(Dt 26:4-10/Aw 91/Rom 10:8-13/Lk 4:1-13)
Kay rami nang winasak na tahanan
Kay rami ng matang pinaluha
Kay rami ng pusong sinugatan
O tukso, layuan mo ako
Ito ay isa sa mga pinakamasikat na linya mula sa isang pinakamasikat na kanta. Alam po nating mga Pilipino ang kantang ito. Ang pamagat po ng kantang ito ay "Tukso" na inawit ni Eva Eugenio. Isang matandang kanta ito, ngunit alam ito ng mga Pilipino mula Luzon hanggang Mindanao. Sino po bang Pilipino ang hindi nakaalam sa kantang ito? Ito yata ay isang kanta ng mga Pilipino para sa tukso. Ngunit, kahit paulit-ulit na kinakanta ito ng mga Pilipino, tila halos hindi pa rin lumalayo ang tukso? Bakit hindi lumalayo ang tukso sa atin? Bakit nga ba hindi lumalayo ang tukso? Sino nga po ba ang dapat lumayo -- ang tao o ang tukso?
Sa atin pong Ebanghelyo, mapapansin po natin na ang Panginoong Hesus Nazareno rin ay tinukso. Kahit Siya nga ang Anak ng Diyos, hindi Siya naligtas mula sa tukso. Tinukso pa rin si Hesus Nazareno ng diyablo kahit Siya ang Anak ng Diyos. Ang tanong, paano ba napagtagumpayan ni Hesus ang tukso? Kahit tatlong beses Siyang tinukso ng diyablo, nanatili pa ring masunurin si Kristo sa kalooban ng Diyos. Hindi man lang sumuko o nagpatalo ang Panginoon laban sa kasamaan. Nilabanan Niya talaga ang tukso at sa kahuli-hulian, si Kristo ay nagtagumpay laban sa tukso.
Ang tukso, mga minamahal na kapatid, ay talaga hindi natin maiiwasan. Kapag napapatalo tayo sa tukso, nagkakasala na tayong lahat. Kahit mga pari, natutukso rin ang mga iyon. Pero, ginagawa nila ang lahat para manaig laban sa tukso, katulad ni Hesus Nazareno. Hindi tayo tinutukso sa panahon ng ating kalakasan; tinutukso tayo sa panahon ng ating kahinaan. Ilang dahilan kung bakit nadadapa ang mga pari sa tukso: isa, wala nang nagdarasal para sa kanya, pangalawa, hindi na siya nagdarasal, at pangatlo, wala nang oras para magdasal. Isang mahalagang bagay ang pananalangin sa Diyos upang hindi tayo mapadaig ng tukso.
Iisa lamang ang ibig sabihin ng tatlong tukso kay Hesus: Huwag nang sumunod sa kalooban ng Diyos. Tinutukso ng diyablo si Hesus Nazareno para tumalikod at magrebelde sa Diyos. Palagay ko, hindi nagtapos ang pagtukso kay Hesus kahit matalo na Niya ang diyablo. Hindi natapos sa ilang ang pagtukso ni Hesus. Hindi lamang sa simula ng Kanyang misyon tinukso ang Panginoon. Sa pagtapos ng Kanyang misyon ay tinukso uli ang Panginoong Hesukristo. Kahit hindi hango sa Banal na Bibliya, palagay ko, tinukso si Kristo uli sa Halamanan ng Hetsemani. Nagtiis ng hirap uli sa Hetsemani si Hesus. Natakot si Hesus sapagkat mamamatay Siya ng isang napakasakit na kamatayan. Dahil doon, tinukso Siya uli ng diyablo. Ang tukso ng demonyo kay Hesus, "Huwag ang kalooban ng Diyos ang sundin Mo, kalooban Mo ang sundin mo. Magrebelde ka sa Diyos!" Ngunit, dahil si Hesus Nazareno ay nanatiling masunurin, sinambit Niya, "'Ama, hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Natalo na naman Niya uli ang demonyo. Talo na ang demonyo.
Isang halimbawa ang ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesus Nazareno ngayong Linggo. Hindi lalayo ang tukso mula sa atin. Pero, hinarap ito ng Panginoong Hesus Nazareno at natalo Niya ang demonyo sa disyerto. Hindi lumayo kay Hesus Nazareno ang tukso, kahit na Siya ang Anak ng Diyos. Sa halip, bilang Anak ng Diyos, si Hesus mismo ang lumayo sa tukso at siyang nanalo laban sa tukso. Harinawa, maisunod natin ang halimawa ng Panginoong Hesus sa ating Mabuting Balita ngayong Linggong ito. Bilang mga Katoliko sumasampalataya sa Diyos, ngayong Taon ng Pananampalataya, manalangin sa Diyos palagi, harapin natin ang tukso, labanan natin ang tukso, at layuan ang tukso, katulad ng ginawa ni Hesus sa ilang. Katulad ni Hesus, kaya natin magtagumpay laban sa tukso sa araw-araw nating pamumuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento