Sabado, Marso 16, 2013

"OSANA!" AT "IPAKO SA KRUS!"

Marso 24, 2013
Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon - (K) - Pula
(Lk 19:28-40/Is 50:4-7/Aw 22/Fil 2:6-11/Lk 22:14-23:56 o 23:1-49)

Ngayong Linggong ito ay sinisimulan natin ang mga Mahal na Araw o ang Paggunita sa Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Sa mga araw na ito, pinagninilayan natin ang Misteryo Paskwal. Inilalarawan ng Misteryo Paskwal kung gaano tayo kamahal ng Diyos at isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus.

Dalawa ang ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito. Ang isa ay napakinggan natin bago nagsimula ang ating Misa at ang pangalawa naman ay napakinggan natin sa Misa mismo. Ang Ebanghelyong napakinggan natin sa Pagbabasbas sa mga Palaspas ay tungkol sa Matagumpay na Pagpasok ni Kristo sa Herusalem. Ang pangalawang Ebanghelyo ay napakahaba (kaya ipinaikli ito para sa ilang Misa). Ito po ay ang Salaysay ng Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Kristo. Pagnilayan po natin muna ngayon ang unang Ebanghelyo.

Noong pumasok ang Panginoon sa Herusalem, Siya'y sinalubong ng mga tao katulad ng isang masikat na tao. Ang Panginoon ay pinagkakaguluhan, Siya'y pinag-uusapan ng lahat ng mga tao sa Herusalem. Namamangha ang lahat ng mga tao kay Kristo Hesus. Isa Siyang dakilang guro. Wala Siyang katulad. Iba Siya sa lahat ng mga taong nakita nila buong buhay nila.

Ano ang iwinawagayway ng mga tao pagpasok ni Hesus sa lunsod? Palaspas. Ano ang isinasakay Niya noong pumapasok Siya sa Herusalem? Isang asno. Sa pamamagitan nito, pinapakita sa atin ni Hesus na magpakumbaba sa kabila ng matinding kasikatan. Nagpapakumbaba si Hesus at iyan ay isang halimbawang dapat nating tularan.

Dalawang tao ang naiisip ko ngayon. Ang Mahal na Kardinal ng Maynila na si Luis Antonio "Chito" Tagle, at ang Bagong Santo Papa na si Francisco. Silang dalawa rin po, para sa akin, ay mga huwaran ng pagpapakumbaba. Tunay ngang, sumusunod ang dalawang masisikat na taong ito ang pagpapakumbaba ni Hesus. Sa kabila ng kanilang mataas na posisyon sa Simbahan, sila'y nanatiling mapagpakumbaba.

Ngayon, dumako na tayo sa salaysay ng Pasyon ng ating Panginoong Hesukristo. Napakaraming taong tumalikod kay Hesus. Si Hesus ay tinalikuran ng Kanyang mga alagad. Sila pa naman ang mga pinagkakatiwala ni Hesus. Ipinagkanulo ang Panginoon ni Hudas Iskariote. Siya'y tatlong beses itinatwa ni San Pedro. Ibinigay naman ni Hesus ang mga susi ng langit kay Pedro. Noong ipinapahayag ni Simon Pedro na ipagtatanggol niya ang Panginoon mula sa kamatayan, alam ni Kristo na hindi mangyayari ang sinasabi ni San Pedro.

Ang mga taong na nagbigay-pugay sa Panginoon noong mga nakaraang araw ay tumalikod na sa Kanya. Napakasakit para kay Kristo na ang mga taong ito ay tatalikod at magkakanulo sa Kanya. Pinili nila si Barrabas nang pinagpilian sila ni Pilato. Ang sigaw ng mga tao ay naging, "Ipako siya sa krus!" Ang mga taong ito ay nagbalimbing, ika nga.

Hindi lamang ang mga Hudyong iyon ang nagbalimbing. Hindi pananagutan ng mga Hudyo ang pagkamatay ng Panginoon sa Krus. Tayo ang may pananagutan ng pagpanaw ng Panginoon sa Krus. Hindi ang mga Hudyo ang pumatay kay Hesus, tayo ang pumatay kay Hesus. Hindi ang mga Hudyo ang nagbalimbing kay Hesus, tayo ay nagbalimbing laban kay Hesus. Kumukontra tayo sa biyaya ng Diyos. Sa pamamagitan ng ating mga pagkakasala, tayo ay lalo pang lumalayo at tumatalikod sa Panginoong Diyos. Isang pamamaraan iyon ng pagbabalimbing sa Diyos. Ginawa ng Diyos ang lahat para sa ating kabutihan. Napakaraming pagpapala ang tinatanggap natin mula sa Diyos araw-araw, ngunit tatalikuran pa naman natin ang Panginoong Diyos.

Dahil sa Dakilang Pagmamahal ng Panginoon, tinanggap Niya ang bawat sakit at pagdurusa alang-alang sa atin. Hinayaan Niyang hamakin, yurakan, luraan, at lahat ng pamamaraan ng pambabastos sa Kanyang sarili. Ano ang dahilan? Mahal na mahal Niya tayo. Tiniis Niya ang lahat ng pananakit sa Kanya para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng hindi pagtanggol sa sarili, inililigtas Niya tayo mula sa kasamaan dahil sa Pag-ibig ng Panginoong Diyos sa atin.

Tanungin natin ang ating sarili araw-araw. Tinatanggap ba natin ang pagmamahal ng Diyos para sa amin? Tinatanggap ba natin ang kusang pagpapakasakit Niya para sa amin? O kaya tinatalikuran natin ang mga pagtitiis at pagpapakasakit Niya para sa amin? Ano ang sigaw natin sa Diyos? "Osana sa Anak ni David," o, "Ipako siya sa krus?"

Nawa, sa mga Mahal na Araw na ito, pagnilayan natin ang Dakilang Pagmamahal ng Panginoong Diyos nang ialay Niya ang Kanyang sarili sa Krus ng Kalbaryo. Habang pinagninilayan at pinagmumuni-muni natin ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo, isipin rin natin kung gaano Niya tayo kamahal at namatay Siya para sa ating kaligtasan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento