Linggo, Hunyo 23, 2013

ANG DAKILANG PAG-IBIG NI JESUS AT ANG PAGSUNOD SA KANYA

Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde 
(Zacarias 12:10-11; 13:1/Salmo 62/Galacia 3:26-29/Lucas 9:18-24) 

Tatlo po ang mga bahagi ng ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Ang una ay tungkol sa pahayag ni San Pedro Apostol kung sino si Jesus. Ang pangalawang bahagi ay tungkol sa unang pagpapahayag tungkol sa Kamatayan ng Panginoon. Ang pangatlong bahagi ay ang mga kundisyon ng pagiging mga alagad ni Kristo. 

Sa unang bahagi, tinatanong ni Jesus ang kanyang mga alagad kung sino Siya. Una Niyang tinanong kung sino Siya sa mga tao. Maraming mga sagot, katulad ni Juan Bautista, Elias, o ang mga propeta sa Matandang Tipan. Ngayon, tinanong naman ng Panginoon ang mga alagad Niya - sino Siya para sa inyo? Sino si Jesus para sa inyo? Sino si Jesus para sa atin?

Sumagot si Pedro para sa mga alagad. Ano ang sagot ni Pedro? Si Jesus ay ang Mesiyas. Tama ba ang sagot niya? Alam nating lahat na tama ang sagot ni Pedro. Tunay ngang si Jesus ang Mesiyas na ipinangakong magliligtas sa bayang Israel. Ang Panginoong Jesukristo ang Mesiyas na magliligtas sa sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. 

May pagkakaiba ang bersyon na ito sa bersyon na mababasa sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo. Pagkatapos ipahayag ni San Pedro na si Jesus ang Mesiyas, ibinigay ni Jesus kay Pedro ang mga susi ng kaharian ng langit. Sa bersyon na ito sa Mabuting Balita ayon kina San Marcos at Lucas, walang binanggit tungkol dito. 

Dumako naman tayo sa pangalawang bahagi ng ating Ebanghelyo. May isang rebelasyon si Jesus sa mga alagad. Oo, Siya nga ang Mesiyas, pero ang misyon Niya ay nakakagulat. Ang misyon Niya ay ibalik ang kapayapaan, kaayusan, at katarungan, pero sa ibang paraan. Ang paraan ng pagbabalik nito ay ang magpakasakit at mamatay para sa kaligtasan.

Alam po ninyo, noong kapanahunan ni Kristo, ang mga Israelita ay bihag ng mga Romano. Lahat ng mga utos ng imperyo ng Roma, kinailangan nilang sundan. Nagpangako ang Diyos na ipapadala Niya ang Mesiyas upang iligtas ang bayang Israel mula sa kasamaan. Ang iniisip nila ay ililigtas sila ng Mesiyas sa politikal na paraan. Inaasam nila na ibabagsak ng Mesiyas ang pulitiko ng mga Romano. Inaasam nila na magpoprotesta sila, maghihimagsik sila, kapag nariyan na ang Mesiyas, upang pabagsakin ang mga Romano. 

Pero, si Jesus, iaalay Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Bakit? Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Ang dakilang pagmamahal Niya sa atin ay ang dahilan. Kaya, nagpakasakit Siya, namatay sa Krus, at muling nabuhay sa ikatlong araw para sa atin. Ginawa Niya ito upang palayain tayo mula sa ating pagkakasala at kamatayan (pisikal at espiritwal). 

Ang ikatlong bahagi ay ang kundisyon ng pagiging alagad ni Jesus. Hindi madali maging isang tagasunod ng Panginoon.  Paanong maging alagad ni Jesus? Tularan Siya. Pasanin ang ating krus araw-araw at sumunod sa Kanya. Maging handang sumunod kay Jesus. Talikuran ang sarili. Magpakumbaba. Humangad na mag-alay ng buhay para sa kapwa-tao, gaya ng Panginoong Jesukristo. 

Ang krus ay ang tanda ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin. Ito'y tanda ng pagpapakumbaba ng Diyos at pag-aalay ng buhay alang-alang sa atin. Ang ating krus. Ito'y naging tanda ng dakilang pag-ibig sa atin ng Diyos. Si Jesus ay hindi sumuko at nanatiling tapat sa kalooban ng Ama. Ganyan tayo kamahal ng Diyos. 

Ang pag-ibig ng Diyos ang siyang may kapangyarihan upang pagtagumpayan ang kasamaan. Kayang baliktaran ng pag-ibig ng Diyos ang kasamaan sa ating lipunan. Hinihilom nito ang mga sugat ng pagkakanulo, kamalian, at kataksilan. Iyan ang pag-ibig ng Diyos na ipinamalas ni Jesus. Ipinamalas ni Jesus ang pag-ibig na handang ibigay ang lahat. Binibigay ni Jesus ang lahat, kahit ang Kanyang buhay nawala sa Kanya, para sa ating lahat.

Mga kapatid, isang hamon mula sa ating Panginoong Jesukristo. Talikuran ang sarili at ipasan ang ating krus. Ang mga umiibig sa buhay makasalanan, hindi matatagpuan at mararamdaman ang pag-ibig ng Diyos at hindi makakatanggap ng bagong buhay mula sa Diyos. Ngunit ang tumalikod mula sa buhay makasalanan, mararamdaman ang pag-ibig ng Diyos. Sila rin ay makakapamuhay at makatatanggap ng bagong buhay, isang grasya at pagpapala mula sa Diyos. 

Tularan natin si Jesus. Binibigay ang lahat para sa lahat. Dapat ganyan rin po tayo. Handang ibigay ang lahat, walang kakulangan. Maging handa paglingkuran ang kapwa-tao dahil sa pag-ibig sa kanila. Tandaan, ang pag-ibig ng Diyos ay iba sa romantikong pag-ibig. Ang pag-ibig ng Diyos ay ang pag-ibig na nagbibigay ang lahat, walang kakulangan. Higit sa lahat, maging handang sumunod, tumalima, at ibigay ang lahat sa Diyos. Sapagkat walang kabuluhan, walang kwenta ang ating buhay kung wala lugar ang Diyos sa ating buhay. Namumuhay tayo dahil sa Diyos at dapat tayong mamuhay para sa Diyos.

Mga kapatid, handa ba tayong talikuran ang lahat, pati ang ating mga sarili upang sundan si Jesus? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento