Lunes, Pebrero 12, 2018

PANAHON NG PAG-IBIG

14 Pebrero 2018 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma na nagsisimula sa pamamagitan ng Miyerkules ng Abo, inaanyayahan ng Simbahan ang bawat isa na palalimin ang pagninilay sa misteryo ng pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos na tumatawag sa bawat isa na magbalik-loob sa Kanya nang buong puso. Ang pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos ang paksang nais pagtuunan ng pansin ng Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ngayong Miyerkules ng Abo, ang unang araw ng Apatnapung Araw na Paghahanda. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni propeta Joel sa lahat ng tao ang panawagan ng Diyos. Ang Diyos ay nanawagan sa lahat ng tao na magsisi sa kanilang makasalanang pamumuhay at manumbalik sa Kanya nang taos-puso. Sa Ikalawang Pagbasa, hinihimok ni Apostol San Pablo ang lahat ng mga Kristiyano na manumbalik at makipagkasundo sa Diyos habang may panahon pa. 

Bakit ito ginagawa ng Diyos? Bakit Niya tinatawag ang lahat ng tao na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya? Tayong lahat ay pawang mga makasalanang hamak. Siya ang dakila't makapangyarihan sa lahat. Nasa Kanya naman ang lahat ng kadakilaan at kapangyarihan. Bakit mahalaga pa rin sa paningin ng Diyos ang sangkatauhan? Anong meron sa ating mga tao, mga abang makasalanan, at tayong lahat ay mahalaga pa rin sa mga mata ng Panginoon? Kung tutuusin, hindi naman Niya kailangang gawin iyon. Maaari naman Siyang magpakasarap sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. Bakit Niya ito ginawa? Ano bang meron sa atin? 

Ginagawa ito ng Diyos magpahanggang ngayon hindi dahil sa kung anong meron tayo bilang mga tao. Ito ay dahil sa kung anong meron Siya. At iyon ay pag-ibig. Ang dakilang pag-ibig at habag ng Diyos ang dahilan kung bakit Niya tayong pinahahalagahan sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na likhain tayo ayon sa Kanyang larawan (Genesis 1, 26). Ito ang dahilan kung bakit Siya'y nagkatawang-tao upang tayo'y iligtas sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus. 

Kaya naman, nararapat lamang na pagmamahal rin ang ibigay at ialay natin sa Diyos. Nararapat lamang na ibigin ang Diyos dahil Siya ang unang nagmahal sa atin. Sa kabila ng ating mga pagkakasala, na bahagi ng ating likas bilang mga taong namumuhay dito sa mundong ibabaw, pinili ng Diyos na mahalin at kahabagan tayo. Ito'y pinatunayan Niya sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Kristo Hesus sa ating lahat upang maging ating Mesiyas at Tagapagligtas. 

Paano naman nating maihahayag ang ating pag-ibig sa Diyos? Sa pamamagitan ng taos-pusong pagbibigay ng papuri't pagsamba sa Kanya. Ang ating pagbibigay ng papuri't pagsamba sa Diyos ay ating inihahayag sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa. Iyan ang diwa ng pamamanata sa Diyos. Iyan ang ating ginagawa natin sa ating pamamanata sa Panginoon. Sa pamamagitan ng pamamanata sa Diyos, inihahayag natin ang ating pagmamahal sa Kanya. Binibigyan natin ng karangalan at kaluwalhatian ang Diyos sa pamamagitan ng ating pamamanata, ang ating paghahayag ng ating pag-ibig sa Kanya. 

Nagbigay ng paalala ang Panginoong Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa pamamanata sa Diyos. Ipinapaalala ni Hesus na ang layunin ng pamamanata ay hindi upang gumawa ng palabas kundi upang ihayag ang pag-ibig, pagpuri, at pagsamba sa Diyos. Kung ginagamit lamang ang pamamanata sa paggawa ng palabas, hindi ito magiging sinsero o totoo. Namemeke lamang tayo't gumagawa ng kalokohan kapag ang ating pamamanata sa Diyos ay ginagawa lamang natin upang gumawa ng palabas. Hindi dapat maging pakitang-tao ang pamamanata sa Diyos. Bagkus, ito ay dapat seryosohin at totohanin. Kapag taos-puso at sinsero ang ating pamamanata sa Diyos, tayo ay Kanyang kalulugdan at gagantimpalaan. Ang pamamanata sa Diyos ay dapat maging taos-puso, tulad ng Kanyang taos-pusong pagkakatawang-tao at pag-aalay ng buhay para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pag-ibig. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Simbahan ngayong panahong ito upang palalimin ang ating relasyon sa Diyos. Inaanyayahan ng Simbahan ang lahat na damhin ang dakilang pag-ibig at habag ng Diyos at hayaang liwanagan ng Diyos ang ating mga puso't isipan tungkol sa misteryo ng Kanyang dakilang pag-ibig at habag na siyang dahilan ng ating kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Palalimin natin ang ating debosyon at pananampalataya sa Diyos na Siyang unang nagmahal sa atin nang tunay at tapat. Ipakita rin natin sa Diyos ang taos-puso nating pagmamahal at pagsamba sa Kanya sa pamamagitan ng ating taos-pusong pamamanata. Nararapat lamang na ibigin ang Diyos nang higit sa lahat sapagkat tayong lahat ay Kanyang inibig sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento