(Is 43:16-21/Aw 126/Fil 3:8-14/Jn 8:1-11)
Sa susunod na Linggo ay gugunitain ng Inang Simbahan ang mga Mahal na Araw. Sa mga Mahal na Araw na ito, atin pong gugunitain ang Misteryo Paskwal o ang pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Ngayong Linggong ito ay ang Linggo bago ang mga Mahal na Araw.
Noong nakaraang Linggo ay ang Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma o mas kilala bilang Laetare Sunday. Sa Linggong iyon, ang pari ay nakasuot ng rosas. Ang rosas ay simbolo
ng galak (Pasensya na po sapagkat hindi ko po ito binanggit noong nakaraang Linggo). Parang Gaudete Sunday na rin po ang Laetare Sunday. Ang dahilan ay dahil ang kulay rosas ay maaring isuot ng pari. *Ayon sa isang website, ang rosas ay sumisimbolo sa biyoleta na papapalapit nang maging puti. Sa pamamagitan ng Gaudete at Laetare Sunday, pinananabikan natin ang Kapanganakan at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus.*
Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan po natin ang pagpatawad ni Hesus sa babaeng nakiapid. Ayon kay San Juan, ang babaeng ito ay nahuli ng mga eskriba at mga Pariseo. Ang dahilan kung bakit nila nahuli ang babaeng iyon ay upang maisumbong nila ang Panginoon. Ang katanungan nila kay Kristo ay napakahirap sagutin. Dapat bang ipatawad ang babaeng ito o ipatay sa pamamagitan ng pagbato?
Ito ay isang mahirap na tanong para kay Kristo. Kung ang sagot ni Kristo ay batuhin ang babaeng ito, sasabihin nila na isang kalokohan ang mga tinuturo Niya. Ang lahat ng itinuturo ng Panginoon ay tungkol ay sa pagmamahal at pagpapatawad. Kung sasabihin ng Panginoon na batuhin ang babaeng nakiapid, Siya ay nagsisinungaling sa Kanyang buong ministeryo.
Kung ang sagot ng Panginoon ay patawarin ang babaeng nakiapid, nilalabag Niya ang Katutusan ni Moises. Ayon sa Kautusan ni Moises, kinakailangang batuhin hanggang sa mamatay ang taong nakikiapid. Kahit na isinasabuhay ni Hesus ang mga itinuturo Niya sa pamamagitan ng pagpatawad sa babaeng ito, nilalabag pa rin Niya ang Kautusan ni Moises. Nasa isang dead end ika nga ang Panginoon. Hindi makakatakas na ganun na lamang si Kristo Hesus.
Hindi madaling sagutin ang katanungang ito. Para sa akin, mahihirapan na ako kung ano ba talaga ang dapat gawin. Ano nga ba ang tama? Ano ba ang nararapat gawin sa kapwa taong makasalanan? Hatulan, o patawarin?
Ngayon, ano na ang naging sagot ni Kristo Hesus? Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang magpukol ng unang bato. Napakahirap intindihin ang mga sinabi ni Hesus. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ni Hesus. Anong nangyari sa mga taong handang batuhin ang babaeng ito? Naalala nila ang kanilang mga pagkakasala. Inaamin nila na nagkasala rin sila, hindi lamang ang babaeng ito. Kaya, umalis silang lahat. Nabatid ni Kristo Hesus ang mga iniisip at binabalak nilang gawin sa Kanya.
Bakit silang umalis? Sapagkat naalala nila ang kanilang mga kasalanan. Walang perpektong tao sa mundo. Walang taong nabubuhay na walang kasalanan. Tayong lahat ay mga makasalanan, pati na rin ang mga pari at mga relihiyoso't relihiyosa. Pero, dahil nagkasala tayo, huwag nating isipin na wala nang pag-asa. May pag-asa pa tayo. Tandaan, ang Diyos ay mahabagin, mapagmahal, at mapagpatawad.
Pagkatapos umalis ang mga tao, sino na lamang ang natira? Si Hesus at ang babaeng nahuling nakiapid. Walang humusga o pumarusa sa kanya. Ang akala ng babaeng ito ay parurusahan na siya ng Panginoon. Ngunit, hindi Niya pinarusahan. Pinatawad ni Hesus ang babaeng ito at iniutos sa kanya na huwag nang magkasala at magbagong-buhay.
Mga kaibigan, kapatid at kapanalig kay Kristo, huwag tayong humusga o humatol ng kapwa-tao. Tandaan, tayo pong lahat ay mga makasalanan. Pero, dahil pinatawad tayo ng Diyos, dapat magpatawad rin tayo. Magpatawaran tayo upang at katulad tayo'y pinatawad ng Diyos. Sabi nga ni Hesus: "Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan." (Mateo 7:1) Ang panawagan ni Hesus sa Linggong ito ay magpatawad. Magpatawad rin tayo ng kapwa tao. Huwag nating maliitin ang ating kapwa-tao. Ang lahat ng tao ay may dangal, kaya dapat, igalang natin ang kanilang pagkatao. Ang Diyos lamang ang Siya lamang makapagbibigay ng hatol sa atin. Magpatawad tayo upang tayo'y patawarin rin ng Diyos.
* source: (http://www.freerepublic.com/focus/f-religion/1939268/posts)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento