Ika-3 Linggo ng Kuwaresma - (K) - Biyoleta (Eksodo 3:1-8, 13-15/Salmo 103/
1 Korinto 10:1-6, 10-12/Lukas 13:1-9)
Mula ngayong Ika-3 Linggo hanggang Ika-5 Linggo ng Kuwaresma, mapapakinggan natin sa ating Mabuting Balita ang pagtawag sa pagsisisi. Kaya, sa mga susunod na Linggo, mapapansin po ninyo na may pagkakaugnay ang aking sinasabi sa mga sasabihin ko sa inyo ngayong Linggo. Ngunit bago po nating pagnilayan ang ating Ebanghelyo, pagnilayan muna natin ang Una at Ikalawang Pagbasa.
Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan po natin na hinirang ng Diyos si Moises. Si Moises ay hinirang ng Diyos upang palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Pero, bago pa siya hinirang ng Panginoong Diyos, siya'y isang pastol. Inaalagaan ni Moises ang mga tupa ng kanyang biyenan na si Jetro. Isang araw, inakay niya ang kanyang mga tupa papuntang Horeb. Tapos, may nakita siyang isang punongkahoy na nagliliyab, ngunit hindi nasusunog.
Nagtaka si Moises kung bakit ganun ang punongkahoy na iyon. Nakakaiba, kakaiba ang punongkahoy na iyon. Sapagkat ang punongkahoy, kahit nagliliyab, hindi nasusunog. Habang palapit na palapit si Moises sa punongkahoy na iyon, tinawagan siya ng Diyos. Habang kinakausap ni Moises ang Panginoong Diyos, hinirang si Moises bilang propeta. Hinirang si Moises upang palain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto.
Sa unang dinig ni Moises, palagay ko, nagulat talaga siya. Napakalaking pananagutan ang pagpalaya sa mga Israelita. Mukhang imposible, sa unang tingin. Ngunit, walang mapangyayari ang Diyos. Natatakot si Moises sapagkat wala siyang kapangyarihan. Mas makapangyarihan ang Faraon ng Ehipto kaysa kay Moises. Hindi rin alam ni Moises kung ano ang sasabihin niya. Ngunit, ginabayan at tinulungan ng Diyos si Moises sa kanyang misyon.
Sinasabi sa atin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na dapat ikatuwa natin ang lahat ng mga pagpapala mula sa Diyos. Dapat hindi tayo magalit sapagkat matutulad tayo sa mga Israelita na nagalit sa Panginoong Diyos. Huwag tayong tumulad sa kanya, babala ni San Pablo, sapagkat kung tutularan natin ang ugali ng mga Israelitang iyon, pinili na natin ang mapahamak. Kaya, dapat huwag maging abusado sa mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa Kanyang kabutihan.
May dalawang bahagi ang ating Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng ating Banal na Ebanghelyo, mapapakinggan natin na may ilang Galilea na ipinagpatay ni Pilato. Agad ito ibinalita ng ilang tao kay Hesus Nazareno. Pinagsabihan sila ng Panginoong Hesus Nazareno na hindi higit na makasalanan ang mga iyon o ang mga labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe. Ang para bang sinasabi ng Panginoong Hesukristo ay huwag husgahan ang tao na siya'y isang makasalanan sa kanyang sinapit. Hindi lamang isa ang makasalanan dito sa mundo, tayong lahat ay mga makasalanan rin.
Ang ating Ebanghelyo ay isang babala na mapapahamak tayo kung hindi tayo magsisisi. Huwag tayong mayabang, mga makasalanan rin tayo. At kung hindi tayo magsisi, mapapahamak tayo. Pinapaalala ng ating Ebanghelyo na ang Panginoong Diyos ay mahabagin, maawain at mapagpatawad. Kasi, marami ang nag-iisip na strikto, napakahigpit ng Diyos. Hindi, mali iyan. Sapagkat ang Diyos, mahal na mahal Niya tayo at gagawin Niya ang lahat para sa ating kabutihan. Pero, tayo lamang ang makakapili kung saan tayo tutungo.
Ang pangalawang bahagi ng ating Banal na Ebanghelyo ay tungkol sa parabula o talinghaga tungkol sa Puno ng Igos na Walang Bunga. Determinado ang tagapagalaga ng ubasan na iyon na putulin ang punong iyon. Bakit? Sapagkat wala ngang bunga, eh. Bakit pa natin patatagalin ang pagbunga ng punong iyon? Ngunit, hindi pinutulan ng tagapaglaga ang puno. Bakit? Bakit hindi na lamang putulin niya ang puno upang wala na siyang mabigat na pasanin? Sapagkat binibigyan pa niya ng pagkakataon ang punong iyon na mamunga. Kung wala pa ring bunga pagkalipas ng isang taon, puputulin niya. Binibigyan niya ng isa pang taon ang punong iyon upang mamunga.
Ganyan rin ang Diyos. Ilang beses na tayong nadapa sa kasalanan. Napakarami na tayong mga kasalanan laban sa Kanya. Ngunit, dahil sa dakilang pagmamahal Niya sa atin, binibigyan tayo ng Diyos ng mga pagkakataon upang makabawi uli. Kaya, ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pagbabalik-loob sa Diyos. May mga nagtatanong, "Bakit po bang may panahon ng Kuwaresma?" Ang panahong ito ng Kuwaresma ay para magsisi at magbalik-loob. Habang napakaraming oras pa, habang may panahon pa, magsisi tayo at magbalik-loob sa Diyos. Ganyan tayong kamahal ng Diyos. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong magsisi at mabalik-loob sa Kanya.
Iyan ang nais sabihin sa atin ni Hesus sa ating Ebanghelyo. Ang Diyos ay mapagmahal at mapagpatawad. Hindi mahigpit ang Diyos. Kaya, dapat masaya tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na nagpapatawad sa ating mga kasalanan at nagmamahal sa atin sa kabila ng lahat. Kaya, huwag tayong matakot lumapit sa ating mahabaging Diyos. Sapagkat, sabi nga ng Salmong Tugunan ngayong Linggo: "Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento