Martes, Hunyo 9, 2020

SA BANAL NA MISA, TAYONG LAHAT AY KANYANG PINAPAKAIN AT PINAPAINOM

14 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (A) 
Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a/Salmo 147/1 Corinto 10, 16-17/Juan 6, 51-58 




Tuwing sasapit ang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon, ipinapaalala sa atin na Siya'y puno ng awa at pag-ibig para sa ating lahat. Katunayan, lagi itong ipinapaalala sa bawat isa sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya. Iyon nga lamang, ang paaalalang ito ay mas binibigyan ng pansin sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon. Ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang awa at pag-ibig para sa bawat isa sa atin sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang Katawan at Dugo.

Ibinibigay ni Kristo ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa bawat isa sa atin sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya, si Kristo ay dumarating upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo sa bawat isa sa atin. Hindi lamang isang simbolo o sagisag ni Kristo ang ostiya at alak. Hindi lamang basta alak o tinapay ang ating tinatanggap sa Banal na Pakikinabang o Komunyon. Bakit? Si Kristo iyon. Ang presensya ni Kristo sa Banal na Eukaristiya ay tunay at totoo. Tunay ngang nasa Eukaristiya ang Panginoon. Si Hesus mismo ang ating tinatanggap. Si Hesus talaga iyan. 

Napaklinaw ng mga sinabi ni Hesus nang itatag Niya ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa Huling Hapunan, "Ito ang Aking Katawan . . . Ito ang Aking Dugo" (Mateo 26, 26-28; Marcos 14, 22-24; Lucas 22, 17-20). Hindi na dapat pagdudahan pa ang presensya ni Kristo Hesus sa Banal na Eukaristiya. Siya ang nagpapakain at nagpapainom sa atin. Siya'y dumarating sa Banal na Eukaristiya upang bigyan tayo ng pagkain at inumin. Ibinibigay Niya sa atin ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya upang maging espirituwal na pagkain at inumin natin. Hindi lamang pisikal ang kagutuman at kauuhawang pinapawi ni Hesus kundi espirituwal rin. Pinapawi ni Hesus sa Banal na Eukaristiya ang iba't ibang kagutuman at kauuhawan ng bawat tao, lalung-lalo na ang mga hindi kayang pawiin ng anumang pagkain at inumin dito sa mundo. 

Sabi rin ni Hesus sa Ebanghelyo, "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit" (Juan 6, 51). Sabi rin Niyang hindi magkakaroon ng buhay ang mga hindi kakain ng Kanyang laman at iinom ng Kanyang dugo (Juan 6, 53). Ito rin ang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung saan sinabi niyang ang tinapay at alak na tinatanggap ng bawat isa sa banal na pagdiriwang ay walang iba kundi si Hesus mismo (1 Corinto 10, 16). Ang tinapay at alak na ating tinatanggap sa Banal na Misa ay ang Katawan at Dugo ni Kristo. Sa bawat Misa, si Kristo ay dumarating upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin. Ang tinapay at alak na pinagsasaluhan natin ay ang Katawan at Dugo ni Hesus. Hindi lamang ordinaryong tinapay at alak ang ating pinakikinabangan. Ito'y dahil ang ating tinatanggap sa Banal na Pakikinabang ay si Kristo mismo. 

Bakit ibinibigay ni Kristo ang Kanyang Katawan at Dugo upang maging pagkain at inumin natin? Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, si Kristo ay dumarating upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inuming espirituwal dahil sa Kanyang awa at pag-ibig para sa atin. Ang pagbibigay ng Panginoon ng Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Misa ay paghahayag ng Kanyang awa at pag-ibig. Kung paanong ang Panginoong Diyos ay nagpaulan ng manna mula sa langit at nagpabukal ng tubig mula sa isang malaking bato, na ipinaalala ni Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa, ibinibigay ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang espirituwal na pagkain at inumin na ating pinagsasaluhan bilang isang sambayanan sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa.

Hindi ordinaryong tinapay at alak ang kinakain at iniinom natin sa Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya, dumarating si Hesus upang ibigay sa atin ang Kanyang Katawan at Dugo bilang espirituwal na pagkain at inumin sa atin. Sa pamamagitan nito, ipinapakita Niya sa bawat isa sa atin ang Kanyang awa at pag-ibig para sa ating lahat. Kahit na tayo'y hindi karapat-dapat dahil sa dami ng ating mga kasalanan, ipinapakita ni Hesus na tayo'y tunay Niyang minamahal at kinahahabagan. 

Lunes, Hunyo 8, 2020

PANINDIGAN ANG DESISYON

13 Hunyo 2020 
Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan 
Sabado ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Hari 19, 19-21/Salmo 15/Mateo 5, 33-37 


Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagturo tungkol sa pagkakaroon ng isang salita. Ang bawat isa ay dapat magkaroon ng isang salita. Dapat maging handa ang bawat isa na panindigan at tuparin ang kani-kanyang mga pasiya. Kapag nakagawa na ng desisyon ang isang tao, kailangan niya itong tuparin at panindigan. Hindi na siya maaaring umatras sa kanyang salita. Hindi na niya ito maaaring bawiin. Anuman ang napagpasiyahan ng bawat isa ay dapat panindigan. Kailangang magkaroon ng isang salita ang bawat isa. Ang mga napagpasiyahan ay dapat isagawa nang may paninindigan. Wala nang atrasan o bawian. 

Nais ng Panginoong Hesus na panindigan natin ang anumang pagpasiyahan natin sa buhay, lalung-lalo na pagdating sa mga usaping espirituwal. Ayaw ni Kristo na mayroong aatras o babawi ng mga ipinangako, lalung-lalo na kung ang bawat isa ay nangako sa Panginoong Diyos. Kailangan nating pag-isipang mabuti ang mga pagpapasiyahan natin, lalung-lalo na pagdating sa Panginoon. Oo o hindi lang ang itatanong sa atin ng Diyos. Subalit, kahit oo o hindi ang ating isasagot sa Diyos, hindi biro ang laki at ang kabigatan nito. 

Ito ang katangiang ipinakita ni Eliseo sa Unang Pagbasa. Ipinasiya ni Eliseo na sumunod kay propeta Elias. Malinaw ang kanyang sinabi: "Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo" (1 Hari 19, 20). Tinupad ni Eliseo ang kanyang sinabi kay propeta Elias. Pinanindigan niya ang kanyang desisyon. Ipinasiya niyang sumunod kay propeta Elias, iyon ang kanyang ginawa matapos magpaalam sa kanyang pamilya. Buong katatagang pinanidigan ni Eliseo ang kanyang ipinangako kay propeta Elias. Sumunod siya sa propetang si Elias. Hindi siya umatras o bumawi sa ipinangako. 

Tulad ni Eliseo sa Unang Pagbasa, si San Antonio de Padua ay gumawa ng mga mahahalagang desisyon sa buhay. Subalit, iisa lamang ang kanyang ipinasiya sa buhay - ang pumanig sa Panginoon. Kapag may mga mahahalagang desisyon na kailangan niyang gawin, iyon ang kanyang desisyon. Lagi ipinasiya ni San Antonio de Padua na pumanig sa Diyos gaano mang kahirap itong gawin. Tulad na lamang ng pagkakataon kung saan siya'y nangaral sa mga erehe. Kahit ayaw tanggapin ng mga erehe ang Mabuting Balitang kanyang ipinangaral, hindi siya bumawi mula sa kanyang mga pasiya. Hindi niya binago ang Mabuting Balita. Hindi siya nangaral tungkol sa mga gustong marinig ng mga tao. Hindi niya binago ang Ebanghelyo para matuwa sa kanya ang mga erehe. Hindi niya iyon ginawa. Bagkus, patuloy niya itong ipinangaral. Patuloy siyang sumaksi sa katotohanan ng Mabuting Balita. Ipinangaral niya ito sa mga isda. Ang mga isda ay nakinig sa kanya. Iyan ay mas kilala bilang Himala ng mga Isda. Nangaral siya sa mga isda, at ang mga isda ay nakinig sa kanya. 

Lagi tayong tinatanong araw-araw kung ang Panginoon ay ating papanigan. Ang tanong na ito'y dapat nating pag-isipan at pagnilayan nang mabuti. Papanigan ba natin ang Diyos? Papanig ba tayo sa Diyos na hindi nagsawa sa pagpapakita ng awa at pag-ibig kailanman o sa mga pinunong uhaw sa dugo at kapangyarihan? Papanigan ba natin ang Kataas-taasang Diyos na naghahatid kapayapaan o ang mga makamundong pinuno na nagpapairal ng karahasan? Anuman ang ating desisyon, panindigan natin ito. 

Huwebes, Hunyo 4, 2020

WALANG KADUDA-DUDA

7 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A) 
Exodo 34, 4b-6. 8-9/Daniel 3/2 Corinto 13, 11-13/Juan 3, 16-18 


Sa mga taong napapaloob ang Simbahan sa Taon A, pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos ang pag-ibig ng Panginoon. Magandang bigyan ng pansin ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos habang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo. Ang misteryo ng Banal na Santatlo at ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos ay magkaugnay. Sa pamamagitan ng misteryo ng Banal na Santatlo, ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos ay nahayag. 

Ipinakilala ng Panginoong Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng dalawang misteryong ito na talaga namang magkaugnay. Ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang Tatlong Persona ngunit iisa. Oo, mahirap ngang ipaliwanag o unawain kung paanong ang Tatlong Persona ay iisa, ngunit sa kabila nito, makikita natin ang pag-ibig ng Diyos. Sa misteryo pa lamang ng Banal na Santatlo, nahayag ang pag-ibig ng Panginoon. Ang Banal na Santatlo na binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ay hindi nag-agawan ng kapangyarihan kailanman. Hindi naging magkaribal o magkakumpentensya ang Banal na Santatlo. Ang kayabangan ay hindi umiral sa ugnayan ng Banal na Santatlo kailanman. Bagkus, ang Banal na Santatlo ay laging namuhay nang may pag-ibig sa Isa't Isa. Pag-ibig ang umiral sa ugnayan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Pag-ibig ang pinairal ng Banal na Santatlo. Ang pag-ibig na ito ay ang bumuklod sa Ama, Anak, at Espiritu Santo sa Isa't Isa. Ibinahagi rin ng Diyos ang pag-ibig na ito sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa sangkatauhan, nagpakilala ang Diyos bilang isang mapagmahal na diyos. Ang tunay at nag-iisang Diyos, ang Banal na Santatlo, ay puspos ng pag-ibig. 

Binigyan ng pansin sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang pagpapakilala ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Diyos ay nagpakilala sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang pag-ibig. Ginawa ito sa pamamagitan ng Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus. Si Hesus ay dumating upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, ipinakita at ibinahagi ng Diyos ang Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng dakilang gawaing ito, ang Banal na Santatlo ay nagpakilala sa sangkatauhan. Ipinakita ng Diyos, ang Banal na Santatlo, na Siya'y tunay na mapagmahal. Dahil sa pag-ibig, tinubos Niya ang sangkatauhan. Iyan ang Banal na Santatlo. Iyan ang Diyos. 

Nagpakilala ang Panginoong Diyos sa Bundok ng Sinai sa Unang Pagbasa bilang isang diyos na "mapagmahal at maawain" (Exodo 34, 6). Walang sawa Niya itong pinatunayan sa mga sumunod na panahon. Lagi Niya itong pinatunayan. Hindi Siya tumigil kailanman. Ang pinakadakilang larawan ng pag-ibig ng Diyos, ang Banal na Santatlo, ay si Kristo. Sa pamamagitan ni Kristo, ang pag-ibig ng Banal na Santatlo ay nahayag sa lahat ng tao. Dahil sa pag-ibig, niloob ng Banal na Santatlo, ang kaisa-isa at kataas-taasang Diyos, na matubos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Diyos Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. Tunay ngang mapagmahal at maawain ang Diyos, ang Banal na Santatlo. Walang kaduda-duda na ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at awa. 

Hindi lalayo pa ang mga sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang Diyos ay ipinakilala ni Apostol San Pablo bilang "Diyos ng pag-ibig at kapayapaan" (2 Corinto 13, 11). Pag-ibig at kapayapaan ang pinairal ng Banal na Santatlo. Ito rin ang ibinahagi ng Banal na Santatlo sa lahat ng tao. Ang Banal na Santatlo ay hindi nagpairal at nagbahagi ng gulo at dahas. Bagkus, pag-ibig at kapayapaan.

Ang Banal na Santatlo ay puspos ng pag-ibig, awa, at kapayapaan. Hindi na ito dapat pagdudahan pa. 

Huwebes, Mayo 28, 2020

INA NG SIMBAHAN, INA NG AWA

1 Hunyo 2020 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 86/Juan 19, 25-34 


Sa araw na ito na inilaan ng Simbahan sa paggunita sa Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Simbahan, magandang bigyan ng pansin ang kanyang titulo bilang Ina ng Awa. Napakalinaw ng ugnayan ng dalawang titulong ito sa isa't isa. Kilala o tinatawag na Ina ng Awa ang Mahal na Birheng Maria dahil siya ang Ina ni Hesus, ang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Dinala niya sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ang bukal ng awa na si Hesus. Dumating sa mundo ang Panginoong pinagmulan ng awa sa pamamagitan ni Maria na naglihi't nagluwal sa Kanya. 

Ang pagdating ng Panginoong Hesus sa daigdig ay inihayag sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng Genesis. Inihayag ng Diyos na dudurugin ang ulo ng ahas. Ang dudurog sa ulo ng ahas, ayon sa pangako ng Panginoong Diyos, ay ang binhi ng babae (Genesis 3, 15). Sa pamamagitan nito, ang tagumpay at kadakilaan ng Awa ng Diyos ay mahahayag. Ang Awa ng Panginoong Diyos ay darating sa daigdig sa pamamagitan ng isang babae. Natupad ito sa pamamagitan ni Hesus at ni Maria. Si Hesus, ang Awa ng Diyos, ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria. Iyan ang dahilan kung bakit si Maria ay tinatawag na Ina ng Awa. Si Maria ay Ina ng Awa dahil sa kanya nagmula ang bukal ng awa na si Hesus. 

Nang si Hesus ay dumating sa daigdig, hindi Siya tumigil sa pagpapakita ng awa kailanman. Lagi Niyang ipinakita ang Kanyang Awa sa pamamagitan ng Kanyang mga pangaral at mga gawa. Hindi layunin ni Hesus ang magpakitang-gilas sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Ang Kanyang mga salita at gawa ay hindi pagpapakita ng galing at karunungan. Hindi Niya ipinagyayabang sa mga tao kung ano Niyang gawin. Bagkus, ang Kanyang mga salita at gawa ay mga palatandaan ng Kanyang Awa. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa, si Hesus ay nagpakilala bilang Panginoon at Hari ng Awa. 

Isang napakagandang halimbawa nito ay itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay hango sa isang bahagi ng napakahabang salaysay ni San Juan tungkol sa Mahal na Pasyon ni Kristo. Sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo, ipinagkatiwala ng Panginoong Hesukristo ang Mahal na Birheng Maria at si Apostol San Juan sa pangangalaga ng isa't isa. Iyan ang dahilan kung bakit ang Mahal na Birhen ay kinikilala bilang Ina ng Simbahan. Si Maria ay naging Ina ng Simbahan dahil sa Awa ng Panginoong Hesus. Mula sa krus, ipinakita ni Hesus ang Kanyang Awa para sa Simbahan sa pamamagitan ng pagbibigay Niya kay Maria upang maging Ina ng Simbahan. Si Maria ay ibinigay ni Hesus sa Simbahan (na noo'y kinatawan ni Apostol San Juan sa paanan ng krus) upang maging kanyang Ina dahil sa Kanyang Awa. 

Bilang Ina ng Simbahan, ang Mahal na Birheng Maria ay nagsisilbing salamin at paalala ng Awa ng Panginoong Hesukristo. Kung paanong hindi sinukuan ni Hesus ang mga apostol sa kabila ng kanilang mga kahinaan at pagkukulang, hindi rin sila sinukuan ni Maria. Sabi sa alternatibong Unang Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol na ang mga apostol ay sinamahan ng Mahal na Inang si Maria sa pananalangin matapos ang Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Hesus (Mga Gawa 1, 14). Buong kataimtimang nanalangin ang mga apostol habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu Santo. Kasama nilang manalangin ay ang Mahal na Birheng Maria. Kasama nila ang Mahal na Inang si Maria na patuloy na sumasalamin at nagpapaalala sa kanila sa Awa ng Panginoon. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay kilala bilang Ina ng Awa at Ina ng Simbahan hindi dahil sa awa na nagmumula sa kanyang sarili. Ang awang ipinapakita ng Mahal na Birheng Maria ay hindi hiwalay o magkaiba sa Awa ng Panginoon. Hindi gawa ng sarili niyang kapangyarihan ang awang kanyang ipinapakita. Bagkus, si Maria ay kilala bilang Ina ng Awa at Ina ng Simbahan dahil sa Awa ng Panginoon na patuloy niyang tinataglay at sinasalamin. Ang awang ipinapakita ng Mahal na Birhen sa lahat ng mga bumubuo ng Simbahan ay walang iba kundi ang Awa ng Diyos. Sa Panginoong Diyos nagmumula ang awang ipinapakita ng Mahal na Ina. 

Isang Ina ang ibinigay ng Panginoong Hesus sa Kanyang Simbahan. Ang Mahal na Birheng Maria ay ibinigay ni Hesus sa Simbahan upang maging kanyang Ina dahil sa Kanyang Awa. Niloob ni Hesus na ang Kanyang Inang si Maria ay maging Ina ng Simbahan dahil sa Kanyang Awa. Dahil sa Kanyang Awa, niloob ni Hesus na maging bahagi ng Kanyang pamilya ang Simbahan. 

Martes, Mayo 26, 2020

KAHANGA-HANGANG GAWA NG DIYOS

31 Mayo 2020 
Linggo ng Pentekostes (A) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13/Juan 20, 19-23 


Labis na nagulat ang mga Hudyong dumayo sa Herusalem para sa pagdiriwang ng Pentekostes sa Unang Pagbasa. Sila'y nagulat nang labis sapagkat narinig nila ang mga apostol ni Kristo Hesus na nagsasalita sa kani-kanilang mga katutubong wika, kahit na sila'y mga taga-Galilea. Alam ng mga tao na ang mga apostol ay nagmula sa Galilea. Subalit, sa kabila nito, sila'y nagsalita sa iba't ibang wika tungkol sa mga gawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga (Mga Gawa 2, 7-8. 11). Hindi nila akalain na makakapagsalita ang mga Galileong ito sa kani-kanilang mga wika. Ang bawat isa sa kanila ay paniguradong nagtaka kung paanong nangyari ito. 

Ang mga apostol ay nakilala ng mga tao. Nakilala sila bilang mga lalaking mula sa lalawigan ng Galilea. Mga simpleng tao lamang ang mga apostol. Sila ay hindi mga dalubhasa. Hindi sila tulad ng mga Pariseo, mga Saduseo, o ng mga eskriba. Sila'y mula sa iba't ibang sektor ng lipunan. May mangingisda, may maniningil ng buwis o publikano, may makabayan, at iba pa. Subalit, sa kabila nito, nakapagsalita sila sa iba't ibang wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Paano nga ba nangyari ito? Ni hindi nga sila nag-aral ng ibang wika. Ang mga wikang alam nila ay yaong mga ginagamit nila sa kanilang mga tahanan at sa kanilang bayan. 

Maliwanag na nakasaad sa unang bahagi ng salaysay sa Unang Pagbasa na bago lumabas ang mga apostol mula sa bahay na pinagtitipunan nila, ang Espiritu Santo ay pumanaog sa kanila.  Ang bawat isa sa kanila ay napuspos ng mga biyaya ng Espiritu Santo nang Siya'y pumanaog sa kanila. Nang lumabas sila mula sa bahay, nagsalita ang mga apostol sa iba't ibang wika tungkol sa Panginoon. 

Hindi lamang ang pagsasalita sa iba't ibang wika ang biyayang natanggap ng mga apostol. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: "Iba't iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito" (1 Corinto 12, 4). Ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo ay napakarami. Ang mga biyayang ito ay ipinagkakaloob ng Espiritu Santo upang ang Panginoon ay lalo pang mabigyan ng kadakilaan ng mga naglilingkod sa Kanya. Patuloy Siyang nagkakaloob ng biyaya sa mga lingkod ng Diyos. Ang mga kaloob na ito ay ginamit ng mga apostoles sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo upang mahayag sa pamamagitan nila ang kadakilaan ng Diyos. 

Sa salaysay sa Ebanghelyo, ibinigay ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang Espiritu Santo sa mga apostol (Juan 20, 22). Kahit na si Hesus ay iniwanan at tinalikuran ng mga apostoles nang Siya'y magpakasakit at mamatay (maliban na lamang kay Apostol San Juan na nasa tabi ng Mahal na Birheng Maria sa paanan ng krus), pinili pa rin Niya sila upang maging Kanyang mga saksi. Pinili pa rin ng Panginoong Hesukristo ang mga apostoles upang sumaksi sa Kanya sa iba't ibang bahagi ng daigdig sa kabila ng kanilang mga pagkukulang at kahinaan. Iyan ang dahilan kung bakit ibinigay ni Kristo ang Espiritu Santo sa mga apostol nang Siya'y magpakita sa kanila matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Walang magagawa ang mga apostol sa sariling kapangyarihan. Ang katotohanang ito ay nababatid ng Panginoong Hesus. Kaya naman, ibinigay Niya sa mga apostol ang Espiritu Santo upang sila'y samahan, tulungan, at gabayan sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi sa iba't ibang bahagi ng mundo. Ang Espiritu Santo ang tutulong sa mga apostol na maging matagumpay sa pagsaksi kay Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Tutulungan sila ng Espiritu Santo na maging mga instrumento ng Panginoon. Sa tulong ng Espiritu Santo, mahahayag sa pamamagitan nila ang kadakilaan ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga apostol, gagawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Espiritu Santo. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos ay masasaksihan ng bawat tao sa daigdig sa pamamagitan ng mga apostol at ng mga susunod sa kanila. 

Kaya naman, ang paglukob ng Espiritu Santo sa mga apostol noong Pentekostes ay isang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Ang mga apostol ay biniyayaan ng iba't ibang kaloob noong sila'y nilukuban ng Espiritu Santo. Ang mga kaloob na ito ang tumulong sa kanila na tuparin ang kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. 

Patuloy na nasasaksihan ng bawat tao sa pamamagitan ng Simbahan ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Patuloy na nasasaksihan ng lahat ng tao dito sa daigdig ang pagtulong ng Espiritu Santo sa tunay at nag-iisang Simbahan itinatag ni Kristo. Patuloy na sinasamahan, tinutulungan, at ginagabayan ng Espiritu Santo ang Simbahan. Lumipas man ang maraming taon sa kasaysayan, hindi tumigil ang Espiritu Santo sa pagtulong sa tunay at nag-iisang Simbahan itinatag ni Kristo sa lupa. Tunay nga itong kahanga-hanga. 

Huwebes, Mayo 21, 2020

HINDI TAYO PABABAYAAN

24 Mayo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (A) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Mateo 28, 16-20 



Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon. Bago Siya umakyat sa langit, ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol ang kanilang misyon. Ang misyon ng mga apostol ay maging mga saksi ni Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Subalit, bago nila simulan ang misyong ibinigay ng Panginoong Hesus, kailangan nilang hintayin ang pagdating ng Espiritu Santo upang ang bawat isa sa kanila ay mapuspos ng Kanyang mga pagpapala. Ang bawat isa sa kanila ay gagabayan at sasamahan ng Espiritu Santo sa bawat sandali ng kanilang misyon. 

Ang misyong ibinigay ni Hesus sa mga apostol ay binigyan ng pansin ni San Mateo sa wakas ng kanyang Ebanghelyo. Inilarawan ni Hesus sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo na hango sa huling kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo ang misyon ng mga apostol. Ang misyon ng mga apostol ay sumaksi kay Kristo sa iba't ibang bansa sa daigdig. Napakalayo ang lalakbayin nila upang tuparin ang kanilang tungkulin bilang mga saksi ni Kristo. Sila ang magpapakilala kay Kristo sa lahat ng bansa. Iyan ang kanilang misyon. 

Bagamat iisa lamang ang binigyan ng pansin ng Unang Pagbasa at Ebanghelyo, may isang kapansin-pansing pagkakaiba. Ang Pag-Akyat sa Langit ni Kristo Hesus ay hindi inilarawan o binanggit ni San Mateo sa huling bahagi ng Ebanghelyo na hango sa huling kabanata ng kanyang Ebanghelyo. Ang mga huling salita sa huling kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo ay ang pangako ni Kristo Hesus, "Tandaan ninyo: Ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan" (Mateo 28, 20). Isang napakagandang pangako mula sa Panginoong Hesus. Lagi Niyang sasamahan ang mga apostol hanggang sa wakas ng panahon. 

Kahit na si Hesus ay naka-akyat na sa langit at nakaluklok sa kanan ng Ama, tulad ng inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa (Efeso 1, 20), hindi Niya pinabayaan ang Kanyang Simbahan sa lupa kailanman. Oo, umakyat na si Hesus sa kalangitan. Oo, nakaluklok na Siya sa kanan ng Amang nasa langit. Pero, hindi ito nangangahulugang iniwanan at pinabayaan ni Hesus ang Kanyang Simbahan. Ang Panginoong Hesukristo ay hindi nagpapabaya kailanman. Bagkus, lagi Niyang sinasamahan ang Kanyang Simbahan hanggang sa wakas ng panahon. Kahit na nakaluklok Siya sa Kanyang trono sa langit, kahit na Siya'y nakaluklok sa kanan ng Diyos Ama, hindi Niya pinababayaan ang Simbahan. Mula sa Kanyang marangal na trono sa langit, laging sinasamahan ni Kristo ang Kanyang Simbahan. 

Maraming taon ang lumipas sa kasaysayan ng daigdig. Subalit, hindi pa rin tumitigil si Hesus sa pagtupad sa Kanyang pangako bago Siya umakyat sa langit. Patuloy Niyang tinutupad ang pangako Niyang ito. Hindi tumigil ang Panginoong Hesus sa pagtupad sa pangakong ito. Bagkus, ang pangakong ito ay tinutupad Niya nang buong katapatan hanggang sa kasalukuyan. 

Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay tunay na mapalad dahil lagi tayong sinasamahan ng Panginoong Hesukristo. Kahit na hindi Siya nakikita ng ating mga mata, kasama pa rin natin Siya. Siya'y lagi nating kasama. Hindi Niya pababayaan ang Simbahan. Hindi Niya tayo pababayaan kailanman. Siya'y lagi nating kasama, kahit na Siya'y nakalulok sa Kanyang trono sa langit. Mula sa langit, tayong lahat na bumubuo sa Kanyang Simbahan dito sa daigdig ay lagi Niyang sinasamahan at pinagmamasdan. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. 

Huwebes, Mayo 14, 2020

MAY PUMAPATNUBAY SA ATIN

17 Mayo 2020 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Mga Gawa 8, 5-8. 14-17/Salmo 65/1 Pedro 3, 15-18/Juan 14, 15-21 


Ipinangako ni Hesus sa mga apostol sa Ebanghelyo para sa araw na ito na sila'y sasamahan at papatnubayan ng Espiritu Santo sa bawat sandali ng kanilang buhay (Juan 14, 16-17). Ang mga apostol ay may kasama sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Bukod pa roon, hindi lamang basta isang kasama sa paglalakbay kundi isa ring Patnubay. Iyan ang Espiritu Santo. Sasamahan ng Espiritu Santo ang mga apostol sa bawat sandali ng kanilang pagmimisyon upang sila'y tulungan. Hindi pababayaan ang mga apostol na mahirapan at mabigo sa pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo. Sasamahan sila't tutulungan ng Espiritu Santo. 

Ang mga kaganapang tampok sa salaysay sa Unang Pagbasa ay isang maliwanag na halimbawa kung paanong ang mga apostol ay tinulungan at pinatnubayan ng Espiritu Santo. Si Apostol San Felipe ay tinulungan ng Espiritu Santo sa kanyang paglalakbay at pagmimisyon sa Samaria. Tinulungan ng Espiritu Santo si Apostol San Felipe sa pangangaral tungkol sa ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Kumilos rin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng mga himalang ginawa ni Felipe. Hindi ginawa ni Felipe ang mga himalang iyon gamit ang sariling kapangyarihan. Bagkus, kumilos ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng mga himalang ginawa ni Felipe. Si Felipe ay isa lamang simpleng instrumento ng Panginoon. Ang Espiritu Santo ang may gawa ng mga kababalaghang nasaksihan ng mga taga-Samaria. Dahil sa mga ginawa ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni Apostol San Felipe na nasaksihan naman ng mga taga-Samaria, tinanggap nila ang Salita ng Diyos na ipinangaral sa kanila (Mga Gawa 8, 14). Hindi binigo ng Espiritu Santo si Felipe. Tinulungan at ginabayan ng Espiritu Santo si Felipe sa kanyang misyon. 

"Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang loobin ito ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama." (1 Pedro 3, 17). Ito ang mga sinabi ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Nangaral siya tungkol sa pagiging matapat sa Diyos sa kabuuan ng Ikalawang Pagbasa. Mahirap maging tapat sa Diyos sa lahat ng oras, lalung-lalo na sa mga sandali ng kagipitan o pagsubok. Gustuhin man nating maging tapat sa Panginoon sa lahat ng oras, hindi madaling gawin iyan. Subalit, itinuturo ni Apostol San Pedro na dapat piliin pa rin nating maging tapat sa Panginoong Diyos sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap natin sa buhay. Ito ang dapat nating gawin. Kailangan nating maging tapat sa Panginoong Diyos sa mga sandali ng hirap at ginhawa. Ang bawat isa sa atin ay tutulungan ng Espiritu Santo na gawin ito. Ang Espiritu Santo ang hihimok sa atin na maging matapat sa Panginoon. Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na tuparin at sundin ang aral na ito na inilahad ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan. Ang Espiritu Santo ang papatnubay at gagabay sa ating lahat upang tayo'y mamuhay nang matapat sa Panginoong Diyos. 

Patuloy na pinapatnubayan at sinasamahan ng Espiritu Santo ang Simbahan sa kasalukuyan. Sa kabila ng mga pagsubok at salot na naganap sa kasaysayan ng daigdig, tulad na lamang ng mga pandemiya, ang Simbahan ay hindi pinabayaan ng Espiritu Santo kailanman. Laging sinasamahan ng Espiritu Santo ang Simbahan mula noon hanggang ngayon. Hindi ito magbabago kailanman. Ang Simbahan ay laging sasamahan, tutulungan, at gagabayan ng Espiritu Santo. 

Tayong lahat na bumubuo sa nag-iisang Simbahang itinatag ng Panginoong Hesus sa daigdig ay tunay na pinagpala. Tayong mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan na itinatag ng Panginoong Hesukristo ay mapalad sapagkat hindi Niya tayo pinababayaan kailanman. Hindi Niya tayo pinabayaang mag-isa at mabigo. Ipinagkaloob ni Hesus ang Espiritu Santo upang maging ating kasama at gabay sa lahat ng oras.