Ika-2 Linggo ng Kuwaresma - (K) - Biyoleta
(Hen 15:5-12, 17-18/Slm 27/Fil 3:17-4:1/Lk 9:28-36)
Mapapakinggan po natin sa Unang Pagbasa na pinapangako ng Diyos si Abram na dadami ang magiging anak at apo niya. Nangako rin ang Diyos sa kanya na magbibigay siya ng lupa para kay Abram. Tumutugon si Abram sa mga ito nang may pananampalataya. At iyon ay nakakalugod sa Diyos. Isang halimbawa si Abram (na mamaya'y Abraham) sa pagutgon sa tinig ng Diyos. Dapat natin tularan siya sa pagtugon sa tinig ng Diyos. Tumutugon siya sa Panginoong Diyos nang may malalim na pananampalataya at pananalig sa kanya. Isa ngang tunay na mananampalataya sa Diyos si Abraham. Kaya kilala si Abraham bilang 'Ama ng Pananampalataya.'
Hinahamon ang mga taga-Filipos ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tularan siya. Sapagkat ayon kay San Pablo, kung tutularan natin siya at lahat ng mga banal, magkakaroon tayo ng pagkamamayan sa ating tunay na tahanan - ang langit. Kung hindi natin tutularan ang mga banal, mapapahamak lamang tayo. Ang magiging diyos natin ay ang ating sarili. Ang tawag doon, katakawan. Ang katakawan ay isa sa mga pitong pangunahing kasalanan, sa Ingles ang katakawan ay greed. Magiging miserable lamang tayo kung hindi nating sisikaping tumulad sa lahat ng mga banal. Isang kapahamakan para sa atin kung hindi natin makakamit ang langit.
Kaya, kung nais natin makamit ang langit, kailangan sikapin natin na tumulad sa mga banal. Hindi man tayo perpektong tao, sumikap lamang maging banal, makakamit natin ang langit. Sa katapusan ng ating buhay, langit ang ating bayan. Napakapalad natin na tayo'y makakatira sa langit at napakasarap tumira doon sa langit. Wala nang problema, sakit, gulo, etc. Magkakaroon ng kapayapaan lamang sa langit. At doon sa langit, makakapiling natin ang ating Panginoon at Tagapagligtas - si Hesukristo. Habang sinisikap nating maging banal, pinananabikan na natin ang muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo. Pagparito muli ng Panginoong Hesus, magkakaroon tayo ng bagong katawan. Mula sa katawang-lupa, magkakaroon tayo ng katawan maluwalhati.
Pero, huwag nawa tayong humina sa ating buhay, lalung-lalo na ang ating pananalig sa Diyos. Dapat magpakatatag tayo habang buong galak nating hinihintay ang pagbabalik ni Hesus. Babalik muli si Hesus, pero huwag tayong mawalan ng pananalig sa kanya. Ang tunay na nananalig at sumasampalataya sa Diyos ay hindi nanghihina sa Diyos. At hindi kung ano-ano ang sentro ng buhay nila. Dapat si Kristo ang sentro ng ating buhay habang hinhintay natin nang may galak ang kanyang muling pagbabalik.
Ngayon, ating pong pagnilayan ang Mabuting Balita. Sa ating Banal na Ebanghelyo, mapapakinggan po natin na si Hesus ay nagbagong-anyo. At sa pamamagitan ng pagbabagong-anyo ni Hesus, pinapakita Niya ang Kanyang Kaluwalhatian. Isang sulyap ng Kaluwalhatian ni Hesus ang Kanyang pagbabagong-anyo. Habang nananalangin ang Panginoon, Siya'y nagbagong-anyo. Natutulog noon ang tatlong alagad na sina Pedro, Santiago at Juan. Nagising sila nang makita nilang nagniningning si Hesus Nazareno. Hindi lamang iyan, nakita rin nila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Kristo. Ang pinag-uusapan ng Panginoon kina Moises at Elias ay ang malapit na pagpanaw Niya sa Herusalem. Ilang Linggo mula ngayon at ipagdiriwang ng ating Simbahan ang mga Mahal na Araw kung saan ginugunita natin ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus Nazareno.
Habang paalis sina Moises at Elias, hiniling ni Pedro na doon na lamang sa bundok manatili ang Panginoon at ang mga alagad. Ito ay upang matakasan nila ang Kalbaryo at kamatayan ni Hesus sa krus. Ngunit hindi pinansin si Pedro. Habang nagsasalita si Pedro, may tinig na nagmula sa langit na nagsabi, "Ito ang Aking Anak, makinig kayo sa Kanya." Pinapakilala uli ng Diyos Ama ang Kanyang Anak na si Hesus. Hindi pinansin ni Hesus ang panukala ni San Pedro. Sa halip, may isang panukala ang Diyos na makinig kay Hesus. Hindi susundan ang panukala ni Pedro, kundi masusunod ang panukala ng Panginoong Diyos. Ito ang katunayan na kahit may ibang plano tayo sa buhay, masusunod at magaganap pa rin ang plano ng Diyos.
Ayon kay Fr. Venus Suarez, Parochial Vicar ng Simbahan ng Quiapo, ang tao ay nagbabagong-buhay dahil sa isang personal na pakikipagtagpo sa Diyos. Tandaan po natin, ang pagbabago ay nagsisimula sa ating mga sarili. Ngayong panahon ng Kuwaresma, idalangin natin sa Panginoong Diyos na baguhin niya ang ating buhay, hindi lamang ng sariling buhay natin, kundi ang buhay rin ng ating mga kapwa-tao. Harinawa, kahit tapos na ang Kuwaresma, mas magiging mabuti tayong mga tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento