Sabado, Pebrero 14, 2026

LAGING NAGBIBIGAY NG PAGKAKATAONG MAGING BANAL ANG ATING DINARAKILA

27 Pebrero 2026 
Biyernes sa Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Ezekiel 18, 21-28/Salmo 129/Mateo 5, 20-26


Bagamat nalugmok ang tao sa kasalanan dahil pagsuway nina Adan at Eba sa utos sa kanila ng Panginoong Diyos na huwag kainin ang bunga mula sa punongkahoy na nagbibigay ng karunungan tungkol sa kabutihan at kasamaan, hindi sila pinabayaang tuluyang mapahamak. Kumilos ang Panginoong Diyos. Ito ang ipinahiwatig ng unang ginawa ng Panginoong Diyos matapos suwayin nina Adan at Eba ang iniutos Niya sa kanila. Ang unang ginawa ng Panginoong Diyos ay hanapin sila (Genesis 3, 8). Hindi hadlang ang kasalanang nagawa nila upang hanapin sila ng Panginoong Diyos. 

Ang mga Pagbasa ay nakatuon sa paghahanap ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi Niya pinabayaang mapahamak nang tuluyan ang sangkatauhan. Bagkus, ipinasiya Niyang kumilos at gumawa ng paraan upang tubusin ang sangkatauhan. Sa Unang Pagbasa, itinampok at inilahad ang paliwanag ng Diyos tungkol sa Kaniyang pasiya. Hindi Niya ninanais ang kapahamakan ng sangkatauhan, lalung-lalo na ang mga makasalanan. Gaano man karami at katindi ang mga kasalanang kanilang isinagawa, ang Diyos ay laging handang magpakita ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa mga taos-pusong nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kaniya. Ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay nakasentro sa pagpasok sa kaharian ng Diyos. May oportunidad at pagkakataong makapasok sa kaharian ng Diyos sa langit ang bawat tao sa lupa. Kahit ang mga makasalanan, mayroon silang pagkakataong tahakin ang landas ng kabanalan. Dapat lamang nilang pagsisihan at talikdan ang kanilang mga makasalanang pamumuhay nang taos-puso at sundin ang kalooban ng Diyos. Ito ang hinahanap ng Diyos sa atin. 

Maging panalangin nawa ng bawat isa ang mga salita sa Salmong Tugunan: "Hiling nami'y Iyong limutin tanang kasalanan namin" (Salmo 129, 3). Lagi nating hilingin sa Diyos nang may taos-pusong kababaang-loob na ipakita sa ating lahat na nagkasala sa Kaniya nang paulit-ulit ang Kaniyang kahanga-hangang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na naglilinis at dumadalisay sa atin. Ito ang magdudulot ng tuwa, galak, at ligaya sa Kaniya. 

Tunay ngang kahanga-hanga ang ating dinarakila na walang iba kundi ang Diyos. Sa kabila ng ating mga nagawang kasalanan laban sa Kaniya, hindi tayo sinusukuan. Bagkus, lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Hinahanap Niya tayo upang ipagkaloob ito sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento