Miyerkules, Disyembre 23, 2020

MISTERYONG NAKAKASORPRESA

27 Disyembre 2020
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose (B) 
Genesis 15, 1-6; 21, 1-3 (o kaya: Sirac 3, 3-7. 14-17a [gr. 2-6. 12-14])/Salmo 104 (o kaya: Salmo 127)/Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19 (o kaya: Colosas 3, 12-21)/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22. 39-40) 


Ipinapaalala sa atin ng Kapistahan ng Banal na Mag-Anak na ang Diyos ay nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at namuhay kapiling natin sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Hindi Siya nagpakita agad taglay ang Kanyang buong kadakilaan, kahit na iyon ang pinakamadaling gawin. Ipinasiya ng Diyos maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayo'y tubusin. Ginawa Niya iyon upang ihayag ang Kanyang dakilang pag-ibig. Ito ang misteryo ng Pasko na patuloy na ipinapaalala sa atin, lalo na't ang Kapistahang ito ay napapaloob sa tinatawag na Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. 

Bahagi ng pagiging tao ay ang pagkakaroon ng pamilya. Ang bawat isa sa atin ay nagmula sa isang pamilya. Hindi tayo basta lumitaw at nagpakita sa daigdig gamit ang sarili nating kapangyarihan nang gayon na lamang. Bagkus, tayo ay nagmula sa isang pamilya at isang angkan. Iyan din ang ginawa ng Diyos. Ang Diyos ay naging bahagi ng isang pamilya nang Siya'y pumarito sa daigdig na ito sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Kahit na ang Panginoon ay mayroong kapangyarihang dumating at magpakita sa lahat nang gayon na lamang, pinili pa rin Niyang maging bahagi ng isang pamilya. 

Kung tutuusin, higit na dakila kaysa sa Kanyang pamilya dito sa daigdig na ito at maging kaysa sa Kanyang mga ninuno si Kristo. Higit Siyang dakila kaysa kay Abraham, na kilala rin bilang si Abram sa Unang Pagbasa. Si Kristo ay bahagi ng Banal na Santatlo, ang tunay at nag-iisang Diyos, na nangako kay Abram na siya'y magkakaroon ng maraming anak at apo sa Unang Pagbasa. Katunayan, binigyan pa nga Niya ng bagong pangalan si Abram - Abraham. Sabi pa nga sa Ikalawang Pagbasa na ibinigay ni Abraham sa Diyos ang kanyang pananalig at pagtalima. Ang nakakagulat, mismong ang Diyos ay naging bahagi ng angkan o lahi ni Abraham sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Kristo na dinala ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa templo upang ihandog sa Panginoon sa Ebanghelyo. Nakakagulat nga ito. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at naging bahagi ng isang pamilya at isang angkan. Ang Panginoon ay higit na dakila kaysa kina Abraham, Sara, Isaac, at maging kaysa sa Mahal na Inang si Maria at San Jose. Hindi nga sapat ang mga salita para ilarawan ang kadakilaan ng Diyos. Kung sino pa ang pinakadakila sa lahat, Siya pa ang nagpakaaba. Ang lahat ng bagay ay nasa Kanya, subalit pinili pa rin Niyang maging isang tao na wala namang taglay na kapangyarihan at kadakilaang katulad Niya. Bakit Niya ginawa ang nakakagulat na bagay na ito? 

Tunay ngang nakakagulat ang gawang ito ng Panginoong Diyos. Biruin mo nga naman, nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan at kaluwalhatian bilang Diyos subalit pinili pa rin Niyang maging isang tao katulad nating lahat, maliban na lamang sa kasalanan. Pinili Niyang maging katulad ng mga tao na sa Kanyang paningin mula sa langit ay mga aba at hamak na nilalang lamang. Subalit, ginawa ng Panginoon ang nakakagulat na bagay na ito dahil sa Kanyang pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig, pinili Niya tayong iligtas. Pag-ibig ang dahilan kung bakit pinili ng Diyos na magpamalas ng kababaang-loob upang iligtas ang bawat isa sa atin na mga hamak, mahihina, at maliliit na nilalang lamang. Hindi tayo dakila at makapangyarihan katulad Niya. Hindi natin Siya mahihigitan o mapapantayan man lamang kailanman. Subalit, pinili pa rin ng Panginoon na gawin ito dahil sa Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus, ang Diyos ay buong kababaang-loob na dumating sa daigdig na ito at nagkatawang-tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayo'y iligtas dahil sa Kanyang pag-ibig. 

Ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya ay nakasentro pa rin sa misteryo ng Pasko. Ang misteryong ito ay nakakagulat at nakakasorpresa. Ang Diyos ay dumating sa daigdig na ito bilang isang tao katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan, sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Ginawa Niya ito sapagkat tunay ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. 

Martes, Disyembre 22, 2020

ALANG-ALANG KAY KRISTO

26 Disyembre 2020 
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 


Sa unang tingin, nakakapagtaka at nakakagulat malamang ipinagdiriwang ang kapistahan ng isang santong martir sa mismong araw na kasunod ng Pasko ng Pagsilang. Inilaan ng Simbahan ang araw na kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon sa pagdiriwang ng Kapistahan ng kauna-unahang santong martir ng Simbahan na si San Esteban. Mapapatanong ang marami kung bakit ang Kapistahan ng Unang Santong Martir ng Simbahan ay ipinagdiriwang sa araw pagkatapos ng Pasko ng Pagsilang. 

Isinalaysay ang buhay at pagkamartir ni San Esteban sa Unang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita sa mga apostol tungkol sa katotohanan ng pagiging Kanyang mga saksi. Hindi magiging madali ang kanilang buhay. Sila'y makakaranas ng matinding pag-uusig dahil kay Kristo. Ang pagsaksi kay Kristo ay may kaaakibat na pagsubok, pagdurusa, at pag-uusig. Tila hindi naaayon o nababagay ang tono ng mga Pagbasa sa diwa ng Kapaskuhan. Bakit bahagi ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ang kapistahang ito? Hindi ba dapat tungkol sa pagsasaya ang walong araw na ito na inilaan ng Simbahan upang lalo pa nating ipagdiwang ang Pasko ng Pagsilang? Bakit ang araw na kasunod ng Pasko ng Pagsilang ang siyang pinili ng Simbahan upang gunitain at ipagdiwang ang kagitingan at pagkamartir ni San Esteban?

Bagamat nakakalungkot at napakabayolente ang sinapit ni San Esteban, hindi niya ito pinagsisihan. Hindi niya pinagsisihang magpatotoo tungkol kay Kristo at manindigan sa kanyang pananampalataya bilang Kristiyano. Bagamat alam niya kung ano ang maaaring mangyari sa kanya, hindi nagpatalo sa takot at sindak si San Esteban. Bagkus, kusang hinarap at tinanggap ni San Esteban kung ano ang mangyayari sa kanya alang-alang sa Panginoon. Hindi pinagsisihan ni San Esteban ang kanyang paninindigan at pagsaksi kay Kristo, kahit na ang naging kapalit nito ay ang kanyang sariling buhay. Naging masaya si San Esteban sa gitna ng matinding pag-uusig at kamatayan dahil sa Panginoong Hesukristo. Sa harap ng matinding pag-uusig at kamatayan, si San Esteban ay naging masaya sapagkat inialay niya ang mga huling sandali ng kanyang buhay dito sa lupa na puno ng pagtitiis at pagdurusa sa Panginoong Hesus. 

Ganito rin ang ginawa ng Panginoong Hesukristo. Ipinasiya Niyang pumarito sa mundo upang tayo'y iligtas. Ipinasiya Niyang maging ating Tagapagligtas. Dahil diyan, Siya'y dumating sa daigdig bilang isang sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa gabi ng unang Pasko. Kahit na alam Niya kung ano ang sasapitin Niya pagdating ng takdang panahon, pinili pa rin ni Hesus na gawin ito alang-alang sa atin. Iyan ang ating Tagapagligtas na si Hesus. Siya'y naparito upang tayo'y iligtas. Naparito Siya alang-alang sa atin. 

Si Hesus ay naparito sa daigdig alang-alang sa ating lahat. Alang-alang sa ating lahat, pinili Niya tayong iligtas. Iyan ang dahilan kung bakit Siya'y dumating sa daigdig bilang isang sanggol noong gabi ng unang Pasko. Pinili naman ni San Esteban na mamatay bilang martir alang-alang kay Kristo. Ang tanong para sa bawat isa sa atin, handa ba tayong ihandog ang ating mga sarili kay Kristo? Handa ba tayong gawin ang lahat at tiisin ang lahat alang-alang kay Kristo? 

Lunes, Disyembre 21, 2020

ANG MAGANDANG BALITA NG PASKO

25 Disyembre 2020
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 


Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa Banal na Sanggol na si Hesus. Si Hesus, ang Banal na Sanggol na ipinagnanak ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban noong gabi ng unang Pasko, ang dahilan kung bakit mayroong saysay at kahulugan ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Si Hesus ang dahilan kung ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ang napakahalaga. Tanging si Hesus lamang ang nagbibigay ng kahulugan sa pagdiriwang ng Pasko. Ang pagdiriwang ng Pasko ay walang saysay kung wala si Hesus. 

Kaya naman, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas habang buong tuwa't galak nating ipinagdiriwang ang araw na ito. Iyan ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang Pasko. Ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan, upang tayo'y iligtas. Ang Banal na Sanggol na nakahiga sa sabsaban ay ang ipinangakong Manunubos. Ang Banal na Sanggol na ito ay walang iba kundi ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Tinutulungan tayo ng mga Pagbasa para sa araw na ito na lalong palalimin ang ating pagninilay sa dahilan ng pagdiriwang ng Pasko na walang iba kundi ang pagkakatawang-tao ng Bugtong na Anak ng Diyos. Nagsalita si propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa pagdating ng isang sugo. May dahilan kung bakit darating ang sugong ito. Darating siya upang ipahayag ang magandang balita ng kapayapaan (Isaias 52, 7). Ang magandang balitang ito ay tungkol sa isang biyayang ipagkakaloob ng Diyos. Ang biyayang ito ay ang kaligtasan (Isaias 52, 10). Ang pagliligtas ng Panginoon ay mahahayag. Nahayag nga ang kaligtasang hatid ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko. 

Ang Panginoong Hesukristo ay ipinakilala sa Ebanghelyo bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa pamamagitan nito, nagsimula ang Ebanghelyo ni San Juan. Inilaan ni San Juan ang simula ng kanyang Ebanghelyo sa pagpapakilala kay Kristo bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Banal na Sanggol na isinilang noong unang Pasko ay ang mismong Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Dagdag pa ni San Juan, ang Salita ng Diyos ay Diyos rin. Isa lang ang ibig sabihin nito - ang Diyos ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Salita. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Diyos ay dumating sa daigdig na ito noong unang Pasko sa pamamagitan ng Salita - maghatid ng kaligtasan sa lahat. 

Nakasentro sa misteryong ito tungkol sa Panginoong Hesus ang pangaral ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Ang mga salitang ito ay ang mga unang salita ng Sulat sa mga Hebreo. Sabi niya nagsalita ang Diyos noong una sa pamamagitan ng mga propeta ng Lumang Tipan. Subalit, pagsapit ng itinakdang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak (Hebreo 1, 1-2). Iyan ang ating ginugunita habang buong galak nating ipinagdiriwang ang Pasko. Dumating sa daigdig na ito ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak upang tayo'y makapiling, malapitan, makausap, at iligtas. 

Isang magandang balita ang ipinaparating ng Simbahan sa bawat isa sa atin habang ipinagdiriwang natin ang Pasko nang buong tuwa't galak. Ang Diyos ay nagkatawang-tao katulad natin, maliban sa kasalanan, at dumating sa daigdig upang tayo'y iligtas. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Ang Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban ang patunay na totoo nga ang magandang balitang ito. Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria ay walang iba kundi ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao upang maghatid ng kaligtasan sa lahat. Iyan ang magandang balita ng Pasko. 

Linggo, Disyembre 20, 2020

SANGGOL NA HESUS: TINAPAY NG BUHAY AT HARI NG MGA HARI

25 Disyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bukang-Liwayway] 
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20 



Ang kahulugan ng "Betlehem" sa wikang Hebreo ay "Tahanan ng Tinapay". Ang kahulugan ng pangalan ng bayang ito kung saan isinilang ng Mahal na Birheng Maria ang Banal na Sanggol na si Kristo Hesus ay marapat lamang bigyan ng pansin habang patuloy nating pinagninilayan ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng ipinangakong Tagapagligtas. Ang pangalan ng bayang ito na kilala bilang bayan ni Haring David ay nangangahulugang "Tahanan ng Tinapay." Ang lugar na ito ay pinili ng Diyos upang maging bayan kung saan isisilang sa daigdig ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Isa sa mga titulo ng Panginoong Hesukristo ay ang "Tinapay ng Buhay." Siya ang pagkaing nagbibigay-buhay. Tanging Siya lamang ang nakapagbibigay ng buhay sa lahat. Ang mga kagutumang hindi kayang pawiin ng mga pagkain sa daigdig ay mapapawi ng Panginoong Hesukristo. Katunayan, sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, paulit-ulit Niyang ipinakilala ang Kanyang sarili sa Kanyang mga tagasunod bilang tunay na tinapay na nagmula sa langit. Matapos Niyang pakainin ang limanlibong tao at maglakad sa ibabaw ng tubig, ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang tunay na pagkaing ipinagkaloob ng Amang nasa langit. Sabi pa ni Hesus na magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang mga kakain ng Kanyang laman at iiinom ng Kanyang dugo. Hindi man ito naintindihan o tinanggap ng karamihan sa Kanyang mga tagasunod, pinanindigan pa rin ni Hesus ang Kanyang mga sinabi tungkol sa Kanyang sarili bilang tunay na pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Kahit na ito ang naging dahilan kung bakit karamihan sa Kanyang mga tagasunod noon ay tumalikod sa Kanya at umalis na lamang, nanatili pa rin ang turong ito ni Hesus. 

Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ang bukod tanging dahilan kung bakit ang Tinapay ng Buhay na walang iba kundi ang Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko ay ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. Kung tutuusin, ang mga Pagbasa para sa Banal na Misa sa Bukang-Liwayway ng Pasko ng Pagsilang. Subalit, kahit napakaikli ng mga Pagbasang ito, mayroon tayong mapupulot na impormasyon tungkol sa dahilan kung bakit ang Tinapay ng Buhay ay dumating sa daigdig noong unang Pasko. 

Sa unang bahagi ng Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos na Siya ay darating upang iligtas ang Herusalem (Isaias 62, 11). Sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos ang dahilan kung bakit Niya ito gagawin. Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Panginoon na iligtas ang Kanyang bayan ay pag-ibig. Ang Panginoon na rin mismo ang nagpahiwatig nito noong inilahad Niya ang mga pangalang itatawag sa Herusalem sa nasabing bahagi ng Unang Pagbasa (Isaias 62, 12). Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang Kanyang bayan. 

Ang pag-ibig na ito ng Panginoong Diyos ay ang sentro ng pangaral o mensahe ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nagsalita si Apostol San Pablo sa pangaral na ito tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang lahat. Tayong lahat ay iniligtas ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig. Iyan ang dahilan kung bakit dumating sa daigdig noong gabi ng unang Pasko ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Ina. Ang Banal na Sanggol na ito ay ang Tinapay ng Buhay na si Hesus. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagdalaw ng mga pastol sa Banal na Sanggol na si Kristo. Matapos ibalita ng anghel ang pagsilang ni Kristo at magpuri ang hukbo ng kalangitan, ang mga pastol ay nagpasiyang pumunta sa Betlehem upang dalawin ang Sanggol na kilala rin bilang Hari ng mga Hari at Tinapay ng Buhay. Matapos tumungo sa Betlehem upang tingnan ang mga sinabi ng anghel sa kanila, sila'y umuwing nagpupuri sa Diyos. Habang umuuwi ang mga pastol, pinuri nila ang Panginoon sapagkat dumating na rin sa wakas ang ipinangakong Tagapagligtas. Pinuri nila ang Diyos dahil inihayag Niya ang Kanyang pag-ibig at awa sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. Ang Sanggol na si Kristo ay ang ipinangakong Manunubos na ipapadala ng Diyos. 

Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari, ang pag-ibig at habag ng Diyos ay nahayag. Si Hesus, ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari, upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Maria sa gabi ng unang Pasko ay ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari na magliligtas sa lahat ng tao. Tinupad ng Diyos sa pamamagitan Niya ang Kanyang pangako. Ipinangako Niyang Siya'y darating upang iligtas ang Kanyang bayan. Ang pangakong ito ay tinupad ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus, ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari. Sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesus, ang Hari ng mga Hari at Tinapay ng Buhay, ang Diyos ay dumating sa lupa upang tubusin ang sangkatauhang tunay Niyang iniibig at kinahahabagan. 

Sabado, Disyembre 19, 2020

SI HESUS ANG LIWANAG AT LIGAYA NG PASKO

25 Disyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Hatinggabi] 
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14 



"Ngayong Pasko, magdiriwang ang mundo. 
Sa pag-ibig Mo'y may himala, 
may panibagong simula. 
Ngayong Pasko, babalik ang saya 
dahil Ikaw ang Liwanag at Ligaya. 
Ikaw lang, Ikaw lang, Ikaw ang Liwanag at Ligaya. 
Ikaw lang, Ikaw lang ang Liwanag at Ligaya." 

Ang mga salitang ito ay ang mga titik ng koro ng awiting ginamit ng ABS-CBN sa kanilang Station ID para sa panahon ng Kapaskuhan ngayong taon. Ang pamagat ng nasabing awitin ay "Ikaw ang Liwanag at Ligaya". Kung titingnan natin nang mabuti ang mga titik na ito, tila relihiyoso ang tono nito. Bagamat ito'y isang sekular na awitin at hindi maaaring gamitin sa liturhiya, napakaganda ang mensaheng nais iparating nito. Ang Liwanag at Ligaya ng Pasko ay walang iba kundi ang Banal na Sanggol na isinilang sa sabsaban na si Kristo. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Misa sa Hatinggabi ng Pasko ng Pagsilang kung paanong ang Panginoon ay ang tunay na liwanag at ligaya. Sa simula ng Unang Pagbasa, inilarawan kung ano ang ihahatid ng Panginoon sa Kanyang pagdating. Inilarawan ni propeta Isaias na ang kadilimang babalot sa lupain ay sisinagan ng isang malaking liwanag. Ang kadilimang laganap sa buong lupain ay papawiin ng liwanag na ito. Dagdag pa ni propeta Isaias na ang lahat ng mga taong nakatira sa lupaing iyon ay mapupuno ng saya at sigla dahil sa kahanga-hangang gawang ito ng Diyos (Isaias 9, 1-2). Napakalinaw ang paglarawan ni propeta Isaias sa Panginoon bilang liwanag at ligaya. Ang Panginoong Diyos mismo ang papawi sa dilim na bumabalot sa Kanyang bayan at maghahatid ng ligaya sa lahat. Dahil sa Panginoon, ang lahat ng mga taong nakatira sa bayang tinukoy ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa ay mamumuhay nang may liwanag at tuwa. Siya ang liwanag at ligaya ng mga taong inilarawan ni propeta Isaias. 

Subalit, ang pahayag ni propeta Isaias ay hindi nagtapos doon. Sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inilarawan niya kung paanong ang Panginoon ay maghahatid ng liwanag at ligaya sa mga taong iyon. Inilarawan ni propeta Isaias kung paanong ipapakita ng Panginoon na Siya ang liwanag at ligaya ng lahat sa ikawalang bahagi ng Unang Pagbasa. Isang sanggol na lalaki ang ibibigay ng Diyos (Isaias 9, 5). Patutunayan ng Diyos sa pamamagitan ng lalaking sanggol na ito na Siya ang Liwanag at Ligaya. Ibibigay ng Panginoon ang Kanyang sarili upang maging Liwanag at Ligaya ng lahat. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa ipinangakong lalaking sanggol na ibibigay ng Diyos sa lahat. Ang lalaking sanggol ay walang iba kundi ang ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo Hesus. Ang sanggol na tinukoy ni propeta Isaias sa kanyang propesiya ay walang iba kundi si Hesus. Si Hesus ay pumarito sa daigdig upang iligtas ang sangkatauhan. Ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa lahat ay dumating sa daigdig na ito sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Sa pamamagitan ng pagligtas sa lahat, pumasok sa daigdig ang liwanag at ligayang hatid ng Diyos. Patunay lamang ito na ang tunay na liwanag at ligaya ay walang iba kundi ang Panginoon. 

Sa Ebanghelyo, buong tuwang ibinalita ng isang anghel sa isang grupo ng mga pastol sa parang ang pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Matapos ibalita ng anghel ang pagsilang ni Hesus sa mga pastol, buong tuwang umawit ang isang hukbo sa langit sa Diyos (Lucas 2, 9-14). Ibinahagi ng anghel ang tuwang hatid ng Panginoong Hesukristo sa mga pastol na ito. Isang magandang balita ang inihatid ng anghel sa mga pastol na nag-aalaga ng kanilang mga tupa noong gabing iyon. Buong tuwa't sayang ibinalita ng anghel sa mga pastol na ito ang pagdating ng tunay na liwanag at ligaya sa daigdig. Ang tunay na liwanag at ligaya ay nagmula sa langit. Ang tunay na liwanag at ligaya ay walang iba kundi ang Panginoon. Siya'y dumating sa mundong ito noong gabi ng unang Pasko sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Kristo. 

Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko matapos Siyang dalhin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ay ang tunay na Liwanag at Ligaya ng Pasko. Siya ay dumating sa daigdig upang ipalaganap ang liwanag at ligayang kaloob Niya. Ang tunay na Liwanag at Ligaya ay mayroong Pangalan. Hesus ang Kanyang Pangalan. 

Biyernes, Disyembre 18, 2020

REGALONG SUMASALAMIN SA KANYANG AWA

24 Disyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25) 



Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Bisperas ng Pasko ng Pagsilang ang nag-iisang dahilan kung bakit isinilang ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas noong gabi ng unang Pasko. Kahit na ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon ay ipinagdiriwang natin bilang isang Simbahan tuwing sasapit ang ika-25 ng Disyembre taun-taon, magandang pagnilayan muli ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahang ito. Kahit ilang ulit na nating narinig na si Kristo ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng Pasko sa tuwing pagninilayan natin ang misteryo ng panahong ito, marapat lamang na gawin ito muli upang lalo nating makita ang kagandahan ng Kapaskuhan. Kahit paulit-ulit na ito para sa karamihan, magandang pagnilayan muli kung paanong si Kristo ang naging dahilan ng Kapaskuhan upang lalo tayong mamangha sa misteryo ng Kanyang pagkakatawang-tao na inaaalala natin sa panahong ito. 

Maraming beses na natin sigurong naririnig sa ilang mga pagninilay at maging sa ilang mga mensahe tuwing panahon ng Kapaskuhan ang linyang si Kristo ang dahilan ng nasabing pagdiriwang. Tama naman iyon at hindi na ito dapat tanungin. Subalit, tila nauumay na ang karamihan sa atin na marinig ito. Parang nakakaumay na para sa ilan sa atin ang mga salitang ito tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan. Parang gusto na nating tanungin kung mayroon bang bagong sasabihin. Parang gusto nating sabihin na alam na nating si Kristo ang sentro at dahilan ng pagdiriwang ng Pasko dahil kaarawan naman Niya iyon. Bilang isang Simbahan, ginugunita at ipinagdiriwang natin nang buong saya ang pagsilang ni Kristo tuwing ika-25 ng Disyembre.

Oo, paulit-ulit nating naririnig tuwing sasapit ang panahong ito ang mga linyang si Kristo ang dahilan ng pagdiriwang ng Pasko. Subalit, magandang pagnilayan ang dahilan kung bakit nga ba si Kristo ay naging dahilan at sentro ng Pasko. Bakit mahalagang matandaan natin ang katotohanang ito, na ang sentro at dahilan ng Pasko ay si Kristo, bukod sa dahilan na ginugunita tuwing Pasko ang Kanyang pagsilang sa daigdig na ito bilang isang sanggol? Bakit nga ba Siya isinilang? Bakit Siya pumarito bilang isang sanggol sa gabi ng unang Pasko? 

Isang salita ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Makakatulong sa ating pagninilay sa pagdiriwang ng Kapaskuhan ang salitang ito upang lalo nating maunawaan ang dahilan kung bakit si Hesus ay isinilang noong gabi ng unang Pasko. Ang salitang ito na pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa ay makakatulong sa atin upang lalo tayong maakit sa ganda ng pagdiriwang ng Kapaskuhan kung saan ginugunita natin ang pagkakatawang-tao ni Hesus. Ang salitang iyon ay walang iba kundi kaligtasan. 

Sabi sa simula ng Unang Pagbasa, "Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Herusalem. Hindi ako tutugon hangga't hindi siya naliligtas" (Isaias 62, 1). Ang mga salitang ito ay may pahiwatig tungkol sa kaloob ng Panginoon sa Kanyang bayan. Napakaespesyal ng Kanyang hatid sa Kanyang bayan. Kaligtasan ang ipagkakaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. Ang biyayang ito ay inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, sinabi niya na ang ipinangakong Tagapagligtas na ipinagkaloob ng Diyos ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo (Mga Gawa 13, 23). Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni San Mateo ang pagsilang ipinangakong Manunubos na si Hesus. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, dumating ang biyaya ng kaligtasan. Iniligtas ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Ang Mahal na Inang si Maria ay nagsilang ng isang sanggol noong gabi ng unang Pasko. Ang sanggol na iyon ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan na walang iba kundi si Hesus. Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birhen, ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa daigdig na ito. Isang sanggol ang isinilang ng Mahal na Ina upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Kanyang Pangalan ay Hesus. 

Bakit si Kristo ang dahilan at sentro ng Pasko? Bakit Siya isinilang sa daigdig na ito noong gabi ng unang Pasko? Iyon ay sapagkat dumating ang pinakadakilang regalo mula sa Diyos sa pamamagitan Niya. Ang regalo ng Diyos na dumating noong gabi ng unang Pasko ay ang biyaya ng kaligtasan. Ibinigay Niya sa lahat ang Tagapagligtas na si Hesus noong gabi ng unang Pasko dahil niloob Niyang tubusin ang sangkatauhan. Ang Banal na Sanggol na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria ay ang ipinangakong Tagapagligtas na kaloob ng Diyos sa lahat. Ang Kanyang Pangalan ay Hesus. Ang ipinangakong Manunubos na iniregalo ng Panginoong Diyos sa lahat ng tao noong gabi ng unang Pasko ay sumasalamin sa Kanyang awa at habag.

Huwebes, Disyembre 17, 2020

AWA NG DIYOS: TANDA NG KANYANG KATAPATAN

24 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikasiyam na Araw 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79 



Inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito, ang ikasiyam at huling araw ng tradisyunal na Simbang Gabi, ang kantikulo ng ama ni San Juan Bautista na si Zacarias na kilala bilang "Benedictus". Ang pamagat ng awit o kantikulong ito ay hango sa mga unang salita nito sa wikang Latin. Ang mga salita sa pambungad ng awiting ito ay "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!" (Lucas 1, 68) Sa pamamagitan ng awit na ito, pinuri ni Zacarias ang Diyos. Katunayan, agad na ginawa ito ni Zacarias matapos ang siyam na buwan ng pagiging pipi at bingi dahil hindi siya naniwala sa ibinalita sa kanya ng anghel. 

Sa kabuuan ng awiting ito, binigyan ng pansin ni Zacarias ang awa ng Diyos para sa lahat. Nagsimula sa pamamagitan ng isang panawagan sa lahat ang awit na ito. Matapos manawagan sa lahat na magpuri sa Diyos sa simula ng kanyang awitin, inilahad niya ang mga dahilan kung bakit nararapat itong gawin ng bayang Israel. Kung papansinin natin nang mabuti ang mga salita ng awiting ito, isa lamang ang katangian ng Panginoon na inilarawan sa kabuuan nito. Ang kaisa-isang katangiang ito ng Panginoon na inilarawan ni Zacarias sa kanyang awitin ay ang Kanyang pagiging maawain. Matapos manawagan sa lahat na magpuri sa Panginoong Diyos, inilaan ni Zacarias ang mga sumunod na bahagi ng kanyang awitin upang magpatotoo sa awa at habag ng Panginoon. 

Matagal nang ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang awa at habag. Isang halimbawa nito ay ang Kanyang pangako kay Haring David sa Unang Pagbasa. Inutusan Niya ang propetang si Natan upang iparating ang pangakong ito. Kung tutuusin, hindi naman Niya kinailangang gawin iyan sapagkat alam naman ng Diyos kung ano ang mangyayari pagkatapos nito. Makikiapid si Haring David kay Batseba at ipapapatay niya ang kanyang asawang si Urias. Katunayan, maaari ring bawiin ng Diyos ang pangakong ito matapos itong gawin ni Haring David. Subalit, kahit na alam Niyang makikiapid si Haring David kay Batseba at ipapapatay si Urias, pinili pa rin ng Diyos magbitiw ng isang pangako sa kanya at tuparin ito. Katunayan, hindi Niya ito binawi nang gawin ni Haring David ang nakakasuklam na gawaing ito. 

Tayong lahat ay pinapaalalahanan ng mga Pagbasa para sa ikasiyam at huling araw ng Simbang Gabi na ang Diyos ay mahabagin. Kahit na may mga pagkakataon sa ating buhay kung saan hindi tayo naging tapat sa Kanya, ang Diyos ay mananatiling tapat sa atin. Patuloy Niyang ipinapakita ang Kanyang habag upang ipaaalala sa atin na Siya'y laging tapat sa atin. Kahit na ilang ulit tayong magkakasala laban sa Kanya, hindi mababawasan ang Kanyang katapatan.