Sabado, Nobyembre 22, 2014

HARING MAHABAGIN AT MAAWAIN SA MGA DUKHA

Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (Ang Huling Linggo sa Kalendaryo ng Simbahan) (A) 
Ezekiel 34, 11-12. 15-17/Salmo 22/1 Corinto 15, 20-26. 28/Mateo 25, 31-46 



Sa ating Ebanghelyo, ipinapakita ni Hesus sa mga alagad kung ano ang mangyayari sa paghuhukom. Sa paghuhukom, si Kristo ay luluklok sa Kanyang trono bilang Hari at huhukom sa lahat ng tao. Ang mga matutuwid, na isinasalarawan ng mga tupa, ay papasok sa kaharian ng langit habang ang mga di-matuwid, na isinasalarawan ng mga kambing, ay parurusahan sa apoy na walang hanggan. 

Sinu-sino ang mga matutuwid na isinasalarawan ni Hesus sa Ebanghelyo? Sila ang mga taong naglingkod sa kanilang kapwa-tao. Pinaglingkuran nila ang mga maralita, ang mga dukha. Ang kanilang pagkakawang-gawa ang naging dahilan ng kanilang pagpasok sa kaharian ng langit. Buong buhay nila sa lupa, pinaglingkuran nila ang Diyos at kapwa, hindi lamang sa pananalangin, kundi sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa. Sa katapusan ng kanilang buhay dto sa lupa, sila ay ginantimpalaan ng Panginoon para sa kanilang mga mabubuting gawa noong nabubuhay sila sa lupa. Sila ay tatanggapin sa kaharian ng langit at makakapiling nila ang tunay na Hari na pinaglingkuran nila, ang Panginoong Hesukristo. 

Ilan lamang sa maraming paraan ng pagkakawang-gawa ay ang mga Korporal at Espirituwal na Gawa ng Awa (Corporal and Spiritual Works of Mercy). Sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa, ipinaparamdam natin sa ating kapwa-tao na tayo ay maawain at mapagmahal sa kanila. Ito ang tunay na dahilan at ang tunay na diwa ng pagkakawang-gawa. Tayo ay tumutulong at gumagawa ng mabuti sa ating kapwa-tao, lalung-lalo na sa mga dukha, upang ipadama natin sa kanila ang ating awa, habag, at pagmamahal sa kanila. 

Nais ni Hesus na paglingkuran natin ang ating kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga maralita. Ipinapadama sa atin ni Hesus bilang Hari at Pastol natin ang Kanyang habag at awa sa atin. Hinahamon tayo ni Hesus sa ating Ebanghelyo na tularan Siya sa pagpapadama ng habag at awa sa ating kapwa-tao, lalung-lalo ang mga maralita. Kung si Hesus ay nahabag at naawa sa ating lahat, bakit hindi natin ipadama ang ating habag at awa sa ating kapwa? 

Ipinahayag ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa na kakalingain at aalagaan Niya ang Kanyang mga tupa. Tayong lahat ay kabilang sa kawan ng Panginoon. Kung paanong inaalagaan ng isang pastol ang kanyang kawan, gayun din naman, tayong lahat ay inaalagaan at kinakalinga ng Panginoon bilang Kanya. Bakit? Sapagkat tayo ay mahal na mahal Niya. Ipinaparamdam at ipinapakita sa atin ng Panginoon ang Kanyang awa, habag at pagmamahal Niya sa atin, bilang Pastol at Hari natin. 

Hinahamon tayo ngayon ni Kristong Hari na paglingkuran Siya sa pamamagitan ng paglingkod sa ating kapwa-tao. Tayong lahat ay nilikha na kawangis ng Diyos, lalung-lalo na ang mga dukha. Kapag gumawa tayo ng mabuti para sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita, ginagawa natin ito para kay Kristo. Si Kristo ang ating pinaglilingkuran sa ating paglingkod sa ating kapwa-tao. 

Ang Santa Iglesia ay sumusunod sa aral ni Kristo tungkol sa pagkakawang-gawa. Lahat ng tao ay pinaglilingkuran ng Santa Iglesia sa pamamagitan ng pagtuturo, pananalangin at pagkakawang-gawa. Pinaglilingkuran ng Inang Simbahan ang mga maralita. Kaya nga, ang Simbahan ay tinatawag nating Simbahan ng mga maralita. Ang Simbahan ay nagpapakadukha, katulad ng pagpapakadukha ni Kristo noong Siya ay pumarito sa sanlibutan. Nagpakadukha ang Panginoon sa Kanyang pagparito sa sanlibutan upang tawagin ang mga makasalanan at mga dukha. Pinagpapatuloy ng Simbahan ang misyon ni Kristo dito sa lupa - hanapin at tawagin ang mga makasalanan at mga dukha at muli silang ilapit sa Diyos. 

Sa ating buhay dito sa lupa, nawa ay gamitin natin ang bawat pagkakataong ibinigay sa atin upang gumawa ng mabuti sa ating kapwa, lalung-lalo sa mga maralita. Sa katapusan ng buhay natin dito sa lupa, hahatulan tayo ni Kristong Hari ayon sa mga mabubuting gawa na ginawa natin sa ating kapwa. Nasa atin ngayon kung tayo ay mapapabilang sa mga tupa o kambing. May gantimpalang naghihintay para sa mga tupa mula kay Kristong Hari. 

Nawa'y gumawa tayo ng mabuti para sa ating kapwa habang may panahon pa tayo. Sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa ating kapwa, kahit ang pinakamaliit na mabuting bagay, ginagawa natin ito para sa Diyos. Tayo ay gagantimpalaan para sa mga mabubuting gawa sa ating kapwa-tao sa katapusan ng ating buhay. Ang tunay na Kristiyano ay nananalangin at gumagawa ng mabuti para sa kanyang kapwa. Ang tunay na Kristiyano ay mahabagin at maawain sa kanyang kapwa, katulad ng Panginoon. Ipadama nawa nating lahat ang ating awa at habag sa ating kapwa-tao, katulad ng ginawang pagpapadama ng Panginoon ng Kanyang awa at habag sa atin. 

REFLECTIVE SONG: "Hesus na aking Kapatid" - Himig Heswita 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento