Linggo, Mayo 19, 2013

HALINA ESPIRITU SANTO!

Mayo 19, 2013 - Linggo ng Pentekostes - (K) - Pula
(Mga Gawa 2:1-11/Salmo 103/1 Korinto 12:3b-7, 12-13)
Juan 20:19-23 (o kaya: Juan 14:15-16, 23b-26)

Maligayang Kaarawan! Alam po ba ninyo kung bakit binabati ko ang lahat ng maligayang kaarawan? Binabati ko ang lahat ng maligayang kaarawan dahil ngayon po ay ang kaarawan ng ating Simbahan. Sa pagdiriwang natin ng Linggo ng Pentekostes, nagsimula ang misyon ng mga apostoles. Sinisimulan ng mga alagad ang misyon na ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo. At ano ang misyon na iyon? Ang misyon nila ay ipahayag ang Mabuting Balita at maging mga saksi ni Hesukristo sa bawat sulok ng daigdig.

Ang ating Unang Pagbasa ay ang salaysay ng Pentekostes. Isinalaysay ni San Lukas sa Unang Pagbasa kung paanong naghintay ang mga alagad para sa pangakong susuguin ng Diyos Ama sa ngalan ng Diyos Anak. Ang Diyos Espiritu Santo. Nagkatipon ang mga alagad sa isang lugar, at hinintay nila na manaog sa kanila ang Espiritu Santo. At nangyari nga, ang Banal na Espiritu ay nanaog sa kanila sa pamamagitan dilang apoy. Pinuspos silang lahat ng Banal na Espiritu.

Noong lumabas ang mga alagad, nagsasalita na sila ng iba't ibang wika. Nagulat na nga ang mga dayo roon sa Herusalem. Bakit? Sapagkat alam ng mga Hudyo na ang mga ito ay mga taga-Galilea. Sila ay mga mangingisda lamang mula sa Galilea. Ngunit, imbes na ang wika nila ang lumalabas mula sa bibig nila, iba't ibang wika ng mga dumarayo sa Herusalem ang lumalabas mula sa bibig nila. Kataka-taka. Kamangha-mangha. Naiintindihan ng mga dayo ang mga sinasabi ng mga alagad. Alam nila na pinupuri ng mga alagad ang Diyos sa iba't ibang wika nila.

Nagtataka tuloy ang mga tao. Imposible na nakapagsalita ng ganitong mga wika ang mga alagad. Mga mangingisda lamang sila. Nagulat sila sa biyaya at pagpapala ng Diyos na ipinagkaloob sa kanila. Ang mga alagad ay nagkaroon ng karunungan. Ang karunungan ng mga alagad ay nagmula at ipinagkaloob ng Espiritu Santo. Sa tulong at gabay ng Espiritu Santo, nakapagsasalita ang mga alagad ng napakaraming wika na nakakagulat para sa mga nandoon.

Isa sa mga kaloob ng Espiritu Santo ay ang karunungan. Karunungan ng tama o mali, karunungan ng iba't ibang wika, karunungan tungkol sa lahat ng bagay at marami pang iba. Hindi lamang isa ang mga kaloob ng Espiritu Santo, kundi pito. Pitong biyaya ang kaloob ng Espiritu Santo. Anu-ano ang mga pitong biyayang ito? Una, ang karunungan. Pangalawa, ang kaalaman. Pangatlo, ang kaunawaan. Pang-apat, kahatulan. Pang-lima, kabanalan. Pang-anim, lakas ng loob. At ang pang-pito, Banal na Takot sa Diyos.

Lahat ng ito'y ipinagkaloob sa mga alagad. Tinanggap naman ito ng mga alagad. Kinailangan ng mga alagad ang mga biyayang ito para sa kanilang misyon. Ang kanilang misyon ay ipangaral ang Mabuting Balita ng Panginoon at sumaksi kay Kristo dito sa lupa. Mahirap ang misyon ito para sa mga alagad, ngunit, kasama nila ang Espiritu Santo na pumapatnubay sa kanila sa kanilang buhay-misyonero. Nagkaroon sila ng mga pusong misyonero. Sila, mula noong araw na iyon, ay naging mga misyonerong isinugo ni Kristo. Ang misyon ng mga alagad ay para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Kaya, buong puso't kaluluwa ipapapahayag ang Mabuting Balita at sumaksi sa Panginoong Hesukristo.

Ipinagkakaloob rin ito ng Espiritu Santo ang mga biyayang ito sa atin. Ang problema nga lamang, paminsan-minsan, inaabuso natin ang biyayang ito. Ginagamit natin ang biyayang ito sa mali. Ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo, ginagamit dapat sa tama, hindi sa mali. Mga halimbawa lamang ng pag-aabuso sa mga kaloob ng Espiritu Santo. Ginagamit ang talino, ang karunungan, upang magyabang, upang maliitin ang kapwa-tao, at baka pa naman, maliitin ang Diyos. Naku po, Diyos ko po, pang-aabuso na iyan. Hindi para doon ang kalooban at pagpapala ng Diyos.

Isa pa, ang lakas ng loob. Mayroon nga, ilan sa atin, ginagamit ang lakas ng loob upang mag-rebelde, sumuway, maghimagsik sa mga kautusan, lalung-lalo na ang Utos ng Diyos. Ang lakas ng loob ay ginagamit upang panindigan ang katotohanan, ang tama. Hindi ito upang maging matigas-ulo, maghimagsik, mag-rebelde, o kaya sumuway sa batas. Kung matigas ang mga ulo at puso natin, paano natin masusundan ang batas ng pamilya, ng pamahalaan, o kaya ang Batas ng Diyos? Paano natin magagawang sundan ito kung matigas-ulo tayo?


Ang pag-aabuso sa mga pagpapala't biyayang kaloob ng Diyos ay hindi nais ni Hesus. Ang nais ni Hesus na gawin sa mga biyayang ito ay gamitin para sa tama. Binibigyan tayo ng kakayanan ng Diyos upang gumawa ng mabuti. Hindi tayo dapat maging abusado sa mga pagpapalang ito. Sa halip, gamitin natin ang mga biyayang kaloob ng Panginoon sa atin nang tama. Sa gayon, maipapahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos sa isip, salita, at gawa.

Sa mundo ngayon, uso na po ang mga makabagong teknolohiya. Sa tulong ng makabagong teknolohiya, makakapag-unay pa rin tayo sa mga mahal sa buhay na nasa ibang bansa. Iba pa nga sa atin, ginagamit ang modernong teknolohiya upang maglaro sa internet. Ginagamit natin ang mga social networking sites katulad ng Facebook, Twitter, Instagram, etc. Ngunit, paano kaya, kung pwede ring gamitin ang makabagong teknolohiya upang ipahayag ang Salita ng Diyos? Ako pa nga, kahit 14 na taong gulang pa lang ako, ginagamit ko ang aking Facebook at ang blog na ito upang maipahayag ang Salita ng Diyos. Ginagamit ko ang mga social networking sites upang makapagnilay tayo sa Salita ng Diyos linggo-linggo. Hamon ko lamang po, gamitin natin ang makabagong teknolohiya upang ipahayag ang Salita ng Diyos.

Isang misyon para sa atin ngayon ang maging mga saksi ng Mabuting Balita. Kaya, atin pong ipahayag ang Salita ng Diyos sa makabagong panahon ngayon. Paano? Sa pamamagitan ng isip, wika, at gawa, maipapahayag natin ang Salita ng Diyos at magamit natin sa mabuti ang mga biyayang kaloob sa atin ng Espiritu Santo. Kaya po, mga kapanalig, atin pong ipahayag ang Salita ng Diyos sa makabagong panahon ngayon. Ito nga ay isang misyon para sa ating mga misyonerong Katoliko. Ipahayag ang ating pananampalataya sa Diyos at maging mga saksi ni Hesukristo sa panahon natin ngayon.

Halina, Espiritu Santo at tulungan Mo po kaming lahat, mga misyonerong Katoliko, sa aming pagpapalaganap ng Salita ng Diyos sa bagong panahon. Tulungan Mo rin pong huwag maging mga abusado kami sa mga pagpapalang ipinagkaloob Mo sa amin. Bagkus, magamit namin para sa kabutihan ang mga biyayang kaloob Mo sa amin. Gabayan Mo rin kami sa aming paglalakbay bilang mga misyonerong sumasaksi kay Kristo sa mundo ngayon. Amen. 



VENI SANCTE SPIRITUS! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento