Abril 7, 2013
Ika-2 Linggo ng Muling Pagkabuhay
(Dakilang Kapistahan ng Dakilang Awa ng Diyos) - (K) - Puti
(Gw 5:12-16/Slm 118/Pah 1:9-11a, 12-13, 17-19/Jn 20:19-31)
Ang Diyos ay isang diyos na nagpapatawad. Mahal na mahal ng Diyos ang Kanyang mga nilalang kaya pinapatawad Niya ang mga kasalanan ng sangkatauhan. Uulitin ko po ang sinabi ng bagong Santo Papa Francisco. Hindi sumasawa ang Diyos sa pagpapatawad. Tayo ang sumasawa sa paghingi ng kapatawaran mula sa Diyos.
Kahit ang Panginoon ay ipinagkanulo, ipinagtatuwa, at pinabayaan ng Kanyang mga alagad noong Siya'y mamamatay, pinatawad pa rin Niya ang Kanyang mga alagad, lalung-lalo na si Simon Pedro. Walang sawa ang Panginoon sa pagpapatawad. Walang hanggan ang pagiging mapagpatawad at mapagmahal sa atin ng Diyos.
Ang tingin natin sa Diyos kadalasan ay isang Diyos na napakahigpit. Ginagawa natin ang lahat upang itago mula sa Diyos ang ating mga kasalanan upang magmukhang malinis. Ginagawa nating tanga ang Diyos. Ngunit, mas matalino pa ang Diyos kaysa sa atin. Alam Niya na tayong lahat, lalung-lalo na ang kaparian, ay nagkakasala at higit pa ito ng pitong beses sa isang araw. Araw-araw tayong nagkakasala.
Ngunit, hindi ito ginagamit ng Diyos upang maliitin tayo. Hindi Niya huhusgahan agad ang ating mga kasalanan. Sabi nga sa Salmo 103, "Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos, kung magalit ay banayad, kung umibig nama'y lubos." (Salmo 103:8) Kahit gaanong kabigat ng ating mga kasalanan, papatawarin pa rin ito ng Diyos at itutuloy pa rin Niya ang pagmamahal Niya sa atin. Walang makakapigil sa Diyos sa pagmamahal Niya sa atin.
God only wants the very best for us. Ang natatanging nais ng Diyos ay ang nakabubuti para sa atin. Paminsan-minsan nga nagagalit tayo sa Diyos dahil hindi nakamit ang ating matagal na hinihiling. Ngunit, ang gusto ng Diyos ay ang mabuti para sa atin. Gusto ng Diyos ang pinakamabuti para sa ating kapakanan. Kaya, sa halip na magalit, magpasalamat tayo sa Diyos.
Ngayon, sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin na ipinapakita ni Hesus sa Kanyang mga alagad ang Kanyang mga sugat. Ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa. Para bang ito'y isang paanyaya mula kay Kristo na ipakita natin ang ating mga sugat. Huwag na nating ikahiya ang ating mga sugat. Sa halip, mahihilom ng Panginoong Diyos ang ating mga sugat.
Alam po ninyo, napakasensitibo tayo sa ating mga katawan. Ayaw natin magkaroon ng dungis ang bawat bahagi ng ating katawan. Maging mga kamay, paa, lalung-lalo na ang mukha. Gusto natin walang dungis ang ating mga katawan, lalung-lalo na ang mukha. Kasi, ang pangit raw tingnan ang mga bahagi ng katawan na may sugat. Kaya, kung anu-ano na lamang ang ginagawa natin upang tanggalin ang dungis na iyon. Ito ay upang ipakita na walang nangyari sa atin.
Ngunit, bakit pinanatili ni Hesukristo ang Kanyang mga sugat? Hindi ba maaaring magpa-cosmetic surgery upang tanggalin ang Kanyang mga sugat? Kung maari, iyan na lamang ang ginawa ni Hesus sa mga sugat Niya. Ngunit, pinanatili Niya ang Kanyang mga sugat upang ipakita sa atin na Siya ang Diyos na nagmamahal. Siya ang Panginoong nagmamahal sa atin at hinding hindi Niya tayo kakalimutan.
Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesukristo, ang Hari ng Banal na Awa, na ipakita sa Kanya ang ating mga sugat. Kung ipinakita ni Hesus ang Kanyang mga sugat, tayo rin, dapat ipakita rin natin ang ating mga sugat sa Diyos. Ang Diyos ang Siyang bahala at hihilumin Niya ang sugat ng ating mga kasalanan. Huwag tayong matakot lumapit sa Diyos. May awa ang Diyos!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento