Linggo, Mayo 5, 2013

"KAPAYAPAAN ANG INIIWAN KO SA INYO"

Mayo 5, 2013 - Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay - (K) - Puti
(Gawa 15:1-2, 22-29/Salmo 67/Pahayag 21:10-14, 22-23/Juan 14:23-29)

Nakakalungkot po ang ating Ebanghelyo ngayon. Mapapakinggan natin na namamaalam na ang Panginoong Hesus sa Kanyang mga alagad. Iiwanan na Niya ang mga alagad. Kung atin pong mapapansin, ang pamamaalam na ito'y naganap sa gabi bago Siya pumanaw sa Krus doon sa Kalbaryo. Kung meron po kayong mga Bibliya, basahin ninyo ang buong Mabuting Balita ayon kay San Juan. Sa gayon, malalaman natin na naganap ang pamamaalam na iyon bago namatay sa Krus si Hesus.

Halimbawa lamang po. Ayaw nating mawalan ng mga mahal sa buhay. Darating ang araw kung saan tayo o isa sa mga mahal natin sa buhay ay papanaw. Ayaw nating dumating ang araw na iyon. Nakakalungkot po kapag nakikita natin ang mga mahal natin sa buhay na naghihingalo sa ospital. Gusto natin mamuhay pa sila hanggang sa magtapos ang mundo. Isang malungkot na pangyayari ang makita natin mamatay ang mga mahal natin sa buhay.

Ganyan rin ang dinaranas ng mga alagad. Ayaw nilang iwanan sila ni Kristo. Gusto nilang palagi nilang kasama ang Panginoon. Kaya, ang mga alagad, handang ipagtanggol ang Panginoon kung sakaling may gustong umaresto sa Kanya. Ngunit, kinailangang dakipin si Kristo upang maganap ang kaligtasang naiplano ng Diyos para sa sangkatauhan. Nakakalungkot po. Pagkatapos noon, hindi na makakasama ng mga alagad si Hesus ng pisikal. Ang maiiwan na lamang ay mga alaala ng kahapon. Mga alaala ng mga araw lumipas.

Ngunit, pinapalakas ni Hesukristo ang loob ng Kanyang mga alagad. Tutal, merong ibinigay Siya sa Kanyang mga alagad. Kapayapaan. Shalom. Ito'y para hindi magkawatak-watak ang mga alagad. Hindi magkakagulo ang mga alagad sa kapayapaan ng Diyos. Ngunit, ang kapayapaang ipinagkaloob ni Kristo ba'y katulad ng kapayapaan sa mundo? Hindi. Ang kapayapaang ibinigay ni Hesus sa Kanyang mga alagad ay ibang-iba sa kapayapaan ng sanlibutan. Hindi magkakaroon ng tunay na kapayapaan dito sa mundo kung walang lugar ang Diyos sa puso ng tao.

Kung ganun, paano nating makakamit ang tunay na kapayapaan? Sa pamamagitan ng ating pakikipag-ugnay o relasyon sa Diyos. Nagmumula ang kapayapaan sa mahiwatig na relasyon sa Diyos. Ang relasyon ay tungkol sa pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig kay Hesus ay hindi lamang sa pagbikas lamang. Hindi salita lamang naipaparamdam ang pag-ibig natin kay Hesus. Dapat maging totoo tayo sa Salita ni Hesus. At kung tutuparin natin ang Salita ni Hesus, hindi lamang si Hesus ang mananahan sa ating lahat, kundi pati ang Diyos Ama ang mananahan.

Isang regalo lang ang kapayapaan na ipinagkaloob ni Hesus. Meron pang isa. Ano pa yung isa pang regalo? Isang Patnubay. Magpapadala ang Diyos Ama sa ngalan ng Panginoong Hesus ang Espiritu Santo na magsisilbing Patnubay natin lahat. Hindi lamang Patnubay para sa atin ang Banal na Espiritu. Siya ang magpapaalala sa atin kung ano ang sinabi ng Panginoon. Ang Espiritu Santo rin ang Panginoon at ang Nagbibigay-buhay (Sa Ingles, the Lord and Giver of Life). Ang Espiritu Santo rin ay magbibigay lakas, gabay, at inspirasyon para sa ating lahat.

Kaya, alam po ba ninyo kung paano ako nakukuha ng inspirasyon? Alam po ba ninyo kung paano kong ginagawa ito kahit bata pa ako at hindi pa ako pari? Humihingi ako ng tulong sa Espiritu Santo. Siya ang nagbibigay inspirasyon, gabay, lakas, at buhay. Ipinapaalala rin Niya, hindi lamang sa akin, hindi lamang para sa mga Pari, Madre, Obispo, Kardinal, Santo Papa, o mga relihoyoso't relihiyosa, kundi sa ating lahat, mga sumasampalataya sa Diyos, ang mga sinabi ni Kristo.

Alam po ninyo, tayong mga Pilipino, ayaw makalimutan. Kadalasan, kapag merong aalis, may parting gift tayo para sa kanila. Ang parting gift na ito ay para hindi tayo makalimutan. Maalala pa rin natin ang mga araw na lumipas. Maalala natin ang mga nangyari kahapon. Alam natin na magugustuhan ng mga taong iyon ang regalo natin para sa kanya. Isang halimbawa lamang po.

Ganyan rin si Hesus, Kahit hindi Siya kasama natin dito sa mundo, huwag nating kalimutan, hinding-hindi tayo papabayaan ng Diyos. Ang Diyos ay Emanuel. Nasa atin o sumasaatin ang Diyos. Sabi nga ni Hesus sa wakas ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo: "Tandaan ninyo: Ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng mundo." (Mateo 28:20) Ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa Kanyang mga alagad ang regalo ng kapayapaan. Ibinabahagi Niya sa atin ang Kanyang kapayapaan na hindi katulad ng kapayapaan sa mundo. Sa pamamagitan ng kapayapaan na nagmula sa Kanya, palagi natin Siyang kasama. Hinding-hindi Niya tayo pinapabayaan. Ang Diyos Ama at Diyos Anak ay mananahan sa ating lahat. Iyan ay dahil sa pag-ibig at pagsunod natin sa Salita ni Hesukristo. Amen.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento