryo, etc. Ang panalanging, "Luwalhati." Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo, kapara noong unang-una, ngayon at magpakailanman, at magpasawalang-hanggan.

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang pamamaalam ni Kristo sa Kanyang mga alagad. Nalulungkot na ang mga alagad sapagkat ilang taon na nilang kasama ang Panginoon. Ngayon, maghihiwalay na sila. Ngunit, tinitiyak ni Kristo na hindi sila magiging mga ulila. Darating ang isang kasunod Niya. Ang magsisilbing gabay para sa mga alagad. Ang Espiritu Santo na Siyang Espiritu ng Katotohanan.

Ipapaalala ng Espiritu Santo sa mga alagad ang lahat ng mga sinabi sa kanila ng Panginoon. Makikinig muna sa Panginoon ang Espiritu Santo at ito nama'y uulitin ng Espiritu Santo sa mga alagad. Hindi mag-iimbento ng sarili o bagong katotohanan ang Espiritu Santo. Sa halip, ang katotohanan na ituturo ng Espiritu Santo muli sa mga alagad ay ang katotohanang itinuro na ni Hesus. Uulitin lamang ito ng Espiritu Santo upang maalala nila ang sinabi ni Kristo. At ang katotohanang tinanggap ni Kristo ay nagmula sa Diyos Ama.

Hindi humahanap ng parangal para sa sarili ang Espiritu Santo. Sa halip, humahanap ng parangal para kay Hesus ang Espiritu Santo. Ganyan rin si Hesus. Hindi parangal sa sarili ang nais Niya. Sa halip, parangal sa Ama ang nais Niya. Masdan natin kung gaanong mahal na mahal ng Banal na Santatlo ang isa't isa. Hindi sila nagkukumpitensya laban sa isa't isa. Sa halip, ang hinahanap nila ay parangal para sa isa't isa. Iyan ang tunay na pag-ibig. Iyan ang tunay na pagsasama. Iyan ang tunay na pagkakaisa. Iyan ang tunay na pagkakaugnay.

Noong si Hesus ay bininyagan, ang Espiritu Santo ay bumaba sa Kanya sa anyo ng kalapati. At isang tinig mula sa langit ay nagsabing, "Ito ang Aking Anak, na Aking kinalulugdan." Nangusap ang Diyos Ama. Ipinagmamalaki at ipinapakita ng Diyos Ama sa sanlibutan na si Hesus ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Diyos Anak, ang ikalawang Persona sa Banal na Trinidad.

Noong nagbagong-anyo si Hesus, ang Diyos Ama ay nagsalita muli. Inuutusan na Niya ang mga alagad ni Hesus na makinig sa Kanya. Ito'y naganap habang kinausap ni Pedro si Hesus na manatili na lamang doon sa bundok na iyon. Nais ni Pedro na tumakas sa kalooban ng Diyos. Ngunit, si Hesus, ay sumusunod sa kalooban ng Diyos. At ang kalooban ng Diyos - mamatay Siya para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

At noong si Hesus ay nakapako at naghihingalo sa Krus, humihingi Siya ng patawad mula sa Kanyang Ama para sa mga kasalanan na ginagawa laban sa Kanya. Tandaan, walang ginawang pagkakasala anuman ang Panginoon, ngunit, dahil sa pagmamahal Niya sa atin, humingi Siya ng tawad mula sa Ama. Iyon yung unang wika ng Siete Palabras. At sa ika-7 wika, isinusuko, ipinagkakatiwala, inihahabilin ni Kristo ang Kanyang Espiritu. Isinuko Niya ang lahat sa Diyos Ama.

Ganyan ang tunay at tamang paraan ng pagmamahal. Tularan natin ang Banal na Santatlo sa kanilang pagmamahal. Hindi nagkumpitensya ang Banal na Santatlo laban sa isa't isa. Sa halip, Sila ay nagmamahalan sa isa't isa. Ang pag-ibig ay mapagpakumbaba. Pagpapakumbaba. Ito ang pag-ibig na ipinapakita sa atin ng Banal na Trinidad. Kahit na makapangyarihan Silang Tatlo, hindi Nila ginagamit ito upang magtalo. Ginagamit nila ito sa tunay na pagmamahalan. Hindi lamang ang isa't isa ang minamahal nila, kundi minamahal nila ang kanilang mga nilikha.

Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo:
kapara noong unang-una, 
ngayon at magpakailanman, 
at magpasawalang-hanggan. 
Amen.

MALIGAYANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD SA ATING LAHAT!! 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento