Linggo, Mayo 12, 2013

MAGING MGA SAKSI NI KRISTO SA SANLIBUTAN

Mayo 12, 2013 - Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon (K) - Puti
(Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Lukas 24, 46-53) 

Apat na pagdiriwang ang ipinagdiriwang natin ngayong araw ng Linggo na ito. Ang una, ang Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Hesukristo. Pangalawa, ang ika-47 Pandaigdigang Araw ng Komunikasyon na may temang Social Networks: portals of truth and faith, new evangelization. Pangatlo, ang Kapistahan ng Inang Mapag-ampon doon sa Marikina. Ang araw po ng kanilang kapistahan ay tuwing ikalawang Linggo ng buwan ng Mayo. Maligayang Kapistahan po sa inyo, mga taga-Marikina! At siyempre, dahil po ngayon rin po ay Araw ng mga Ina (Mother's Day), atin pong babatiin ang lahat ng mga nanay, lalung-lalo na ang Mahal na Ina, ang Birheng Maria. Happy Mother's Day po sa lahat ng mga nanay. 

Ang Unang Pagbasa at Mabuting Balita para sa araw ng Linggong ito ay parehas isinulat ni San Lukas. Kaya, mayroong pagkakatulad ang ating Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayon. Sinasamahan ni Kristo ang Kanyang mga alagad pagkatapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Apatnapung araw sinasamahan muli ni Kristo ang Kanyang mga alagad at tinuturuan Niya sila muli. 

Tinuturuan muli ni Kristo ang mga alagad. Kung atin pong alalahanin, noong Biyernes Santo, nagkawatak-watak ang mga alagad. Nangamba, natakot, dahil ayaw rin nilang matulad sa Panginoon. Idinakip ang Panginoon, kaya nagkahiwalay ang mga alagad. Ngunit, alam ng Panginoon ang kahinaan ng mga alagad at alam rin Niya na iiwanan Siya sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Noong si Hesus ay muling nabuhay, nagtagumpay ang Kanyang pagiging mapagpasensya. Nagpasensya si Hesus sa mga alagad dahil tinuturuan Niya uli ang mga alagad sa pagsasama nila muli. Alam ni Hesus na hindi naiintindihan ng mga alagad ang mga pangyayaring gumanap. Kaya, nililinawan ng Panginoon muli ang mga alagad. 

Ano ang tinuturo ni Kristo? Ang tinuturo at ipinapaliwanag ni Kristo sa Kanyang mga alagad ay ang mga isinulat sa Banal na Kasulatan tungkol sa Kanya. Nililinaw ng Panginoon ang Kanyang mga alagad na kinakailangang matupad ang nasasaad sa Banal na Kasulatan tungkol sa Kanya. Kinakailangan Niyang magtiis ng hirap, magpakasakit, at mamatay sa krus. Ngunit, sa ikatlong araw, Siya'y muling mabubuhay. Ang mga propesiya ng mga propeta sa Matandang Tipan ay tinupad sa pamamagitan ni Hesus. 

Hanggang ngayon, nagtataka pa rin ang mga alagad tungkol sa kaharian ng Diyos. Sinabihan sila ng Panginoon na huwag umalis ng Herusalem hangga't hindi pa dumating ang Espiritu Santo na susuguin ng Diyos Ama. Ang kaharian na iniisip ng mga alagad ay ang kahariang makamundo. Ang kaharian ng Diyos ay hindi katulad ng anumang kaharian dito sa mundo. Kaya, ang sinagot ng Panginoon ay hindi dapat abalahin ng mga alagad ang bagay na iyon. Simple lang ang sagot ni Kristo sa katangungang ito ng mga alagad - huwag nang abalahin ang bagay na iyon. Itatayo ang kaharian ng Diyos sa panahon ng Diyos, at hindi sa ating panahon.

Ngayon, isinusugo na ng Panginoon ang Kanyang mga alagad. Isinusugo Niya ang Kanyang mga alagad bilang mga misyonerong sumasaksi sa Kanya. Ang mga alagad ay sasaksi kay Kristo sa bawat sulok ng daigdig. Hindi lamang ang mga alagad ang dapat sumaksi kay Kristo. Dapat, tayo rin ay sumaksi kay Kristo. Tandaan, ngayon po ay ang Taon ng Pananampalataya. Sa pamamagitan ng Taon ng Pananampalataya, binibigyan tayo ng oportunidad o pagkakataon ng Inang Simbahan na balikan at pagnilayan ang CREDO o ang ating pananampalataya. 

Ngunit, alam ni Hesus na mahina ang mga alagad ngayong aalis na Siya. Kahit ang alaala ng mga alagad, hindi makakayanan ang mga sinabi ni Hesus. Kaya, katulad ng Kanyang ipinangako, susuguin ng Diyos Ama ang Banal na Espiritu. Ang Espiritu Santo ang siyang mag-uutos at magpapaalala sa mga alagad tungkol sa mga tinuro at sinabi ni Kristo. Ang Espiritu Santo ang magiging Patnubay ng mga alagad sa kanilang misyon. Ang kanilang misyon - sumaksi kay Hesukristo sa bawat sulok ng daigdig. 

Ngayon, pagkatapos ng mga sinabi ni Hesus, Siya'y iniakyat sa Kanyang Kaluwalhatian sa Langit. Ito ang hudyat ng katapusan ng Kanyang misyon sa lupa. Isinugo si Hesus mula sa langit, inalay ang Kanyang buhay alang-alang sa atin. Ngayon, bumabalik si Hesus sa presensya ng Diyos Ama. Siya ngayon ay nakaluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan. Siya na ang may hawak ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Ayon sa Ikalawang Pagbasa, ito'y ibinibigay kay Hesus ng Diyos Ama. Ang kapangyarihang iyon ay galing sa kaitaasan. Galing sa Diyos mismo ang kapangyarihan. 

Sa tuwing binabasa ko ang mga salaysay ng Pag-Akyat ni Hesus, dalawang awitin ang pumapasok sa isipan ko. Ang dalawang awiting ito ay binibigyan ako ng lakas, Ipinapaalala sa akin ng dalawang kantang ito na hinding-hindi ako papabayaan ni Kristo sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos at maging isang Pilipinong Katolikong sumasaksi kay Kristo. Ang dalawang awiting ito ay para bang isang mensahe mula sa Panginoon sa akin. Ang dalawang kantang iyon ay "Wag Ka Nang Umiyak" ni KZ Tandingan at "Huwag Kang Mangamba" ng Bukas Palad Music Ministry.



Kahit nasa langit si Hesus, patuloy Niyang pinapalakas ang mga sumasaksi sa Kanya dito sa lupa. Tayong lahat, mga mananamapalatayang Katoliko, ay mga misyonero. Binibigyan tayong mga misyonero ng lakas. At ang lakas na iyon ay nanggagaling kay Kristong nakaluklok sa kanan ng Diyos Amang nasa langit. Tinutulungan at pinapatnubayan ng Espiritu Santo na maging mga mananampalatayang Katolikong sumasaksi kay Kristo. 

Papalakasin ng Espiritu Santo ang mga alagad ni Kristo at ipapaalala Niya sa kanila ang mga sinabi sa kanila ni Kristo. Hindi lamang ginagawa ito ng Espiritu Santo sa mga alagad. Ginagawa rin Niya ito sa atin. Binibigyan tayo ng lakas ng Espiritu Santo at sa tulong ng Espiritu Santo, maalala natin ang mga sinasabi ni Kristo sa Banal na Bibliya. Ang Espiritu Santo ang magiging Patnubay at Gabay natin sa ating misyon sa pagsaksi kay Hesus sa bawat sulok ng daigdig. Tandaan, isa sa mga dahilan kung bakit umakyat muli si Hesus sa langit ay upang maipalakas tayong mga Katolikong sumasaksi sa Kanya. Hinding-hindi Niya tayo papabayaan. 

Nawa, tayong lahat ay maging mga Katolikong sumasaksi kay Hesukristo, sa makabagong panahon. Gamitin nawa natin ang makabagong teknolohiya at mga social networking sites katulad ng Facebook, Twitter, Youtube, etc. upang sumaksi sa Panginoong Hesukristo at ipahayag ang kadakilaan ng Diyos sa bawat sulok ng daigdig. Maipahayag nawa natin at huwag ikahiya ang ating pananampalatayang Katoliko. Tapos na ang misyon ni Hesus dito sa lupa, ngayon, simulan natin ang ating misyon - sumaksi tayo kay Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento