Linggo, Oktubre 6, 2024

PANGARAP PARA SA KABILANG BUHAY

2 Nobyembre 2024 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 103/Roma 8, 31b-35. 37-39/Juan 14, 1-6


Mula sa pagkabata, ang bawat tao ay mayroong mga pinapangarap sa buhay. Hindi lamang para sa sarili ang mga pinapangarap sa buhay ng marami. Mayroon ring mga pangarap para sa pamilya, kaibigan, at iba pang mga mahal sa buhay ang ilan. Pati na rin ang mga lingkod-bayang tunay ngang umiibig at nagmamalasakit sa mga bayang kanilang pinaglilingkuran, mayroon rin silang mga pangarap at hangarin. 

Kung tayong mga tao ay mayroong mga pangarap sa buhay dito sa lupa, ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na dapat magkaroon rin tayo ng pangarap para sa buhay sa kabila. Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan na may kabilang buhay na dapat paghandaan. Dalawa lang naman ang pagpipilian - langit o impyerno. 

Inilaan ng Simbahan ang araw na ito para sa pagdiriwang ng Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano. Ang araw na ito ay inilaan ng Inang Simbahan para sa taimtim na pananalangin para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo. Hindi mananatili sa Purgatoryo magpakailanman ang mga kaluluwang naroroon. Pansamantala lamang ang kanilang pananatili roon. Naroroon sila sa Purgatoryo upang lalo pa silang linisin bilang paghahanda para sa kanilang pagpasok sa walang hanggan at maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit. Kailangan nila ang ating mga panalangin para sa kanila upang lalo pang mapabilis ang proseso ng kanilang pagpasok sa langit. 

Sa Unang Pagbasa, nanalangin si Judas Macabeo para sa mga yumao dahil naniwala rin siya na muli silang bubuhayin ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, buong pananalig at tiwalang inihayag ni Apostol San Pablo na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili bilang Daan, Katotohanan, at Buhay. 

Ang Diyos ay ipinakilala bilang Diyos na tunay ngang mapagmahal at maawain sa tanan at kaligtasan ng lahat ng mga tapat at banal sa Salmong Tugunan (Salmo 103, 8a; Salmo 36, 39a). Isa lamang ang pinapangarap ng mga kaluluwang dinadalisay sa Purgatoryo - makapiling ang Panginoong Diyos na puspos ng awa, habag, at pag-ibig magpakailanman. Lagi tayong manalangin sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Daan, Katotohanan, at Buhay, para sa kanila. Manalangin tayo na nawa'y ipakita sa kanila ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang awa, habag, at pag-ibig nang sa gayo'y lalong mapabilis ang proseso ng kanilang pagpasok sa langit kung saan ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling ay kanilang matamasa. 

Gaya ng mga banal sa langit at ng mga kaluluwa sa Purgatoryo, maging pangarap rin natin ang pagtamasa ng biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit. Ilaan rin natin ang bawat sandali ng pansamantala nating buhay sa lupa sa puspusang paghahanda ng ating mga sarili para sa kabilang buhay - sa buhay na kapiling ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa langit. 

Sabado, Oktubre 5, 2024

O BAYAN NG DIYOS

1 Nobyembre 2024 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 


"Panginoon, ang bayan Mo ay dumudulog sa Iyo" (Salmo 23, 6). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito na inilaan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal. Ang mga banal sa langit na pinararangalan natin sa araw na ito ay bumubuo sa tinatawag na Simbahang Nagtagumpay. Ito ang tawag sa kanila sapagkat napagtagumpayan nila ang lahat ng mga tukso at pagsubok sa buhay dito sa mundong ito. Gaano mang karami at katindi ang mga tukso at pagsubok sa buhay sa lupa, ipinasiya pa rin nilang manatiling tapat sa Diyos. Kaya naman, ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ay kanilang natamasa. Namumuhay sila kapiling ng Diyos sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Juan ang kaniyang mga nakita sa isang pangitain tungkol sa langit. Nagkaroon siya ng pangitain tungkol sa buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit. Ang lahat ng mga nagtamasa ng biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ay nagpupuri at sumasamba sa Kaniya nang walang humpay. 

Inilarawan sa pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang mga katangian ng mga tunay na mapapalad sa paningin ng Diyos. Ang mga katangiang inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay kinalulugdan ng Diyos. Kung ninanais nating maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, kinakailangan nating isabuhay ang mga katangiang inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Matutuwa ang Diyos sa atin kapag nakikita Niyang isinasabuhay natin ang mga birtud na ito. 

Ano naman ang ugnayan ng Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ebanghelyo? Isa lamang ang nais isalungguhit ng mga ito - tayong lahat ay mayroong pagkakataong maging bahagi ng bayan ng Diyos. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Diyos na maging bahagi ng Kaniyang bayan. Nakasentro ang pangaral ni Apostol San Juan na inilahad sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit ito ang pasiya ng Panginoon. Pag-ibig. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Panginoon para sa ating lahat, niloob Niyang anyayahan tayong lahat na maging bahagi ng Kaniyang bayan. 

Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, mayroon tayong pagkakataong maging bahagi ng Kaniyang bayan. Tinanggap ng lahat ng mga banal sa langit ang paanyayang ito ng Panginoong Diyos. Kaya naman, ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit ay kanilang natamasa. Ano ang ating pasiya? 

Biyernes, Oktubre 4, 2024

NAIS NIYA TAYONG MAGPAKATOTOO

27 Oktubre 2024 
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Jeremias 31, 7-9/Salmo125/Hebreo 5, 1-6/Marcos 10, 46-52 


"Ano ang ibig mong gawin Ko sa iyo?" (Marcos 10, 50). Ito ang tanong ng Poong Jesus Nazareno kay Bartimeo sa Ebanghelyo. Bagamat hindi Niya kinailangang tanungin ito dahil nababatid naman Niya kung ano ang nais ni Bartimeo, tinanong Niya ito upang bigyan si Bartimeo ng pagkakataong maging totoo sa sarili. Nais Niyang marinig mula sa mga lumalapit sa Kaniya kung ano ang tunay na laman ng kanilang mga puso. Sa pamamagitan nito, lalo pang lalalim ang kanilang pananalig sa Kaniya. 

Bilang tugon sa tanong sa kaniya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, si Bartimeo ay hindi nagpaligoy-ligoy. Sa halip na magpaligoy-ligoy, nagpakatotoo si Bartimeo. Ang katotohanan tungkol sa kaniyang tunay na hangarin ay hindi niya ikinubli at itinago. Nang bigyan siya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ng pagkakataong ipahayag ang tunay niyang hangarin, buong pananalig niyang ginamit ang pagkakataong ito. Hindi sinayang ni Bartimeo ang pagkakataong magpakatotoo sa Mahal na Poon. 

Ipinahiwatig ng sagot ni Bartimeo sa tanong sa kaniya ng Poong Jesus Nazareno ang kaniyang pananalig at tiwala sa mga salita sa Unang Pagbasa. Nanalig si Bartimeo na tutuparin ng Panginoong Diyos ang pangakong ito sa takdang panahon. Kaya naman, nang mabalitaan niyang dumaraan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lugar na kung saan siya namamalimos, hindi niya sinayang ang pagkakataong idulog sa Poong Jesus Nazareno ang kaniyang hiling. Hindi ikinahiya ni Bartimeo ang tunay na laman ng kaniyang puso at loobin. Ang kaniyang pananalig ay nanaig. 

Sa Ikalawang Pagbasa, si Jesus Nazareno ay ipinakilala bilang dakilang saserdote na hinirang at itinalaga ng Diyos bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ipinasiya itong gawin ng Diyos dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Kaya naman, gaya ng sabi ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan, napupuspos tayo ng tuwa dahil sa dakilang gawang ito na tunay ngang kahanga-hanga. Gaya ni Bartimeo na natuwa nang labis matapos siyang pagalingin ni Jesus Nazareno, tayong lahat ay puspos ng galak at tuwa dahil sa Kaniya, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Tayong lahat ay binibigyan ng Poong Jesus Nazareno na buksan natin ang ating mga sarili at magpakatotoo sa Kaniya. Kahit nalalaman naman Niya kung ano ang laman ng ating mga puso, nais pa rin Niya ito marinig mula sa atin. Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan Niyang magpakatotoo sa Kaniya. 

Huwebes, Oktubre 3, 2024

KABUTIHAN, KATUWIRAN, AT KABANALAN

25 Oktubre 2024 
Biyernes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Efeso 4, 1-6/Salmo 23/Lucas 12, 54-59 






"Bakit hindi ninyo mapagpasiyahan kung alin ang matuwid?" (Lucas 12, 57). Isa ito sa mga tanong ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga tao sa Banal na Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng nasabing tanong, ang katotohanan tungkol sa mga nakararami ay Kaniyang isinalungguhit. Ang pagiging matuwid, mabuti, at banal ay hindi binibigyan ng halaga ng nakararami. 

Isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa ilan sa mga aspeto ng pananampalatayang Kristiyano. Gaya ng kaniyang mga kasamahan noon at ng iba pang mga banal na tao na sumunod sa kanila sa paglipas ng panahon, ang pananampalatayang Kristiyano ay ipinasiyang pahalagahan ni Apostol San Pablo hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay sa mundong ito. Kahit na ang naging kapalit nito ay ang kaniyang sariling buhay, taos-puso pa ring ipinasiya ni Apostol San Pablo na pahalagahan, ipalaganap, at manindigan para sa Simbahan. 

Sa Salmong Tugunan, inilarawan ang katangian ng bayan ng Panginoong Diyos. Ang bayan ng Diyos ay dumudulog sa Kaniya dahil taos-puso ang kanilang pananalig at pagsamba sa Kaniya bilang Diyos at Panginoon. Ang pagpapahalaga nila sa Diyos ay lagi nilang pinatutunayan sa pamamagitan ng taos-pusong pakikinig at pagsunod sa Kaniya na Siyang unang umibig sa kanila.

Nais ng Poong Jesus Nazareno na pahalagahan natin ang kabutihan, katuwiran, at kabanalan dahil ito ay kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Kapag ginawa natin ito, pinatutunayan nating tapat at dalisay ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno.