Linggo, Abril 28, 2013

HABILIN NI HESUKRISTO: MAGMAHALAN

Abril 28, 2013 - Ika-5 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay - (K) - Puti
(Gawa 14, 21b-27/Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab/Pahayag 21, 1-5a/Juan 13, 31-33a. 34-35)

Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa habilin at utos ni Kristo sa Kanyang mga alagad pagkaalis ni Hudas Iskariote. Hindi naabutan ni Hudas ang utos at habilin ni Kristo. Ang dahilan ay umalis siya upang ipagkanulo si Kristo para maidakip ng mga Hudyong nagagalit sa kanya. Ano ang habilin at utos ni Hesus sa Huling Hapunan? Magmahalan katulad ng pagmamahal Niya sa atin.

Noong pinalaya ng Diyos ang mga Israelita mula sa kaalipinan sa Ehipto, binigay niya ang Sampung Utos kay Moises para sa mga tao. Ang mga Israelita, dapat susunod sila sa Sampung Utos ng Diyos. Pero napakahirap sumunod sa Sampung Utos. Bakit? Masyadong marami at baka may mga pumalpak pa sa pagsunod sa Sampung Utos.

Naalala ko po na sinabi ng isang bata sa kanyang nanay, "Inay, daig niyo pa ang Diyos. Kung ang Diyos, sampung utos lamang, kayo, sandamakmak ang utos niyo." Well, kasama sa Sampung Utos ang igalang ang inyong mga magulang, pero hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng bata dito. Pero, paminsan-minsan ganyan rin po tayo. Nagrereklamo tayo dahil maraming mga utos ang dapat sundan natin.

Kaya nga, paglipas ng panahon, ginawang dalawa na lang ang Sampung Utos. Pinaghalo ang Sampung Utos sa dalawang utos. Ang dalawang utos na iyon ay (1) Ibigin ninyo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip at nang buong lakas. (2) Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Walang nagbago, ngunit pinaghalo lamang ang Sampung Utos ng Diyos.

Noong dumating si Hesukristo sa lupa, pinaghalo na naman uli ang Sampung Utos ng Diyos. Ngunit, ginawang isa na lang. At ano iyon? Ang bagong utos ni Hesukristo - magmahal. Ang ika-13 kabanata ng unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Korinto ay tungkol sa pag-ibig. Basahin po ninyo ang ika-13 kabanata ng unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Korinto. Malalaman po ninyo kung ano ang sabi ni San Pablo Apostol tungkol sa pag-ibig.

Ang pag-ibig ay mapagpasensya. Hindi na kailangang daanan pa sa mga tula ang pag-ibig. Hindi na kailangang romantiko ang pag-ibig, katulad ng kadalasang pinapalabas sa telebisyon o sa mga sinehan. Mabusilak, mabuti, ang pag-ibig. Ang pag-ibig ay hindi dapat inaabuso. Hindi dapat inaabuso ang kagandahan ng pag-ibig. Dapat, ang  ipinaparamdam ay ang tunay at ang tamang pag-ibig. Ang pag-ibig ay nagagalak sa kabutihan.

Iyan ang pag-ibig na tinutukoy ni Hesus. Ang pag-ibig na nais ni Hesus ay ang pag-ibig na walang kundisyon, walang pasubali, ganap. Sabi ni Fr. Enrico Gonzales, OP, sa panahon ngayon, ang madalas na ipinaparamdam ay ang maling pag-ibig. Walang sobra-sobra o kulang sa pag-ibig. Hindi rin sinusukat ang pag-ibig. Kasi, kung ganun, nawawasak ang pag-ibig. Ang pag-ibig ay tama o mali lamang.

Ilan sa mga maling paraan ng pag-ibig ay ang pakikiapid at ang pangangalunya. Wasak na wasak ang pag-ibig dahil diyan. Hindi pwedeng magmahal and at the same time mangangalunya at makikiapid rin. Ano ba ang tawag doon? Ewan ko na po. Ginagawang gimik, kaekekan (in the words of Cardinal Chito Tagle) ang pag-ibig. Dinadaya, niloloko ang asawa o ang sinumang minamahal, tama ba na gawing kalokohan o biro lamang ang pag-ibig? Hindi! Dahil kung biro o kalokohan lang, ang pag-ibig, inaabuso at winawasak.

Pornograpiya. Mahirap iwasan iyan. Dahil, ang pornograpiya, ginagamit ang hubad na katawan ng tao upang makipagtalik lamang. Ang buhay ng pag-ibig, puro pakikipagtalik lamang? Kinakailangan pa ba iyon sa pag-ibig? Dapat magtalik ba upang patunayan mo sa isang tao na mahal mo siya? Hindi. Anong klaseng pag-ibig iyan? Sa pamamagitan nito, inaabuso at nawawasak ang pag-ibig. Nawawala ang tunay na kahulugan ng pag-ibig. Hindi iyan ang halimbawa ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Kaya nga sabi sa Sampung Utos ng Diyos, "Bawal makiapid." Bakit bawal ang pakikiapid o pangangalunya? Dahil inaabuso nito ang pag-ibig.

Maganda ang sinabi ni Ms. Cherry Pie Picache sa pelikulang Tanging Yaman. Ang sabi niya, ang pag-ibig ay hindi damdamin lamang. Dahil, kung damdamin lamang ang pag-ibig, siguro marami na ang nag-aaway. Ang pag-ibig ay ang paggawa ng mabuti kahit wala namang kabutihang ginagawa sa iyo. Kahit abusado, hambog, loko-loko ang minamahal mo, dapat mahalin mo pa rin nang walang kundisyon. Iyan ang pag-ibig ni Hesus.

Ang pag-ibig, mapagpasensya. Inuulit ko po. Mapagpasensya ang pag-ibig. Pagdating sa pag-ibig, walang kundisyon o namimili ang Diyos. Mahal na mahal tayo ng Diyos sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan. Ang mga utos na ibinigay ng Diyos sa atin ay para sa ating kabutihan. Magmahalan tayo katulad ng pagmamahal sa atin ni Hesukristo. Dahil sa tunay at dakilang pagmamahal Niya sa atin, inialay Niya ang Kanyang Sarili sa Krus upang iligtas at palayain mula sa kadiliman at kaalipinan ng kasalanan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento