Linggo, Marso 17, 2013

MAGPAKABABA KATULAD NI KRISTO

Marso 28, 2013 - Huwebes Santo
Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon - (K) - Puti
(Ex 12:1-8, 11-14/Slm 116/1 Kor 11:23-26/Jn 13:1-15)

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan po natin ang kuwento ng Hapunang Pampaskuwa. Iniutos ng Panginoong Diyos kina Moises at Aaron na sila'y pumili ng tupa o kambing. Ang tupa o kambing ay aalagaan ng isa o dalawang pamilya. Pagsapit ng gabi sa ikalabing apat ng buwan, ang tupa o kambing ay papatayin nang sabay sabay. Ipapahid ang dugo nito sa pintuan ng bahay na kanilang titirhan kung saan kakainin nila ang tupa.

Iyon ay ang Hapunang Pampaskuwa. Ang Paskuwa ay isang tradisyon ng mga Hudyo. Ginugunita ng mga Hudyo sa Araw ng Paskuwa ang paglaya ng mga Israelita mula sa Ehipto. Ang Diyos ang nagpalaya sa mga Israelita mula sa kaalipinan sa Ehipto. Sa pamamagitan ni Moises na Kanyang Propeta, pinalaya ng Diyos ang bayang Israel. Sa gabi bago umalis ang mga Israelita, pinatay ng Diyos ang bawat panganay na anak ng mga Ehipsiyo, kasama na doon ang nag-iisang anak ni Faraon. Pinatunayan ng Diyos na Siya'y makapangyarihan at nakamamangha ang mga gawa Niya.

Ang ating Ebanghelyo ay hindi tungkol sa Huling Hapunan. Ang Mabuting Balita ay tungkol sa Paghuhugas ng mga Paa ng mga Apostoles. Nagtataka siguro ang mga alagad sa nakikita nila. Hinuhugasan ng Panginoon ang mga paa nila. Maitatanong rin natin ang katanungan ni San Pedro Apostol kay Kristo. Bakit hinuhugasan ni Kristo ang mga paa ng mga alagad Niya? Hindi ba mas mataas ang ranko Niya sa kanila? Bakit si Kristo ang naghuhugas ng paa ng mga alagad sa halip na ang mga alagad ay maghugas ng paa ni Kristo?

Si Hesus ay nagbibigay ng halimbawa ng pagpapakumbaba. Tandaan po natin ang Ikalawang Pagbasa noong Linggo ng Palaspas. Inilarawan ni San Pablo Apostol ang Panginoon bilang isang taong nagpapakumbaba. Nagpakababa si Hesus noong pumasok Siya sa mundong ito. Siya'y namuhay nang mahirap. Hindi Siya namuhay katulad ng isang mayaman. Sabi ni Apostol San Pablo, si Kristo Hesus ay namuhay bilang isang alipin.

Puwede namang mamuhay ng mayaman at masikat si Hesus. Puwede Niyang isipin ang Kanyang sarili lamang. Pero, nakikiisa Siya sa paghihirap ng mga tao. Mas pipiliin Niya na mamuhay ng simple, karaniwan lamang. Mas pipiliin Niyang mamuhay at makiisa sa paghihirap ng mga tao. Gusto Niyang paglingkuran ang kapwa-tao sa halip na Siya ang paglingkuran. Sabi nga ng Panginoon, "Ang Anak ng Tao'y hindi naparito upang paglingkuran kundi upang maglingkod."

Hindi ba ang sabi ni Kristo, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa; at ang nagpapakababa ay itataas." Pinagsasanay ni Kristo Hesus ang mga itinuturo Niya. Pinagsasanay ni Hesus ang pagpapakumbaba upang matutong magpakababa ang mga alagad Niya. Hindi ba nagkaroon ng debate kung sino sa mga alagad ang pinakadakila (Mateo 18; Lukas 22:24-27). Ang sabi ni Kristo, "Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat." (Markos 9:35)

Tularan nawa natin si Hesus sa pagpapakumbaba. Siya'y nagpakababa, at dinakila Siya ng Ama. Dapat tayong magpakababa at maglingkod sa kapwa. Ito ang ibig sabihin ng Panginoong Hesukristo noong sinabi Niyang, "Binigyan Ko kayo ng halimbawa at ito'y dapat ninyong tularan." Ang halimbawang ipinakita ni Hesukristo sa atin ay ang pagpapakumbaba. Harinawa, pagdating ng araw ng pagpanaw natin, itaas nawa tayo ng Diyos dahil sa pagpakababa natin, katulad ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento