Abril 21, 2013 - Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay - (K) - Puti
(Gawa 13, 14. 43-52/Salmo 99, 2. 3. 5/Pahayag 7, 9. 14b-17/Juan 10, 27-30)
Ngayong Linggong ito ay ang Linggo ng Mabuting Pastol at ang Ika-50 Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon. Sa Linggong ito, ipanalangin natin sa Panginoong Diyos na patuloy Siyang magpadala ng mga paring maglilingkod sa Kanya at sa kapwa-tao.
Ang mga pari ay mga tagapangasiwa lamang. Ang Diyos ay ang tunay na pastol. Ang gawain lamang ng mga pari ay akayin ang mga tao dito sa mundo patungo sa Panginoon. Tayo, mga tao, ay ang mga tupa na inaalagaan ni Kristo. Paminsan-minsan, ilan nga sa atin, lalung-lalo na ang mga pari, ay naliligaw ng landas. Ang mga pari, tao rin sila. Huwag po ninyong aakalaing perpekto o walang kasalanan ang mga pari.
May ilang dahilan ang pagdapa ng mga pari sa kanilang misyon na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Una, hindi na siya nagdarasal. Pangalawa, wala nang nagdarasal para sa kanila, at pangatlo, walang oras para magdasal. Kaya, ang pagdarasal o pananalangin ang kailangan para sa mga pari. Kinakailangan ng mga pari ang mga dasal ng mga tao upang bumangon siya mula sa kanyang pagkadapa.
Sa ordinasyon sa pagkadiyakono, ipinapangako ng seminarista na magiging diyakono na hindi na siya kailanman magiging asawa. Ipinapangako ng mga seminarista ito sa harapan ng (Ars)Obispo o Kardinal na nag-oorden sa kanila. Kaya, pagdating sa pagka-orden sa mga pari, mapapansin natin na ang mga kandidato sa pagkapari ay nakahanda nang maglingkod sa Diyos at sa kapwa-tao. Handa na ang mga kandidatong ito na hanapin ang mga tupang naliligaw ng landas at ibalik sila sa kandungan ng Panginoon. Iiwanan nila ang lahat at susunod kay Hesus.
Ngunit, may ilan sa mga pari na nagkakadapa. Marami ngang mga iskandalo dito sa simbahan. Halimbawa, ang pari ay nagkakaroon ng syota, o kaya nang-aabuso ng bata, etc. Ang simbahan, sa halip na parusahan, ipinagdarasal ang mga paring iyon na makabangon mula sa kasalanan. Humihingi sila ng kapatawaran mula sa Diyos para sa kasalanan ng mga paring iyon. Ang mga paring iyon rin mismo ay humihingi ng kapatawaran mula sa Diyos dahil sa bigat ng kasalanang ginawa niya. Kasama rin sa pananalangin ang mga tao sa simbahan.
Ako po, hindi po ako pari. Isa pa po akong teenager. Marami pa po akong daraanan dito sa buhay ko bago ako pumasok sa adult life. Marami akong daraanan at matutunahan sa bahaging ito ng aking buhay. Ako, gusto ko pong maging pari. Simula sa aking pagkabata, iniisip ko nang maging pari kapag lumaki na ako. Nagbabasa na ako ng Bibliya. Tumutulong ako sa simbahan. Marami rin akong kilalang mga santo at mga pari. Iniisip ko pong pumasok sa San Carlos Seminary doon sa Makati o kaya sa San Jose Seminary doon sa Ateneo de Manila University sa Quezon City. Bata pa lamang ako, ngunit, may plano nang magpari. Kaya, ipagdasal po ninyo ako na sana mangyari nawa ang kalooban ng Diyos para sa akin.
Isa pa, ang Mahal na Kardinal ng Arkidiyosesis ng Maynila, Luis Antonio "Chito" Tagle. Napanood ko isang araw yung programang Ang Makabagong Disipulo. Isa po itong dokumentaryo na ipinalabas noong 2012 sa ABS-CBN (Ipinalabas muli ito sa TV Maria noong Mahal na Araw). Dito, ikinuwento ni Kardinal Chito kay Ms. Bernadette Sembrano ang kanyang pagkabata hanggang sa pagkapari niya ngayon. Sabi niya na ang unang balak ay maging doktor. Inanyayahan siya ng isang pari (yata) na mag-entrance test doon sa Ateneo. Ngunit, entrance exam iyon para sa seminaryo. Nagreklamo siya sa naganyaya sa kanya kung bakit hindi niya sinabing exam iyon para sa seminaryo. Ang sagot niya ay ang dahilan kung bakit hindi niya sinabing entrance test iyon para sa seminaryo ay dahil hindi siya papayag. Pagkatapos noon, nagkaroon siya ng pagnanais na magpari. Pumasok siya sa seminaryo kahit hindi siya pumasa dahil pinayagan na ng rektor ng seminaryo (yata) na pumasok siya.
Ngayon, dapat makinig tayo sa ating Panginoong Hesukristo, ang Mabuting Pastol. Ang pakikinig kay Hesukristo ay iba sa pakikinig ng musika sa radyo na kinakailangang malakas upang mapakinggan natin ang kanta at paminsan-minsan sinasabayan natin ang kanta. Aminin na po ninyo, ginagawa ninyo iyon. Inaamin ko rin po, ginagawa ko po iyon kapag maganda ang kanta. Kahit malakas o mahina ang boses ng Panginoon, makinig pa rin tayo sa Kanya. Hindi radyo si Hesus na kailangan natin itaas ang tono ng boses Niya. Dapat maigi ang pakikinig natin sa Panginoon.
Tayong lahat ay pananagutan ng mga pari. Kapag naligaw ng landas ang mga tupa (tayo), pananagutan iyon ng pari. Tandaan, ang mga tupa ay ipinagkatiwala lamang ng Diyos sa mga pari. Kaya, kung may masamang nangyari sa atin, ang pari ang mananagot doon. Ang mahirap sa atin, matigas ang ating mga ulo. Ayaw natin makinig kay Father. Kaya, paminsan-minsan, hindi tayo nagkakaintindihan ni Father. Kung naiintindihan tayo ng pari, dapat rin, intindihin natin ang sinasabi ng pari. Dapat, ang tupa at ang pastol ay nagkakaintindihan at magkakasundo.
Mahirap na ilan sa atin ay nagbibingi-bingihan kapag nagsasalita ang Panginoong Hesus. Kumbaga, may iba tayong pinapakinggan. Naka-headphones tayo na hindi na mapakinggan natin ang boses ni Hesus. Kaya nga, paminsan-minsan, nagtataka tayo kung bakit hindi natin madinig ang boses ni Hesus kapag tinatawagan Niya tayo. Huwag matigas ang ulo, huwag magbingi-binighan, makinig tayo kay Hesus.
Panahon na naman po ng eleksyon o halalan. Darating na ang ika-13 ng Mayo ng taong ito. Sa araw na ito, iboboto ng sambayanang Pilipino ng mga pinuno ng bayan. May mga alkalde ay naghahanap ng pangalawang termino. Ang dapat natin iboto ay ang mga mabubuting pinuno. Hindi po kumakampi ang Simbahang Katoliko sa mga kandidato. Ngunit, ang payo ng ating Inang Simbahan ay piliin ang mga kandidato na mula sa ating konsensiya. Ipinagbabawal ng Simbahan na sabihin ng mga pari ang dapat iboto sapagkat kung may kinakampihan, talo sa huli. Pag-isipan nating mabuti kung sinu-sino ang karapat-dapat maging mga pinuno ng ating bayan.
Sa Ebanghelyo sa Taon B, sinasabi ni Hesus na tumatakas ang upahan. Isang duwag ang upahan. Takot na takot ang upahan sa mga asong-gubat. Ayaw niyang mamatay. Mas mahalaga para sa kanya ang kanyang buhay kaysa sa buhay ng mga tupa. Ang upahan na ito'y makasarili, hindi tunay na pinuno. Hindi iyan ang pinuno ang hinahanap ng bayan. Ang pinunong na hinahanap ng bayan ay ang pinunong mapagpakumbaba, binibigyan ng halaga ang kanyang bayan, lalung-lalo na ang kanyang kapwa-tao.
Ganyan si Hesus. Hindi Siya takot, kahit sa asong-gubat. Hindi Siya matatakot mamatay alang-alang sa ating kaligtasan. Babantayan Niya ang Kanyang mga tupa mula sa panganib. Dahil mahal na mahal Niya ang Kanyang mga tupa, ibibgay Niyang buong-buo ang Kanyang buhay para sa kaligtasan ng mga tupa. Sabi nga ni Hesus, "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan." (Juan 15:13)
Dapat ganyan rin tayo sa ating kapwa. Tayo ay dapat maging mapagmahal, tulungan at paglinkuran ang ating kapwa-tao. Ang tunay na pagmamahal ay ang pagbibigay o pag-aalay ng buhay para sa kanyang kapwa. Dapat ganyan tayo. Sa pamamagitan nito, tayo ay tumutulad at nakikinig sa tinig ni Hesus, ang Mabuting Pastol.
Bilang pagtapos, mga kapanalig, narito po ang mga awitin na ihahandog ko sa inyo ngayong Linggong ito:
Ang Panginoon Ang Aking Pastol (Sr. Bubble Bandojo, rc)
Ang Panginoon Ang Aking Pastol
Salmo 23 (Ang Panginoon Ang Aking Pastol) - Magnaye
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento