Huwebes, Marso 21, 2013

SI HESUKRISTO'Y NABUHAY, SIYA'Y ATING KALIWANAGAN!

Marso 30, 2013 - Sabado de Gloria
Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay - (K) - Puti
(Gn 1:1-2:2 o 1:1, 26-31a/Aw 104/Gn 22:1-18 o 22:1-9a, 10-13, 15-18/Aw 16/Ex 14:15-15:1/Ex 15/Is 54:5-11/Aw 30/Is 55:1-11/Is 12/Bar 3:9-15, 32-48/Aw 19/Ez 36:16-17, 18-28/Aw 42 o Aw 51/Rom 6:3-11/Aw 118/Lk 24:1-12)

Isang mapagpala at maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa ating lahat!

Wala nang laman ang libingan ng Panginoon? Saan napunta ang bangkay ni Hesus? Hindi ba binantayan ng maigi ang libingan Niya? Kung ganon nga, bakit nawala ang bangkay ni Kristo? Hindi ba't pinagbantayan ng mga Pariseo sa mga bantay ni Pilato ang libingan ni Hesus? Paanong nawala ang isang bangkay?

Noong namatay at inilibing si Hesus, hindi lamang nakuntento ang mga Pariseo doon. Hindi kuntento sila na pinatay si Hesus. Ang gusto pa nila, panatilihing patay si Hesus. Gusto nilang patunayan na hindi totoo ang mga sinasabi ni Hesus. Pinapatunay nila na hindi si Hesus ang Mesiyas na ipinangako ng Diyos.

Nagkamali sila! Hindi nila kayang panatilihing patay ang Panginoon. Pagsapit ng ikatlong araw, si Kristo ay muling nabuhay. Siya ay lumabas mula sa Kanyang libingan nang buong kaluwalhatian. Pinatunayan ni Hesus na Siya nga ang ipinangakong Mesiyas. Nagtagumpay ang Panginoon laban sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan! Hindi nagtapos ang lahat sa Biyernes Santo.

Tumawid mula kamatayan patungo sa buhay ang Panginoon. Samahan natin ang Panginoon sa pagtawid patungong buhay. Huwag tayong manatili sa kadiliman ng kasalanan at kamatayan. Ang mga iyon ay pinagtagumpayan na ni Hesukristo! Dapat, sa halip na manatili sa kadiliman, magsama-sama tayo ni Hesus patungo sa bagong buhay.

Ayon sa Mahal na Kardinal na si Luis Antonio Tagle, tayo pong lahat ay may mga libingan. Hindi mga literal na libingan. Ang mga libingan na itinutukoy ni Kardinal Chito Tagle ay ang libingan ng ating pagkakasala. Maaaring libingan ng bisyo, ganid, karahasan, korapsyon, etc. Huwag tayong manatili doon. Nabuhay na si Hesus at pinagtagumpayan Niya ang kapangyarihan ng kamatayan. Katulad ni Hesus, kaya rin nating magtagumpay laban sa kasalanan, at lumabas mula sa ating mga libingan ng kasalanan.

Huwag tayong bumalik sa kadiliman kapag nakatawid na tayo. Manatili tayo sa kaliwanagan. Mas maganda ang pamumuhay sa kaliwanagan. Hindi makakatulong sa atin ang kadiliman. Kung tunay tayong mga Pilipinong mananampalataya kay Kristo, dapat tumatawid tayo tungo sa liwanag. Ang liwanag ng Diyos.

Halimbawa, kapag tinigil natin ang paninigarilyo o pag-inom ng alak, huwag na tayong bumalik sa paninigarilyo o pag-inom ng alak. Kung tinigilan natin iyon, huwag nating gawin iyon uli. Ang pagsasabi ng tinitigil natin ang ating bisyo, ngunit ginagawa pa rin ito ng lihim, iyan ay isang pagpapanggap lamang. Bahagi iyan ng kaekekan, paborloloy, plastik.

Kapag nagbabagong-buhay tayo, huwag natin gawin itong biro. Dapat seryoso tayo sa pagbabagong buhay. Hindi tama ang pagtigil sa isang bisyo, ngunit, pagkatapos ng ilang taon o buwan, babalik uli sa bisyo na iyon. Iyan ang hindi ang pagbabago na nais ng Diyos. Nais ng Diyos na magbago ang ating puso at isip. Mula sa pagiging masama, dapat mas maging mabubuting tao tayo. Magbagong buhay tayo at huwag na tayong bumalik sa dating pamumuhay ng masama.

Tahimik nating pasalamatan si Hesus sa pagpapakita Niyang pagtawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Si Hesus ay tumawid mula kamatayan patungong buhay. Lumabas nawa tayo sa mga libingan ng mga kasalanan natin at lumabas kasama si Hesus. Tapos na ang Kuwaresma, dapat sumibol tayo sa pagbabagong buhay at pananampalataya.

Muli po, maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento