28 Nobyembre 2025
Biyernes ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Daniel 7, 2-14/Daniel 3/Lucas 21, 19-33
Larawan: Pieter Huys (circa 1519–circa 1581), The Last Judgment (c. Between circa 1555 and circa 1560). Walters Art Museum. Public Domain.
Nakasentro sa mga kaganapan sa wakas ng panahon ang mga Pagbasa. Sa wakas ng panahon, darating muli ang Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom. Katulad ng una Niyang pagdating sa sansinukob bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na magdudulot ng pag-asa sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay, darating Siya muli upang magdulot muli ng pag-asa. Hindi ito katulad ng pag-asang dulot ng daigdig. Ang pag-asang kaloob ng tunay na Hari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na pag-asa.
Sa Unang Pagbasa, namalas ni Propeta Daniel ang kaningningan at kaluwalhatian ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoon sa isang pangitain. Sa Ebanghelyo, isinentro ng Panginoong Jesus Nazareno ang Kaniyang pangaral sa mga magaganap sa wakas ng panahon. Sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa isang puno ng igos at iba pang mga punongkahoy, inilarawan Niya nang buong linaw kung ano ang mga magaganap sa Kaniyang muling pagdating.
Bilang paghahanda para sa Kaniyang pagdating, inanyayahan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang lahat na dakilain at purihin ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos magpakailanman. Kapag ito ang ipinasiya nating gawin, ating pinatutunayang nananalig at umaaasa tayo sa Kaniya nang taos-puso. Maipapahayag natin ito sa pamamagitan ng mga salita at gawa.
Lagi nating dakilain ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag nating nananalig at umaaasa nga tayo sa Kaniya nang taos-puso.
.jpg)

.jpg)








.jpg)
.jpg)
.jpg)
