Miyerkules, Marso 20, 2013

SIETE PALABRAS - ANG PITONG HULING WIKA NI HESUKRISTO

Marso 29, 2013 - Biyernes Santo (Unang Bahagi)

UNANG WIKA:
"AMA, PATAWARIN MO SILA, SAPAGKAT HINDI NILA ALAM ANG KANILANG GINAGAWA." (Lukas 23:34)


Si Hesukristo'y naawa sa mga taong pumapatay sa Kanya. Siya'y naawa sa mga taong sinulsulan ng mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan. Humihingi ng tawad si Hesus mula sa Kanyang Ama para sa mga taong ito. Sa pamamagitan ng paghingi ng kapatawaran mula sa Amang nasa langit, pinapatawad ni Hesus ang mga taong ito.

Kahit hindi humihingi ng kapatawaran ang mga taong ito, ang Panginoon ay patuloy pa rin sa pagbibigay ng kapatawaran. Hindi alam ng mga taong ito ang kanilang ginagawa. Ang mga taong ito'y hindi makapag panindigan para sa katotohanan. Sa halip, ang mga taong ito'y tumalikod sa Kanya at kumakampi sila sa kasinungalingan.

Sabi nga ni Papa Francisco sa kanyang unang Orasyon, "Ang Diyos ay hindi nagsasawang magpatawad. Tayo ang sumasawa sa paghingi ng kapatawaran." (God does not get tired of forgiving. We get tired of asking for forgiveness.) The only sins that God cannot forgive are the ones we do not ask for forgiveness. Hindi mapapatawad ng Diyos ang mga taong hindi humihingi ng tawad.

Kung maalala po ninyo ang ating mga Ebanghelyo para sa Ika-4 at Ika-5 Linggo ng Kuwaresma. Ang Ebanghelyo para sa Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma ay tungkol sa Talinghaga ng Alibugang Anak. Samantala naman, sa Ebanghelyo para sa Ika-5 Linggo ng Kuwaresma, mapapakinggan natin ang pagpapatawad ni Kristo sa babaeng nahuling nakiapid. Binibigyan diin ng dalawang Ebanghelyong ito ang pagpapatawad. Ang mga Ebanghelyong ito ay nagbibigay diin sa Dakilang Awa at Pagmamahal ng Diyos. Dahil mahal na mahal tayo ng Diyos, sa halip na tayo'y ipahamak, pinapatawad Niya tayo mula sa ating mga kasalanan kung humihingi tayo ng kapatawaran.

Sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpisal, nagbabalik-loob tayo sa Diyos nang buong puso at kaluluwa. Buong puso tayong pinapatawad at tinatanggap tayo ng Diyos sa Kanyang mga Kabanal-banalang Kamay. Hinihintay Niya ang mga makasalanang tumalikod mula sa kasalanan at magbagong buhay. Walang pagmamaliw at hanggan ang pag-ibig at awa ng Diyos sa atin.

Hindi po ba ninyo napapansin na buong buhay ni Hesus, ang pinagtuturuan Niya ay ang pagmamahal at pagpapatawad sa kapwa? Walang itinuro ang Panginoong Hesukristo tungkol sa paggawa ng masama bilang pagganti. Ang tinuturo lamang Niya ay ang paggawa ng mabuti sa kapwa-tao. Napakaraming turo si Hesus tungkol sa pagpapatawad.

Naalala po ba ninyo ang Talinghaga ng Alibugang Anak? Maaari namang sabihin ng Ama sa Alibugang Anak nang makita niya ito sa daan, "O ano? May natutunan ka ba? Hindi ka na puwedeng maging anak ko! Pinagaksaya mo ang aking kayamanan na mamanahin mo. Dapat sumunod ka kasi sa akin, eh! Dahil doon, dapat, magtrabaho ka na lang bilang mga alipin ko." Ngunit pinili ng Ama na tanggapin siya uli. Matagal na niyang hinintay ang pagbalik ng Alibugang Anak. Kahit nilustay ng Alibugang Anak ang mga kayamanan ng kanyang Ama, siya'y pinatawad.

Isa pa, yung babaeng nahuli sa pakikiapid. Puwede naman sabihin ni Hesus na batuhin ang babae hanggang sa mamatay. Puwede niyang distuhin ang Kanyang mga itinuro tungkol sa pagpapatawad at pagmamahal. Ngunit, pinili ni Hesus na patawarin ang babaeng iyon. Ilang beses pinagsasanay ni Kristo ang Kanyang mga itinuro. Ipinagsasanay rin Niya uli ang mga iyon sa Krus. Tayo rin, mga kapatid, dahil tayo ay pinatawad ng Diyos, dapat rin tayong magpatawad.

Tayong lahat ba, mga kapatid, kaya ba nating magpatawad katulad ni Hesus?



IKALAWANG WIKA:
"NGAYON DIN IPAGSASAMA KITA SA PARAISO." (Lukas 23:43)

Si Hesus ay nagbibigay ng kapatawaran uli sa Ikalawang Wika. Kanina, pinatawad Niya ang napakaraming tao. Ang mga tao na dating kakampi Niya ay tumalikod sa Kanya. Ngayon, pinapatawad Niya ang isang kapwang ipinako rin sa Krus. Dalawa ang kasama ng Panginoon noong Siya'y ipinako sa Krus. Ayon sa tradisyon, ang pangalan ng isa ay Hestas samantala ang pangalan ng kriminal na nagsisi ay Dimas.

Inalipusta ni Hestas ang Panginoon nang marinig niya ang mga paratang ng mga tao kay Hesus. Nakisabay siya sa paratang ng mga tao. Sinabi niyang upang patunayan ni Kristo na Siya nga ang Mesiyas, dapat iligtas Niya ang Kanyang sarili at ang mga kasama Niya.

Si Dimas naman, naalala niya ang mga kasalanan niya. Habambuhay siya nagkasala. Nagkaroon ng lakas si Dimas upang aminin ang kanyang kasalanan. Bago niya inamin, ipinagtanggol niya si Hesukristo. Unang tingin pa lang kay Hesus, kawawa na Siya, walang kalaban-laban. Inamin niya na tama ang pagpaparusa sa kanila. Ngunit hindi tama ang parusa sa taong nasa gitna nila. Walang ginawang kasalanan si Hesus. Habang pinagtatanggol ni Dimas si Hesus, inaamin niyang isa siyang makasalanan at tinatanggap niya ang parusa sa kanya.

Nagkaroon ng lakas aminin ni Dimas ang kanyang pagkakasala. Dumating na ang pagkakataong humingi ng tawad. Humingi siya ng tawad kay Hesus at hiniling na isama siya ni Hesus sa Langit. Ano ang tugon ni Hesus? Ipinangako Niyang isasama Niya sa Paraiso si Dimas. Huli man daw at magaling, naihahabol pa din. Ang resulta ng paghingi ng tawad ni Dimas sa huling sandali ng kanyang buhay ay ang jackpot. Nakamit niya ang premyo na isama siya ni Hesus sa Paraiso.

Mga kapatid, tularan po natin si Dimas. Tayo po ay hindi perpekto. Lahat po tayo ay nagkakasala. Huli man daw at magaling, naihahabol pa din. Ngunit, habang may panahon pa, humingi tayo ng kapatawaran sa Diyos mula sa ating mga pagkakasala. Kahit sa huling sandali ng ating buhay, papatawarin tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan. Magkaroon nawa tayong lakas na pumunta sa Sakramento ng Kumpisal at aminin ang ating kasalanan. Harinawa, sa huling sandali ng ating buhay, isama tayo ng Panginoon sa Paraiso.


IKATLONG WIKA:
"INA, NARITO ANG IYONG ANAK; 
ANAK, NARITO ANG IYONG INA." (Juan 19:26-27) 


Sa Ika-3 Wika ng Panginoong Hesukristo, patuloy Siya sa pagbibigay. Sa unang dalawang wika, nagbibigay Siya ng kapatawaran. Ngayon, sa ika-3 wika, ibinibigay at ipinagkakatiwala ni Hesukristo kay Apostol San Juan ang Kanyang Inang si Maria. At mula noong inihabilin kay San Juan Apostol ang Mahal na Birheng Maria, si Maria'y tumira sa bahay ni San Juan Apostol.

Maitatanong natin, nasaan si San Jose sa pangyayaring ito? Ayon sa tradisyon, noong bata pa si Hesus, si Jose ay pumanaw na po dahil sa napakatandang edad niya. Dahil doon, si Hesus ay siyang nagtrabaho para sa kanilang dalawa ni Maria hanggang sa umabot Siya ng tatlumpung taong gulang. Noong umabot ng tatlumpung gulang si Hesus, Siya'y umalis upang simulan ang Kanyang ministeryo.

May ilang pangyayari sa Bibliya kung saan magkakasama sina Kristo at ang Mahal na Ina. Una ay ang Kasalan sa Cana. Sa kasalan na iyon, gumawa ng himala si Kristo. Ginawang alak ang tubig. Bago ginawa ito ng Panginoon, sinabi Niya sa Mahal na Ina na hindi pa dumating ang Kanyang oras. Ngunit, ginawa pa rin ito ng Panginoon dahil sa Mahal na Ina. Ipinapakita ng pangyayaring iyon na si Maria ay isang tagapamagitan. Si Maria ay mananalangin kay Hesus para sa atin. Kung atin pong mapapansin, hindi dumiretsyo kay Hesus ang mga maninilbi ng alak sa Cana. Pumunta sila kay Maria. At dahil hiniling ni Maria kay Hesus na gumawa ng paraan para sa kanila, gumawa ng paraan si Hesus. Paano Siya gumawa ng paraan? Ginawa Niyang alak ang tubig.

Ang isa na namang pangyayari sa Bibliya ay habang nagtuturo naman ang Panginoon. Sinabi ng isa sa mga nakikinig sa Panginoon ay nagsabi na ang Kanyang Ina ay gustong makipag-usap sa Kanya. Gusto yatang iuwi ng Mahal na Ina ang Panginoon. Bakit? Sapagkat delikado na ang buhay ni Kristo. Iyan ay ang pagiging tagapagsanggalang ni Maria. Ipagtatanggol niya ang kanyang Anak mula sa kapinsalaan, lalung-lalo na si Hesus. Ano ang sagot ni Kristo? "Ang mga nakikinig ng Salita ng Diyos at tumutupad nito ang siya kong ina at kapatid." (Lk. 8:21) Siyempre, isa sa mga nakikinig at tumutupad sa Salita ng Diyos ay si Maria.

Ngayon, nagkita na naman uli sina Hesus at Maria. Ngunit ngayon, si Hesus ay nakabayubay sa Krus. Kung atin pong mapapansin, hiniwa ang puso ni Maria. Patuloy dumadaloy ng dugo ang kanyang puso. Pagkakita ni Maria kay Hesus na nakapako sa Krus, siya'y lubos na nalulumbay. "Sana ako na lang." Ito ang natural ang masasabi ng isang ina kapag ang anak ay nakararanas ng matinding sakit. Ngunit, walang magawa si Maria. Bahagi ng mga pangyayaring ito sa plano at kalooban ng Diyos. Wala siyang magawa kundi tumalima.

Pagkakita sa Kanyang Ina, alam na ng Panginoon na mag-isa na lamang ang Mahal na Ina. Walang mag-aalaga sa Mahal na Birhen. Mapapansin natin na si Hesus ang nag-iisang anak ni Maria. Kasi, kung may mga kapatid si Hesus, ang mga kapatid Niya ang mag-aalaga sa Kanyang Ina. Ngunit, wala Siyang mga kapatid. Ang Panginoong Hesus, na naging masunurin sa Mahal na Birheng Maria, ay nag-aasikaso sa Kanya. Inihabilin Niya kay San Juan.

Kung atin pong matatanong, bakit hindi si San Pedro Apostol inihabilin ni Hesus ang Kanyang Ina? Hindi natin alam kung nasaan na si San Pedro. Katatapos pa lamang niyang itatuwa ng tatlong beses ang Panginoon. Si San Pedro Apostol, ang ipinagkatiwala ng mga susi ng kalangitan, at ang unang Santo Papa, ay wala sa pangyayaring ito.

Inihabilin ang Mahal na Ina kay San Juan ay dahil sa kanyang kabataan. Sa pamamagitan ni Maria, maraming aral ang makukuha ni San Juan sa kanya. Si San Juan Apostol rin po ay kumatawan sa ating lahat. Hindi lamang kay San Juan inihabilin ng Panginoong Hesukristo ang Mahal na Birheng Maria. Tayo ang inihabilin ng Panginoon sa Mahal na Ina.

Sa kabila ng lahat ng mga paghihirap, ang Mahal na Birheng Maria'y hindi nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Nawa'y magsilbi siyang huwaran para sa ating lahat. Tayo po nawa ay maging mga masunurin niyang mga anak, yamang inihabilin ni Hesus si Maria sa atin. Dapat rin tayong makinig at tumalima sa Salita at Kalooban ng Diyos, tulad ni Maria. Harinawa, sa katapusan ng ating buhay, maitanggap tayong lahat ng Panginoong Hesukristo at ang Mahal na Birheng Maria at makasama sila sa kalangitan na minimithi nating bayan.


IKA-4 NA WIKA:
"DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?" (Mateo 27:46)


Marami sa atin ay mahilig magkaroon ng kasama. Ayaw nating manatiling mag-isa. Kapag may kasama tayo, masaya tayo dahil tayo ay may kausap o kasalo sa hapag-kainan. Ngunit kung nag-iisa ka lamang, iba ang pakiramdam. Nawalan tayo ng pag-asa, at tayo'y nalulungkot na mag-isa.

Ang katanungang ito'y katanungan ng isang taong walang pag-asa. Ito'y isang katanungan ng mga taong na may malaking problema o kaya naghaharap ng isang malaki at matinding pagsubok sa buhay.

Ang mga may cancer, HIV/AIDS, ang maaaring maging tanong nila, "Pinabayaan na ba ako ng Diyos?" Ito'y isang tanong ng mga may HIV/AIDS dahil hindi sila tinatanggap ng lipunan. Diyos ko, ano ba ang napakalaking kasalanang ginawa ko? Bakit Mo ako pinabayaan? Panginoon, pansamantala lamang ba ito o talagang pinabayaan Mo na ako? Bakit ganito ang parusa Mo sa akin?

Sa wikang ito, nag-iba ang tono ng Panginoon. Siya'y mula sa pagbibigay, ay nagmumukhang kawawa. Wala na Siyang kalaban-laban at pag-asa. Mag-isa na lamang Siya sa sandaling ito. Ang Panginoon ay pinabayaan ng Kanyang mga alagad. Yung isa pa nga sa mga alagad Niya ay nagkanulo sa Kanya samantala ang isa naman ay nagtatuwa sa Kanya ng tatlong beses. Tinalikuran Siya ng napakaraming taong dating humahanga sa Kanya.

Ang tanong, pinabayaan ba si Kristo? Ano ba ang ginawa ni Kristo upang pabayaan Siya ng Ama? Dapat may ginawang masama si Kristo upang pabayaan Siya ng Ama. Ngunit, buong buhay Niya, naging masunurin Siya. Ano ba ang nangyari? Tinalikuran na ba talaga si Kristo ng Amang nasa langit? Habambuhay Niyang sinusundan ang kalooban ng Diyos. Ito pala ang gagawin sa Kanya ng Diyos pagdating ng oras na ito.

Ang Diyos ay hindi nagpapabaya. Hindi pinabayaan ng Diyos Ama ang Diyos Anak. Sa halip, binubuksan ng Diyos ang Kanyang mga Kamay upang tanggapin Siya uli. Tinatanggap ng Diyos si Hesus sa Kanyang mga Kamay. Hindi tayo pinapabayaan ng Diyos. Laging kasama natin ang Diyos sa bawat sandali ng ating buhay.

Naalala po ba ninyo ang talinghaga ng nawawalang tupa? Ang pastol ay hindi nag-atubli upang hanapin ang tupang nawawala upang mabuo ang mga tupa. Hindi nag-dalawang isip ang Diyos na hanapin tayo. Dahil sa ating mga kasalanan, tayo ay nagkahiwalay sa Diyos. Ang Diyos, dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin, ay humahanap sa atin. Hinahanap tayo ng Diyos sa kabila ng pagiging makasalanan natin. Tinatanggap tayo ng Diyos sa Kanyang mga kamay nang may pagmamahal sa ating mga makasalanan.

IKA-5 WIKA:
"AKO'Y NAUUHAW." (Juan 19:28) 


Nagbago muli ang tono ng Panginoon sa wikang ito. Siya naman ay humihingi. Humihingi Siya ng tubig upang makapawi ang Kanyang pagkauhaw. Pagkatapos ng ilang oras na nakabayubay ang Panginoon sa krus, uhaw na uhaw ang Panginoon.

Uhaw na uhaw tayong lahat para sa atensyon, pagmamahal, at marami pang iba. Hindi lamang pangkaraniwang tubig ang kinauuhawan natin. Ganyan rin ang Diyos.

Ano ang kinauuhawan ng Diyos? Hindi ba Siya ang may likha ng iba't ibang uri ng tubig sa daigdig? Bakit hindi Siya ang gumawa ng tubig para sa Kanyang sarili? Nagmamakaawa ba ang Panginoon upang makuha Niya ang ating atensyon?

Madaling lumapit sa mga taong mahihina, walang kalaban-laban at pag-asa, at matatanda. Samantala naman, mahirap lumapit sa mga taong malakas, mataas ang posisyon, at makapangyarihan. Napakahirap lumapit rin sa Diyos. Hindi lamang makapangyarihan ang Diyos. Ang Diyos ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat.

Ngunit, dahil hindi natin kaya lapitan ang Diyos, ang Diyos ang Siyang lumalapit sa atin. Lumalapit sa atin ang Diyos upang pawiin ang ating pagkauuhaw. Uhaw na uhaw tayo para sa napakaraming bagay, ngunit mapapawi ito sa pamamagitan ng Diyos. Sabi ng Panginoon, "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingain ko." (Mt 11:25)

Ang Diyos ay lumalapit sa atin sapagkat mukha tayong kawawa. Tayo ay walang kalaban-laban at pag-asa. Nilalapitan tayo ng Diyos sapagkat nais Niya tayong tulungan. Ito ay dahil mahal na mahal tayo ng Diyos. Ang Diyos ay pag-ibig. Dahil mahal na mahal Niya tayo, tayo ay tinutulungan Niya sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan.

Walang iba rin ang Panginoon sa wikang ito. Tinatawag Niya ang ating pansin upang lapitan Siya. Hindi pangkaraniwang tubig ang kinauuhawan ng Panginoon. Ang kinauuhawan ng Panginoon ay ang ating pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Tayo lamang ang makakapawi sa malawak na pagkauhaw ng Diyos. Kung paanong pinapawi ng Diyos ang ating pagkauhaw, kailangan ring pawiin natin ang pagkauhaw ng Diyos sa atin. Makiisa nawa tayo sa pagkauhaw ng Panginoon.


IKA-6 NA WIKA:
"NAGANAP NA." (Juan 19:30)


Sa Kasalan sa Cana, sinabi ni Hesus kay Maria noong sinabihan Siya ng Kanyang Ina na gumawa ng paraan para sa mga alak, ang sinabi Niya, "Hindi pa ito ang oras ko." Ngayon, dumating na ang oras ni Hesus.

Ano ang oras ang tinutukoy ni Kristo? Oras ba ng pagkamatay Niya? Iyan ang pinakamahalata. Kung halatang-halata na ilang oras kang nakabitin at nanghihingalo ka sa krus, sasabihin mo pa ba ang pinakamahalata?

Tetelestai. It is finished. Consummatum est. Naganap na. Ano ang naganap sa pagkakataong ito? Binayad na ni Hesus ang mga kasalanan natin. Sa pamamagitan ng pagsabi ng Tetelestai, Consummatum est, o Naganp na, binayad na tayo mula sa napakaraming mga kasalanan natin. Maaaring ito'y maging isang malaki o maliit na kasalanan lamang.

Napakaraming mga kasalanan ang ginawa natin araw-araw. Higit na pito pa nga ang ginagawang mga kasalanan sa isang araw. Tayo, bilang tao, ay hindi maaaring tanggapin bilang isang hain sa krus. Noong tayo ay nalugmok sa pagkakasala, kinailangan natin ng isang tagapagligtas. Isang tagapagligtas na magbabayad para sa ating mga kasalanan. Ang maaring magligtas sa atin ay tao, sapagkat ang tao ay nagkasala. Samantala naman, ang Diyos rin ang dapat magligtas sa atin. Kaya, kinakailangang tao at Diyos ang magliligtas sa atin. Ang Tagapagligtas na isinugo ng Diyos ay ang Panginoong Hesukristo.

Marami po sa atin ang natutuwa sapagkat matatapos na ang Siete Palabras o Seven Last Words. Ito ay dahil sa Ingles na pagsasalin ng wikang ito na It is finished. Ngunit, imbes na matuwa dahil matatapos na ito, dapat nating isipin ang sakripisyong ginawa ng Panginoon sa Krus. Isipin rin natin kung paanong binayad tayo mula sa napakarami nating mga kasalanan. Magpasalamat tayo sa Diyos para kay Hesukristo sapagkat dahil kay Hesukristo, tayo ay binayad mula sa ating mga kasalanan.

Talung-talo na si Hesus sa unang tingin. Habang nakabayubay sa krus, walang kalaban-laban at pag-asa ang Panginoon. Ang Panginoong Hesus ay bugbog sarado, dugong dugo na, at walang-wala. Inaakala ng demonyo na siya na ang nagwagi. Natalo sa kanya ang Diyos. Subalit, nang sinabi ni Hesus ang mga salitang, "Naganap na," ang demonyo ay natalo. Kahit anong ginawa ng demonyo, hindi siya nanalo. Sa pamamagitan nito, tayo ay pinalaya sa pagkabihag natin sa ating mga kasalanan.

Ang dugo ni Hesus ay patuloy na dumadaloy at dumadanak sa lupa. Sa pamamagitan nito, unti-unting naibabayad ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan. Inililinis rin ang mga makasalanan mula sa kanilang mga kasalanan. Ang dugo ay simbolo ng pagwagi ng Diyos laban sa kasalanan.

Dapat ngang magpasalamat tayo sa Diyos. Sapagkat kung hindi dahil sa pagkamatay ni Kristo, hindi tayo maliligtas. Patuloy tayong magiging mga alipin ng ating mga kasalanan. Ipinapamalas ni Kristo sa pamamagitan ng pagpanaw Niya sa Krus ang dakilang pagmamahal ng Diyos. Mahal na mahal tayo ng Diyos. At dahil mahal na mahal Niya tayo, pinadala ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak. Ito ay upang palayain tayo mula sa pagkaalipin sa ating mga kasalanan.

Ang Krus, na dating nangangahulugan ng kapahamakan, ay naging simbolo ng kaligtasan ng tao. Natupad ang plano ng kaligtasan ng Diyos sa pamamagitan ng Krus. Tapos na ang misyon ni Hesus. Nawa, kapag dumadaan tayo ng mga simbahan at nakikita natin ang Krus, isipin natin ang dakilang pagmamahal ng Diyos. Ang Krus ay tanda ng dakilang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang tagumpay laban sa kasalanan. Hindi lamang tagumpay ng Diyos ito, tagumpay nating lahat ito. Sa tulong ng Diyos, natalo natin ang demonyo at pinalaya mula sa kasalanan.


IKA-7 WIKA:
"AMA, SA IYONG MGA KAMAY, AKING INIHAHABILIN ANG AKING KALULUWA." (Lukas 23:46)


Ang ika-7 wika ay hindi isang hiling. Ito'y isang pahayag na ang Diyos Anak ay babalik sa Diyos Ama. Ang Banal na Santatlo ay mabubuo at magkakaisa uli. Babalik ang isinugo sa nagsugo sa Kanya.

Nakakainterasado na ito'y isinambit nang si Hesus ay nasa bingit ng kamatayan. Siya'y naghihingalo sa Krus. Nakabitin nang ilang oras ang Panginoon sa krus. Ang wikang ito ay isinambit sa oras ng pagdadalamhati.  Mula sa pagiging oras ng pagdadalamhati, ito'y naging isang oras ng luwalhati.

Ang okasyon ng pag-aanunsyo ni Kristo na babalik Siya sa Ama ay isang dakilang pangyayari. Ito'y naging oras ng luwalhati. Babalik na uli ang Diyos Anak sa Diyos Ama. Kahit ito'y isang malungkot na pangyayari, ito'y naging maluwalhati. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay namalas sa pamamagitan ng wikang ito.

Mapapansin natin na ang unang wika ni Hesus ay isinambit Niya sa Ama. Ngayon naman, sa ika-7 at huling wika, muli itong isinambit sa Ama. Ito'y para ipahayag na ang Masunuring Anak ay babalik sa Ama. Hindi sumuko o nawalan ng tiwala ang Anak sa Ama.

Isang aral ang makukuha natin sa wikang ito. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag mangamba. Sapagkat ang Diyos ay palagi nating kasama hanggang sa bingit ng kamatayan. Palaging maaasahan ang Diyos sa bawat oras.

Natatakot tayong harapin ang pagkamatay. Ayaw nating matapos ang ating buhay. Ngunit, ito'y isang napakasakit ito para sa atin. Ang buhay natin dito sa lupa ay pansamantala lamang. Lahat ay may hangganan. Kasama na rin ang mga buhay natin sa mga bagay na may hangganan. Hindi lamang mga pelikula o teleserye o palabas sa telebisyon ang may hangganan. Hindi lamang mga pangyayari dito sa daigdig ang may hangganan. May hangganan rin ang ating buhay.

Sa halip na matakot, dapat harapin natin ang ating kinabukasan, lalung-lalo na ang ating kamatayan. Hindi ba, sabi sa Salmo 27:

Tanglaw ko'y ang Poon, aking kaligtasan, 
kaya wala akong takot kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan, 
kaya naman ako'y walang kaagam-agam.

Hindi po ba, noong sina Hesus at ang mga alagad Niya ay nakasaky sa bangka, nawalan ng pananalig ang mga alagad? Nakasakay sina Hesus at ang mga alagad isang araw. Noong dumating ang unos, nangamba at natakot ang mga alagad. Sila'y nawalan ng pag-asa sapagkat napakalakas ng unos. Grabe, ang lakas ng unos. Hindi kaya nilang labanan ang unos, kaya lalo silang nawalan ng pag-asa at pananampalataya. Noong ginising nila si Hesus at pinatigil Niya ang unos, ano yung tanong Niya sa mga alagad? "Wala ba kayong pananalig?"

Ganyan rin ang tanong sa atin ng Panginoon. Huwag tayong mangamba o matakot. Ang Diyos ay kasama natin oras-oras at bawat sandali. Kapag tayo ay nangangamba, isipin natin ang Salmo 27. Sa tuwing maiisip natin ang Salmo 27, harinawa, mas lalo pang lumakas ang ating pananalig sa Diyos. Huwag tayong mawalan ng pananampalataya. Ang Diyos ay patuloy na sumasabay at magtatanggol sa ating lahat.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento