Lunes, Marso 4, 2013

ANG PAGIGING MAAWAIN NG DIYOS

Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma (Laetare Sunday) - (K) - Biyoleta 
(Jos 5:9, 10-12/Slm 34/2 Kor 5:17-21/Lk 15:1-3, 11-32)


Kung atin pong mapapansin, ang Talinghaga ng Alibugang Anak ay ang ating Ebanghelyo para sa Unang Sabado ng Buwan ng Marso. Bago ikinuwento ng Panginoong Hesus Nazareno ang talinghagang ito, nagsisilapitan sa Kanya ang mga publikano at ang maraming mga makasalanan. Nakikisalo Siya sa mga taong ito bago ikinuwento Niya ang Parabulang ito.

May isang lalaki na may dalawang anak. Ang panganay na anak ay matulungin, tinutulungan niya ang kanyang ama sa mga gawain. Samantala naman, ang bunso ay ganid. Isang maramot, makasariling tao lamang ang bunso. Dahil doon, gusto na niyang makuha ang mana niya mula sa kanyang ama.

Pagkatapos hatiin ng ama ang mamanahin ng kanyang mga anak, umalis ang bunso at namuhay ng masama, Isang masamang pamumuhay ang buhay ng bunso. Isang asiong aksaya ang bunso. Isinayang na lamang niya ang mga yaman ng kanyang ama. Napakasamang bata. Hindi ba dapat nag-isip muna ang ama bago niya ibigay sa bunso ang mamanahin niya? Hindi ba niya alam na aaksayahin lamang ng bunsong ito ang lahat ng yaman niya?

Habang namumuhay nang di wasto, nagkaroon ng isang matinding taggutom sa buong lupain. Wala na siyang makain dahil sa taggutom na iyon. Gutom na gutom na siya na halos mamamatay na siya. Alam ng anak na ito na kailangang magtrabaho na siya upang magkaroon ng pagkain. Siya'y nagtrabaho sa isa sa mga mamamayan doon. Ngunit, halos wala siyang makain dahil mas maraming pagkain ang nakukuha ng mga baboy kaysa sa kanya. Napakahirap na ng kanyang buhay.

Nang nakikita ng anak na ito na halos wala siyang pagkain, naisip niya kung gaano siya naging ganid, makasarili, maramot, at masakim. Talagang pinagsisihan niya na talagang masamang anak siya. Alam niya na napakasama niya sa kanyang ama. Nalungkot ang anak na ito sapagkat ito pala  ang naging kapalaran niya.

Nalaman rin ng anak na ito na mas maraming pagkain ang mga alipin ng kanyang ama. Kaya, plano niyang magbalik sa kanyang ama upang humingi ng tawad. Hihingi rin niya na gawin na lang siyang isa alila na lamang. Habang pauwi ang anak na ito, hindi niya nalaman na mula pa noong umalis siya sa bahay na iyon, nag-aabang na ang kanyang ama. Hinihintay na siya ng kanyang ama upang tanggapin siya uli.

Hindi niya inakala na hindi binawasan ng ama ang pagmamahal niya sa kanya. Kahit maramot, mahal pa rin ng ama ang anak na ito. Lubusan niyang tinanggap muli ang kanyang anak. Napakasaya niya kaya patakbong sinalubong ang bunso ng ama. Hindi inakala ng alibugang anak na lubos siyang minamahal pa rin ng kanyang ama.

Pinaghandaan ng isang pagdiriwang ang anak na ito ng kanyang ama. Siya'y sinuutan ng mahusay na damit at singsing at pinagpatay ang pinatabang guya. Isang engrandeng selebrasyon ang pinapaghanda ng kanyang ama para sa kanyang bunsong anak. Sapagkat ang anak na ito, pagkatapos ng mahabang panahon ay nagbalik na sa wakas.

Noong umuwi ang panganay na anak, nagalit siya. Bakit? Sapagkat kahit pinaglingkuran niya ang kanyang ama, hindi siya binigyan ng kahit bisirong kambing para magsayahan siya ng mga kaibigan niya. Kahit minamanhik ng kanyang ama na pumasok at makisalo sa pagdiriwang, ayaw niya. Nagagalit siya. Ang Alibugang Anak, namuhay nang masama, nilustay ang mga kayamanan ng ama ang siya pa naman ang pinagbigyan ng isang salu-salo.

Ang Kuwaresma ay isang panahon sa Kalendaryo ng ating Simbahan upang anyayahan tayo magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Gamitin natin ang halimbawa ng Alibugang Anak. Sa kabila ng kanyang pagiging ganid, maramot at makasarili, nagsisi siya. Nagbalik-loob siya sa kanyang ama at humingi ng tawad. Tayo rin ay mga alibugang anak rin. Maawain ang ating Amang Diyos. Iyan ang nais ipakita sa atin ni Hesus Nazareno ngayong Linggo. Huwag tayong magtago sa awa ng Diyos. Ang Diyos ay mapagpatawad at mapagmahal. Mahal na mahal tayong lahat ng Diyos at handang-handa na Siyang patawarin ang ating mga kasalanan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento