Marso 29, 2013
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon - (K) - Pula
(Is 52:13-53:12/Aw 31/Heb 4:14-16; 5:7-9/Jn 18:1-19:42)
Sa araw na ito, ginugunita natin ang pagkamatay ng ating Panginoong Hesukristo. Ang larawan ng Biyernes Santo ay si Hesukristong nakapako at nakabayubay sa krus. Ang krus na dating sumisimbolo sa kasalanan at kamatayan, ngayon ang kahulugan ng krus ay ang kaligtasan ng tao.
Ang Krus ni Hesus ang naging tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Mahal na mahal tayo ng Diyos. Alam Niyang noong nagkasala sina Eba't Adan, tayong lahat ay nalugmok sa kasalanan. Kahit patuloy sa pagiging makasalanan ang sangkatauhan, patuloy pa rin ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Walang makakapigil sa dakilang pagmamahal ng Diyos.
Dahil mahal na mahal tayo ng Diyos, patuloy na gumagawa Siya ng mga tipan para sa atin. Gumawa Siya ng tipan para sa mga tao sa Matandang Tipan. Ngunit, napakaraming sumusuway sa tipan ng Diyos sa tao. Pagkatapos noon, dahil wala ng pag-asa ang tao, nagpangako Siya na magsusugo Siya ng isang tagapagligtas. Ang tagapagligtas ay ang ipinangakong Mesiyas.
Alam naman nating lahat na ang Panginoong Hesukristo ay ang ipinangakong Mesiyas. Sabi sa awit pambungad sa Mabuting Balita para sa hapon na ito (katulad ito ng awit pambungad sa Linggo ng Palaspas): Masunuring Kristo Hesus, naghain ng buhay sa krus, kaya siya'y idinakila ng Diyos at binigyan ng ngalang tampok sa langit at sansinukob. (Filipos 2:8-10)
Noong pumasok si Hesus sa sanlibutan, ipinanganak Siyang katulad ng pangkaraniwang tao. Siya'y ipinanganak ni Santa Mariang Birhen, at hindi lamang nagpakita agad. Kinailangan Siyang ipanganak ng isang babae. At ang babaeng iyon ay ang Mahal na Birheng Maria. Kung hindi dahil sa oo ng Mahal na Ina, hindi maipanganganak si Kristo.
Hindi lamang iyan, ang Panginoon ay namuhay katulad ng pamumuhay natin, maliban na lamang sa pagkakasala. Walang katulad ang buhay ni Kristo. Hindi nagkasala, kahit kailan, ang Panginoon buong buhay Niya. Ngunit, sa kabila nito, Siya'y namuhay katulad natin.
Nang dumating ang panahon, si Hesus ay naging masunurin sa kalooban ng Diyos. Kahit wala Siyang ginawang kasalanan, Siya'y ipinako at ipinatay sa krus. Bakit hindi Siya tumakas mula sa kamatayan sa krus? Kaya sanang dumalangin si Hesus sa Diyos na huwag ipagpatuloy ang pagkamatay Niya. Wala naman Siyang kasalanan. Bakit hinayaan Niyang pataying Siya sa krus?
Hinayaan ni Hesus na Siya'y alipustahin, yurakan, bastusin, at bugbugin nang walang kalaban-laban. Bakit ganon? Mahal na mahal Niya tayo. Nais Niyang iparamdam sa atin kung gaanong kamahal tayo ng Diyos. Gusto Niyang palayain tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Dahil sa Kanyang pagkamatay sa krus, tayo ay pinalaya mula sa kapangyarihan ni satanas.
Napakasakit para sa Diyos na makita si Hesus na namamatay sa krus. Inalis ng Diyos ang Kanyang galit nang makita Niyang namamatay ang Kanyang Bugtong na Anak sa krus. Umiiyak Siya. God was crying tears of joy because of Jesus' death. God was happy to receive us back into His arms. Umiiyak dahil sa tuwa ang Diyos nang mamatay si Hesus sa krus dahil ibinalik tayo sa mga kamay ng Diyos. Tuwang-tuwa Siya dahil bumalik tayo sa Kanya sa pamamagitan ng krus ni Hesus.
Tunay ngang ang krus ay tanda ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa krus, ang kamatayan at kasalanan ay natalo sa Diyos. Nanaig ang Diyos laban sa mga kapangyarihan na ito. Binawi uli tayo ng Diyos mula kay satanas. Kahit sa isang napakamahal na halaga, ginawa ng Diyos na hayaang mamatay alang-alang sa atin. Sa pamamagitan ng krus, tayo ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng demonyo at ibinalik sa mga palad ng Diyos. Kapag nakikita natin ang krus, isipin natin ang Juan 3:16.
"Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan,
kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak,
upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak,
kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak,
hindi upang hatulan ang sanlibutan,
kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya."
- Juan 3:16-17
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento